Ito ang kanilang akala.
Ang akala nila'y malayo sila sa lahat ng kaguluhan. Ang akala nila'y walang gagambala sa kanilang katahimikan.
Ganito ang kanilang buhay sa isla.
Payapa at maligaya sa kapirasong bahagi ng paraisong bigay sa kanila ng Maykapal.
AUGUST 7, 1942
Nagsimula ang araw na ito tulad ng isang pangkaraniwang umaga sa nayon. Ang mga kalalakihan ay nagsiahon sa bundok upang mangahoy, tumaga ng kawayan at magpastol ng mga hayop. Ang iba nama'y pumalaot upang mangisda at humanap ng ikabubuhay sa lawa. Ang mga kababaihan nama'y makikitang abala sa paglilinis ng kani-kanilang bakuran at tahanan. May mga batang naglalaro sa mga makikipot at maalikabok na daan habang ang mga binata at dalaga'y tumutulong sa kanilang mga magulang. May mga nag-iigib ng tubig, nagpapatuka ng manok, nagtatahip at nagbabayo ng palay sa tabi ng kanilang mga bahay kubo. Abala ang lahat sa kanilang pang-araw araw na gawain.
May pitong buwan na rin ang nakalilipas nang makarating sa kanila ang balita na napasok na ng mga Hapon ang Maynila. Apat na buwan naman matapos sumuko ang Bataan. May mga balita rin na ginagawa raw kanlungan ng mga gerilyang Pilipino ang kabundukan sa kanilang lugar. Mga gerilyang mula pa sa mga karatig lugar at probinsya na tumatakas sa organisado at sistematikong sona na isinasagawa ng mga Hapon sa bawat bayan.
Ayon din sa mga sabi-sabi, ang ilan sa mga kalalakihan ng kanilang nayon ay lihim na kasapi na rin ng gerilya. Ngunit hindi nila binibigyang pansin ang mga ito. Ang akala nila'y hindi aabot sa maliit nilang nayon ang perwisyong dala ng mga dayuhang mananakop.
"Napakalayo nila sa atin, hindi na sila mag-aabalang tumawid pa rito," ito ang sinasabi nila sa kanilang mga sarili upang kalamayin ang kanilang loob sa gitna ng ugong ng digmaan.
Ito ang kanilang akala.
Ayon sa mga matatandang nakasaksi ng mga pangyayari, pitong uwak mula sa hilaga ang nakitang lumilipad ng paikot-ikot sa himpapawid ng umagang iyon. Nakailang ikot din ang mga ito sa nayon bago lumipad palayo. Ilan sa mga taga-nayon ang natakot dito dahil ayon sa kanilang pamahiin, ang mga uwak daw ay tagapagdala ng masamang balita; isang tanda ng paparating na sakuna. Ang ilan nama'y nagkibit-balikat lamang sapagkat hindi naniniwala sa mga pamahiin.
BINABASA MO ANG
Sa Kuko ng Karimlan
Mystery / Thriller"Three mysterious deaths, five clues to a buried treasure, a monster lurking in the shadows. The adventure of a lifetime." A young, but disillusioned former detective must protect his adoptive family, while trying to decode the mystery involving a...