Freya's POV
"Sigurado ka ba na ayos ka na?" nag-aalalang tanong ni Issa na tila ayaw pang umalis at iwan ako.
Tumango naman ako bilang sagot.
Gusto ko muna kasing mapag-isa atsaka nakakaabala na rin ako sa kan'ya.
Bumuntong hininga siya na parang wala pa ring balak na iwan ako. "Sige, kung may kailangan ka, tawagan mo na lang ako." aniya at narinig ko ang mga yapak nito na papaalis.
At pagkalipas ng ilang segundo ay bigla ulit akong napaluha pero agad ko naman itong pinunasan.
Ngunit mukhang ayaw pa rin tumigil ang pagbuhos ng luha sa aking mga mata kaya napahawak na lang ako sa aking ulo dahil sa sakit na aking nararamdaman.
Hindi ako 'to! Hindi ko na kilala ang aking sarili dahil para na akong isang baliw.
Tumayo ako at nakita ko ang isang litrato ng aking magulang.
"M-mama, papa...hirap na hirap na ako! Bakit niyo ako iniwan?! Gusto ko ng mamatay!" malakas na sigaw ko at napahagulgol na ako sa pag-iyak.
At dahil sa sakit na nararamdaman ko ay nagwala-wala na ako at inis kong pinaghahagis ang mga bagay na nakikita ko sa aking paligid.
Ngunit napatigil ako ng biglang bumukas ang pintuan ng aking dormitoryo.
"Freya!" rinig kong tawag sa akin ni Oliver.
At nagulat ako ng makaramdam ako ng malamig na bagay sa aking katawan.
Isang yakap.
Yakap na nagpagaan ng aking loob.
"Kumalma ka, Freya. Nandito lang ako sa tabi mo at sana patawarin mo ako..." aniya at bigla na lang nandilim ang aking paligid.
Oliver's POV
Kasalukuyang akong nasa Library habang nagbabasa ng mga libro.
Ilang araw na rin ang nakalipas nang mangyari ang kaganapang iyon.
Ngunit si Freya ay tulala pa rin at walang tigil sa pag-iyak.
Malaking trauma talaga para sa kan'ya ang nangyaring iyon.
Kaya hindi muna siya pumasok sa kanyang klase.
Pinaliwanag na rin ni Issa sa mga Madre, lalong lalo na kay Sister Olivia ang nangyari tungkol kay Freya.
"Kamusta si Freya?" bungad na tanong ni Issa sa akin pagdating niya rito sa Library.
Patagal nang patagal naman ang pag-uusap at pagsasama namin ni Issa. Kaya naging komportable na rin ako sa kan'ya at ipinakilala ko na rin ang tungkol sa sarili ko.
Sinubukan rin niya akong tulungan ngunit kagaya ng dati ay wala rin kaming napala.
"Hindi pa rin siya bumabalik sa dati." tugon ko sa pamamagitan pa rin ng pagsulat sa isang papel.
Bumuntong hininga naman siya. "Alam mo Oliver. Sa totoo lang, nakilala ko si Freya na tahimik at parang may sariling mundo. Matapang? Oo, sobrang tapang niya. Maski ako nga ay hanga sa katapangan niya. Minsan ka lang makakakita ng isang babaeng gano'n katapang."
Nagtaka naman ako nang magkwento si Issa tungkol kay Freya.
Magsusulat na sana ako para tanungin siya ngunit napatigil ako nang magsalita muli siya.
"Mula nang nilipat siya rito ay parang may kakaiba na talaga sa kan'ya. Maraming natatakot o naweweirduhan sa kan'ya. Pero dahil curious ako ay nilapitan ko siya at sinubukang kausapin no'n para kaibiganin, ngunit tinaboy niya lang ako. Syempre, nasaktan ako no'n at napahiya. Kaya nakaramdam ako ng inis sa kan'ya. At mula no'n, ay hindi ko na siya tinigilan sa pamamagitan ng pambubully ko sa kan'ya. Pero kahit lagi ko siyang binubully, wala akong natanggap sa kan'ya. Hindi siya gumanti at wala akong narinig mula sa kan'ya. Pero napaisip ako na, tama ba 'yung ginagawa ko sa kan'ya? Hanggang sa may nangyari na hindi ko inaasahan. Si Alyssa, na naging kaibigan niya na nawala rin agad dahil nagpatiwakal ito dahil lang sa isang lalaki. Nakaramdam ako ng konsensya dahil nasaktan ko rin siya dahil sa selos. Kasi 'di ba parang ang unfair? Bakit gano'n? Napansin agad siya ni Freya samantalang tinaboy niya lang ako noon. Kaya ang inis ko kay Freya ay binuhos ko kay Alyssa dahil tuwing nakikita ko silang masayang magkasama ay nakakaramdam ako ng selos."
