Epilogue

564 25 28
                                    

Media: Jack73

Aranew's note: Kung natapos mo ang kuwentong ito hanggang dulo, isang masayang pagbati! Hindi lahat ay nakakaabot sa parteng ito na hindi nag-i-iskip ng chapter. Kaya maraming salamat sa 'yo, at sa lahat ng mambabasa ng istoryang ito. Hanggang sa susunod na kuwento.

Grace and peace.

~

(4 years ago...)

Makitid ang daan sa Aisle at halos tingilain na niya ang matatayog na tubo. Nakalabas din siya ng mansiyon sa wakas na walang kasamang alalay. Ngiti-ngiti siya at pasayaw-sayaw. Umikot pa siya nang umikot hanggang mabangga sa isang matigas na bagay. Napahawak siya sa noo at tumingala.

Napapikit siya sa liwanag ng araw at nang masanay ay napatitig sa maiitim na mata sa ilalim ng malaking sumbrero. Natigilan siya. Nakapulupot ang matitigas nitong mga braso sa baywang niya para hindi siya matumba.

"May masakit ba, Miss?" tanong ng lalaki. Tiningnan pa siya nito mula ulo hanggang paa.

Napalunok siya at napaatras. Bahagya siyang yumuko. "Pasensya na. Hindi ko tinitingnan ang nilalakaran ko."

"Sa susunod, 'wag ka nang magpaikot-ikot dito sa Aisle. Makitid pa ang daan at baka mahulog ka sa tubuhan. Hindi pa napapasa sa opisina ng kaibigan ko ang budget para sa magpapalawak ng daanan."

"Magpapalawak ng... daanan?"

Ngumiti ang lalaki. Nakita niya ang pantay at mapuputi nitong mga ngipin. "Saan ka ba pupunta? Sasamahan na kita. Masyadong delikado sa 'yong magpagala-gala sa ilalim ng tubuhan."

"Ahm..." Nag-iwas siya ng tingin. "Tumakas lang kasi a-ako. At papauwi na." Hilaw siyang ngumiti.

"Hmm... gano'n ba? Sasamahan na kita sa inyo."

Kahit kinakabahan ay tumango siya. Umikot siya sa pinanggalingan at tahimik na naglakad pasulong. Nakita niya sa gilid ng mata ang lalaki. Sumasabay ito sa kaniya.

"Miss?"

"Ahm... ano p-po?"

Natawa nang bahagya ang lalaki. "Anong pangalan mo?"

"Ah... Laine po."

Tumango ito. "Masaya akong makilala ka. Tawagin mo akong Manasseh, Miss."

Unti-unting kumurba ang labi niya. "Nice name, Manasseh."

Sukat noon, tahimik silang naglakad sa mahaba at makitid na daanan ng Aisle. Magkatabi at kapwa sumasabay sa yapak ng bawat isa. Umihip ang hangin at tinangay niyon ang sumbrerong suot ni Gideon. Nagpakita sa ilalim ng araw ang makapal na buhok at kilay nito.

"Manasseh, 'yong sumbrero mo..."

"Hayaan mo, Laine."

"Ah... okay." Tumingin siya sa harap. "Hanggang sa payag diyan sa intersection na lang, Manasseh. May susundo sa akin at diyan lang ako maghihintay sa kaniya."

"Walang problema. Papunta rin ako sa Munisipyo para ipasa ang grado ko sa UDM."

"UDM?" Napangiti siya. "Doon ako magsi-señior high. Maganda ba ro'n?"

"Nakadepende 'yan sa 'yo, Laine."

Huminto sila sa payag. Marahang umihip ang hangin at tinangay niyon ang ilang hibla ng buhok niya. Inipit niya sa tainga ang tumakas na buhok bago humarap kay Gideon at ngumiti nang malapad. "Maraming salamat sa paghatid sa akin," aniya.

Isang ngiti ang sinukli ni Gideon. "Walang problema. Sigurado kang -"

"Oo, paparating na rito ang alalay kong si Pedro."

Ilang minutong nakatitig si Gideon sa mukha niya. Napalunok siya sa hiya at napaiwas ng tingin. "M-May problema ba?" mahinhing tanong niya.

Marahang natawa si Gideon saka umiling. "Wala naman, Laine." Lumingon ito saglit sa pinanggalingan bago tumingin sa kaniya at ngumiti. "Mauna na ako, Laine."

Kumurap siya. Sumikdo ang puso niya sa ngiti nito. "S-Sige." Umikhim siya. "Mag-ingat ka, Manasseh." Tumango ito bago ngumiti sa kaniya at tumalikod. Humakbang na ito palayo, pero agad niya itong tinawag. Huminto ito ngunit hindi lumingon sa kaniya. Napaikhim siya sa kaba. "Ahm... magkikita pa rin ba tayo?" tanong niya.

Doon lang lumingon si Gideon, at napigil na naman niya ang hininga sa angking kakisigan nito. "If God allow us to meet again, Laine... we will." Ilang segundo itong tuod sa kinatatayuan at nakatitig lang sa kaniya.

Natulala rin siya sa mga titig nito. Sa unang pagkakataon, bumilis ang tibok ng puso niya dahil sa titig ng isang lalaki. At nakakapaghinayang kung hindi na sila magkikita ulit.

"Uh..." Kumurba ang mga labi niya. "I-I hope so. Manasseh..."

Ang ngiti ni Gideon ang huli niyang nakita bago ito mawala sa nagtataasang mga tubo. Huminga siya nang malalim at napahawak sa dibdib. Sumilay na naman ang matamis niyang mga ngiti.

She promised herself,  "If we will meet again... I will remember you, Manasseh."

At makalipas ang ilang mga taon, habang tirik ang araw at malayang sumasayaw sa simoy ng hangin ang mga berdeng tubo sa magkabilang gilid ng Aisle, muling nagtagpo ang landas nina Gideon at Jewel.

Ngunit hindi na naalala ng dalawang bida ang kanilang unang pagtatagpo sa eksaktong puwesto at eksaktong oras, ng araw na 'yon, apat na taon nang nakalipas...

Moonlight Serenade (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon