[] SCENT []
Oliver's POV
"Ano? Wala talaga?" tanong ko sa kan'ya.
Umiling naman siya bilang sagot.
Mukhang wala na talagang pag-asa na malalaman ko pa ang aking pagkatao.
Ako si Oliver at ang tanging pangalan ko na lang ang aking alas upang malaman kung sino ba talaga ako at anong nangyari sa akin noong nabubuhay pa ako.
Flashback
"A-aray," daing ko at napahawak sa ulo ko.
Tumingin ako sa aking paligid nang nakakunot-noo.
"Teka? Nasaan ako?" tanong ko.
Nakita kong may mga madreng taimtim na nagdadasal sa loob ng simbahan.
Dahan-dahan akong tumayo dahil nahihilo ako sa sakit ng aking ulo.
Nang makatayo na ako ay biglang nanlaki ang dalawang mata ko sa gulat dahil tumagos sa katawan ko ang isang naglalakad na madre patungo sa akin.
Nanlumo naman ako sa aking nasaksihan.
"H-hindi. Hindi maaari!" sigaw ko at tumakbong lumabas ng simbahan.
Naghanap naman ako ng telepono upang makahingi ng tulong at tinapik-tapik ko pa ang aking pisngi baka nananaginip lang ako.
Hanggang sa 'di pa ako nakuntento ay kinurot-kurot ko na rin ang balat ko upang magising sa bangungot na ito.
Nang makakita naman ako ng telepono ay agad ko itong kinuha.
Ngunit, tila binagsakan ako ng langit at lupa dahil 'di ko ito mahawakan.
Tumagos lang ito sa kamay ko pero 'di pa rin ako sumuko at nagbabakasakali na mahawakan ito.
Kaya mariin kong pinikit ang aking mata at bumuntong hininga bago ko sinubukan ulit na kunin ang telepono.
Subalit, hindi ko talaga ito mahawakan.
Bakit?
Paano?
Anong nangyari sa akin?
Patay na ba ako?
Sunod-sunod naman ang katanungan sa aking isipan dahil wala akong maalala na kahit ano sa nangyari sa akin.
"At sino ako?" tanong ko pa sa aking sarili dahil wala rin akong ideya kung anong pangalan ko.
Tiningnan ko naman ang sarili ko at nabuhayan ng pag-asa nang may makita akong name tag sa suot kong itim na uniporme.
"Oliver." basa ko.
Ako si Oliver.
Isang ligaw na kaluluwa na pakalat-kalat na lang kung saan-saan.
Walang maalala na kahit ano.
Sinubukan ko ring maghanap ng makakatulong sa akin, ngunit hindi naman nila ako nakikita o nakakausap kaya nawalan na ako ng pag-asa at 'di na muling sumubok.
Sa tagal kong namalagi dito sa loob ng kumbento ay parang wala ng saysay na malaman pa ang buong pagkatao ko.
At nagbago ang lahat nang makikila ko ang isang estudyanteng babae.
Bored ako sa pakikinig habang nagdi-discuss sa harap ko ang isang madre tungkol sa history.
Pero napatigil ito nang may biglang pumasok na estudyanteng babae dahil nahuli ito sa kan'yang klase.