[] SCENT []
Freya's POV
"Pasensya ka na iha, at sana mapatawad mo pa ako sa nagawa ko sayo no'ng nakaraan dahil nasampal kita at sinisi sa nangyari kay Alyssa." paghihingi nang tawad ng Mama ni Alyssa, na si Tita Rebecca.
Sa totoo lang, wala naman kaso 'yun e. Nasaktan lang siya bilang ina kaya niya nagawa 'yun.
Napangiti ako. "Ayos lang po 'yun. Naiintindihan ko po kayo." pagtugon ko.
Hinawakan naman niya ang kamay ko. "Alam mo ba iha, no'ng sinaktan kita nagalit sa akin ang anak kong si Alyssa." malungkot nitong kuwento.
Napakunot-noo naman ako na nagtataka. Tatanungin ko sana siya pero hinayaang ko na lang na magsalita muli ito para magkwento.
"Pinagbabasag niya 'yong mga gamit ko sa kwarto. No'ng una, natakot ako dahil akala ko kung sino nang magnanakaw ang nakapasok sa kwarto ko. Pero nang tumungo ako sa kwarto ay nalanghap ko kaagad 'yung paborito niyang pabango at bigla naman akong nagulat nang may nakita akong isang pulang box sa kama ko." at inabot nito sa akin 'yong tinutukoy niyang box na kulay pula.
Nabalitaan ko rin na sinisisi nila ang mga sarili nila sa pagkawala ng anak nila dahil nagkulang sila sa gabay kay Alyssa, na sana pinagtuunan nila ng pansin ang anak nila at hindi sana humantong ang ganito, pero huli na ang lahat nang malaman nilang nagpatiwakal ito sa kwarto niya sa pamamagitan ng lubid.
Nang malaman ko ang ginawa niyang 'yun, parang nanghina ako. Hindi ko matanggap na bakit niya nagawa ang bagay na iyon.
Matapos ang libing ni Alyssa ay agad akong nagtungo sa Rooftop upang tingnan ang nilalaman ng box na pinabibigay raw sa akin ni Alyssa.
Pagkabukas ko ng box ay bigla akong napasinghap at napatakip ng bibig dahil bumungad sa akin ang mga litrato naming dalawa at may kasama pa itong sulat. Kaya agad ko itong binasa.
Dear Freya,
Alam mo ba, no'ng una kitang nakita mula nang pinalipat ako ng mama ko rito ay humahanga na ako sayo, dahil kita ko pa lang sayo, ang tapang-tapang mong babae! Bakit? Kasi wala kang kaibigan tapos mag-isa ka pa, kaya 'di ako nagdalawang-isip na lumapit sayo kahit ang sabi-sabi nila ay nababaliw ka dahil nagsasalita ka mag-isa. Nakakatuwa nga eh, kasi akala ko hindi mo talaga ako papansinin o ayaw mo akong maging kaibigan dahil baka hindi mo ako magustuhan bilang kaibigan. Kaya sobra akong natuwa dahil binigyan ako ng pagkakataong magkaroon ng isang kaibigang kagaya mo. Freya, you are the best gift ever of my life. I love you, my bestfriend. Anyway, belated happy birthday!
PS. Sorry, kung 'di ako sumulpot at binati no'ng kaarawan mo. Pasensya ka na ah. Alam kong nagtampo ka no'ng araw na 'yon. Ang sama-sama ko tuloy na kaibigan huhuhu! pero babawi ako sayo kapag nagkita na tayo sa langit. Hahaha!
Sincerely yours,
Alyssa FontanillaNapangiti ako nang mabasa ko ang sulat niya sa akin. "Ang daya mo, Alyssa!" sabi ko habang pinupunasan ang mga luha kong nag-uunahang tumulo sa aking mata.
At habang tinitingnan ko ang mga litrato namin ay napatigil ako ng makaramdam ako ng kakaiba sa aking paligid dahil biglang umihip ang malakas na hangin. Bigla ko naman naamoy ang paborito niyang pabango.
"Alyssa?" tawag ko sa kan'ya.
"Salamat sa lahat, Freya. Mahal kita." aniya kaya mariin akong napapikit nang maramdaman ko siyang niyakap ako sa pamamagitan ng malamig na hangin sa balat ko.
~~~
3 months later...
Oliver's POV
"Nasaan tayo?" nagtatakang tanong ko kay Freya dahil 'di ko mawari kung anong lugar ang napuntahan namin dahil na rin siguro luma na ang gusaling nasa harapan namin.
"Sa presinto." sagot niya at agad itong pumasok sa loob.
Kaya sumunod na lang ako sa kan'ya.
"Anong maipaglilingkod ko sa iyo, iha?" tanong ng isang pulis nang makasalubong nito si Freya.
"May tatanungin lang po sana ako." panimula niya. "Kung may alam po kayo sa kasong ito, maaari po bang malaman ang tungkol sa bagay na ito." at may pinakita siyang documents sa pulis.
"Naku! Pasensya na iha, ang kasong ito ay matagal ng pinasara dahil na rin sa kagustuhang malimutan ng mga magulang ang nangyaring trahedya sa kanilang anak."
"G-Gano'n po ba?" dismayadong tugon ni Freya.
"Pero kung may katanungan ka, p'wede namin itong sagutin." ani ng pulis kaya nagliwanag agad ang mukha ni Freya.
"Sige po. Maraming salamat." paalam ni Freya nang makalabas kami ng presinto.
Napabuntong hininga si Freya bago ito magsalita, "Oliver, may pupuntahan tayo."
"Saan naman?" agad ko namang tanong sa kan'ya.
"Basta. Sumama ka na lang." tugon niya kaya nagkibit-balikat na lang ako sumunod ulit sa kan'ya.
Sa totoo lang, wala akong ideya kung anong pinagkakaabalahan naming dalawa. Gusto ko sanang tanungin si Freya pero parang may pumipigil sa akin.
Hindi ko alam pero parang pagod na pagod ang isip ko.
Nang makarating kami sa sinasabi nitong pupuntahan namin ay napatigil si Freya at nakita ko itong tumingala sa isang lumang bahay at pinagmamasdan ito, simple lang siya at hindi kalakihan, sakto lang para sa isang pamilya.
"Anong meron d'yan?" tanong ko dahil kanina pa siya nakatingin sa isang lumang bahay.
Napapansin ko rin ang sarili ko na tuwing nagtatanong ako sa kan'ya parang pilit lang.
Hindi pa sana ako sasama sa kan'ya pero nakakahiya naman kung mag-isa lang siya at hindi ko samahan sa pupuntahan niya kaya kahit papaano nakakabawi man lang sa pagtulong niya sa akin. Utang na loob ko na rin ito sa kan'ya kapag sinasamahan ko sa tuwing may importante itong ginagawa.
"Ito 'yung dati naming tirahan." tugon niya.
Napatango-tango naman ako at pinagmasdan din ang bahay.
Magtatanong na sana ako sa kan'ya pero napatigil ako dahil napahawak ako sa aking ulo.
Bigla kasi akong nahilo na parang iniikot ako.
Napapikit naman ako at pinapakalma ang aking sarili.
Ngunit, nagulat ako nang biglang may nagpapakitang mga imahe sa aking isipan, pero'di ko maalinagan ang mga ito dahil sobrang labo.
Kaya napadaing na lang ako sa sakit ng aking ulo at nanghina.