----- CHAPTER 13 -----
"Shit!" Nagising ako dahil sa matinding sakit na bigla na lamang kumalat sa buong sistema ko. Awtomatiko akong napabalikwas at napasigaw, pero muli kong naramdaman ang parehong sakit nang mapasandal ako sa tila ba rehas na nasa likuran ko. Taranta akong tumilapon sa ibang direksyon pero mas lalo lamang tumindi ang sakit, dahilan para mas lalo akong mapasigaw.
"Wren, 'wag kang gagalaw! Wren!"
"Electric fence! Makukuryente ka lalo!"
Dala ng pinaghalong antok, hilo, sakit, at kaba ay tila ba nablanko ang isip ko't pilit akong nagpumiglas. Lalo akong napasigaw nang mas lalong tumindi ang tila ba boltahe ng kuryenteng paulit-ulit na tumatama sa akin.
"Wren! Stay still! Wren, listen! Stop moving!"
"Tama na! 'Wag ka nang gumalaw! Wren, makinig ka sa amin!"
Rumehistro sa isip ko ang tarantang sigawan na naririnig ko kaya naman hinang-hina akong umestatwa sa kinauupuan. Itinukod ko ang dalawa kong kamay sa sahig at iniyuko ang ulo. Idinaan ko na lamang sa tili ang labis na takot at sakit na dumadaloy pa rin sa sistema ko.
"O-Okay, that's it! Don't move! You're inside a small cage with an electric fence, so don't make any sudden moves! Take a deep breath and just listen to us!" Para bang boses ito ni Herb. Ramdam ko ang matinding takot sa nanginginig niyang boses.
Mariin akong pumikit at humugot ng malalim na hininga. Idinaan ko sa napakalakas na sigaw ang matinding sakit ng katawan at galit para sa kung sino mang hayop ang gumawa nito sa akin.
Paulit-ulit akong napasinghap. Ikinuyom ko ang kaliwa kong kamay at saka ko lang napagtantong nakaupo ako sa lupa, nanginginig at hinang-hina, walang sapin sa paa. Dahan-dahan kong inangat ang mukha ko.
Napatingin ako sa kaliwa at nakita ko si Julian na nakaupo rin sa loob ng isang maliit at parisukat na hawla kagaya ko. Dahil sa maliit na bumbilyang nakabitin sa ibabaw niya, nakikita kong yakap-yakap niya ang tuhod niya dahil sa labis na takot. Basang-basa siya ng sarili niyang pawis.
"Nasaan ba kasi tayo?! Sinong hayop ang dumukot sa atin?!" mangiyak-ngiyak na niyang sigaw.
Napatingin naman ako sa kanan ko at nakita si Herb na nasa loob din ng isang kulungang parisukat. Palinga-linga siya sa paligid sabay punas sa kanyang mga luha, gamit ang nanginginig na mga kamay.
Mayroong maliit na distansya sa pagitan ng mga hawla namin. Ako ang nasa gitna.
Yumuko ako at tumingala, gaya nila ay may maliit ding bumbilya na nakabitin sa ibabaw ng kulungan ko. Nakakasilaw ang liwanag kaya ibinaba ko ulit ang tingin ko. Nilibot ko ang paningin sa paligid, ngunit wala akong ibang naaninag bukod sa mga yero sa kisame kung saan nakakabit ang mga bumbilya sa ibabaw namin. Malakas ang kutob kong nasa isa kaming malawak na silid.
"M-My bag . . ." Dali-dali kong napalinga-linga ngunit wala ito sa tabi ko. Naroon ang cellphone at swiss knife ko! "G-Guys! Where are your things?"
Sapat na sagot sa akin ang katahimikan nila. Sabagay, sino nga ba naman ang tangang mag-iiwan sa amin ng mga gamit namin pagkatapos kaming dukutin?
"K-Katapusan na natin . . ." sambit ni Herb.
Dumagundong ang puso ko sa sobrang takot. Naisip ko kaagad si Tito Maynard. Kami na lang mayroon ang isa't isa. Kung mawawala ako, sino na lang ang magiging kakasangga niya? Mag-isa na lang niyang haharapin ang lahat . . .
BINABASA MO ANG
How To Make A Serial Killer
HororCrime and murder podcaster Wren Lozarte is desperate to earn money for her ailing uncle so she accepts a strange but high-paying offer from a mysterious businessman. What started as an unusual marketing scheme becomes a fight for survival when the "...
