Chapter 19

96 81 42
                                    


       "Oo nga pala. Kaarawan na ng kaniyang anak na si Serenity." Ang sabi ni Reyna Kanisha kay Grovioza.

       Si Grovioza ay muling bumisita sa kaharian ng Promalon upang ipaalam sa mag-asawa na siya ay imbitado sa darating na kaarawan ni Prinsesa Serenity na magaganap mismo sa kaharian ng Swatrimana.

        "Hindi ba't isang magandang oportunidad ito para sa ating plano? Ang siyasatin ang kanilang buong palasyo upang mas malaman pa natin ang mga pasikot-sikot?" Tanong ni Grovioza sa kaniyang mga kakampi.

        Nagtinginan sina Haring Batromonio at Reyna Kanisha. Tumango sila sa isa't-isa at muling tumingin kay Grovioza.

        "'Mahusay ang iyong naisip. Isa ka talagang magaling na bruha." Ang sabi ni Reyna Kanisha.

        Napatingin si Grovioza kay Reyna Kanisha at si Haring Batromonio naman ay pigil na pigil sa kaniyang pagtawa.

       "Bruha?" Bigla na lamang napatanong si Grovioza sa sinabi ni Reyna Kanisha sa kaniya.

       "Parang hindi naman siguro magandang tawagin siyang bruha, Kanisha." Ang sabi ng Hari na pigil pa rin sa kaniyang pagtawa.

       "Hindi ba't bruha ka? Iyon naman talaga ang tawag sa mga tulad mo, bruha." Muling sabi ni Reyna Kanisha kay Grovioza na napipikon na.

       Hindi na rin alam ni Grovioza kung ano nga ba ang isasagot niya kay Reyna Kanisha. Napipikon na siya at konti na lang ay magagalit na siya rito.

       "Hindi ako bruha, isa akong salamangkero. Iba ang bruha o mangkukulam sa salamangkero." Pagpapaliwanag naman ni Grovioza.

       "Ah, pasensya ka na. Talagang mas gusto kong itawag sa'yo ay bruha dahil mas madali itong sabihin." Tugon ni Reyna Kanisha.

        Ngumiti na lamang si Grovioza sa kausap niyang tila ba lutang kung tawagin at kahit na pikon na pikon na ito ay mas pinili niyang pigilan dahil baka masaktan pa niya ang Reyna na pinapangalagaan ng Hari.

~•••••••~

       Pagkababa na pagkababa nina Loreen at Remie sa motor na sinasakyan nila, agad na nakita ni Loreen ang resort na kanilang pupuntahan ngayon.

        Bitbit ang kaniyang bag na naglalaman ng mga kailangan niya agad naman siyang hinila ni Remie sa loob ng resort, unang pool na nakita nila ay para sa mga bata, sunod naman ay para sa matatanda.

       Habang naghahanap ng cottage na matutuluyan, may mga iba pang tao silang nakita roon na nakatitig sa kanilang dalawa ni Remie.

       "Grabe naman, feeling ko artista ako. Nagtitinginan sila sa atin." Bulong ni Remie kay Loreen, at nang makakita sila ng bakanteng cottage agad silang umupo roon at nilapag ang mga gamit nila.

       May iba rin silang kasama bukod sa kanilang pamilya. Nagsama rin sila ng mga iba pang kaibigan ng mga nanay at tatay nila upang mas masaya.

       Ngunit ang hindi nila alam may mga babae rin na kaedad lang nila ni Remie na hindi malaman kung bakit ang tingin ay para bang mangangat.

      "Sama naman ng tingin ng tatlong 'yon. Mga insecure." Ang sabi ni Remie kay Loreen. Nahuli nilang ang tatlong babae ay nakatitig sa kanila na para bang gusto na silang sabunutan ng mga ito.

       "Hayaan mo sila. Wala namang mawawala sa atin kung pagtinginan tayo ng mga 'yan eh." Ang sagot lang ni Loreen kay Remie nang pabulong.

       Bago pa man sila lumusong sa swimming pool malapit sa cottage nila, kumain muna sila at nagpahinga. Medyo mainit pa kasi ang araw kaya naman hindi na muna sila lumusong, masakit sa balat at nakakaitim.

Adventures in Efarial ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon