Chapter 11 : Si Asyong, si Iking at si Aming

27 10 33
                                    

Mabilis na kumilos ang dalawang magkaibigan pagapang sa lagusan at palabas sa kweba. Tinakpan nilang mabuti ng mga halaman at baging ang bunganga ng lagusan at mabilis na lumakad pababa sa bundok.

"Sino ang sumusunod sa atin tol?" habol ang hiningang tanong ni Kokoy sa kaibigang nauuna sa paglakad. Bakas ang takot sa tinig nito. "Ang ting-guwa ba? Magtatanghali pa lang ah? Di sila lumalabas sa araw!" sabi pa nito.

"Hindi ko alam tol," mabilis na sagot ni Alab sabay lingon sa likod ngunit hindi tumitigil sa paglakad. "Ang alam ko lang ay pareho tayo ng hinahanap."

"Ting-guwa nga!" alalang wika ni Kokoy na lalong bumilis sa paglakad.

Mas mabilis na nakalibis ang magkaibigan dahil pababa na sila ng bundok. Sa loob lamang ng isang oras ay nakarating sila sa hangganan ng barangay kaya mas nakahinga na sila ng maluwag at bumagal na rin sa paglakad. Bagaman pagod at gutom, sabik na silang buksan ang journal na natagpuan nila sa talon. Mag aalas-dose na ng tanghali nang marating nila ang bahay nina Kokoy. Bago sila makapasok ay nakarinig sila ng tawanan sa loob ng bahay.

Nagulat ang dalawa pagpasok ng tahanan nang makita nila si Mang Julio na nasa hapag kainan. Masigla at masaya itong kumakain kasama sina Aling Susana, si Ate Flo at ang dalawa pa nitong kaibigan. Masayang lumapit si Kokoy sa ama at niyakap ito.

"Kumusta ka na tay? Ano na pakiramdam mo," tanong ni Kokoy.

"OK na anak, maganda naman ang gising ko kanina, magagaling ang mga tagapag-alaga eh," sagot nito sa anak sabay tingin sa mag-ina. Lumapit din si Alab at yumakap dito.

"O siya kumain na kayo, lalamig ang pagkain. Saan ba kayo galing dalawa at mukhang pawis na pawis kayo?  At ang dudumi niyo pa?" tanong nito.

"Magpalit na kayo ng damit," utos ni Aling Susana.

"Oo nga, ang dudungis niyo! Maghubad ka na Ali," pabirong sabi ni Mitch. "Aray!" ang nasabi nito nang maramdaman ang pinong kurot ni Ate Flo mula sa ilalim ng mesa. Bumungisngis na naman si Carla sa nangyari.

"Tay, may ipapakita kami sa inyo mamaya," masayang kwento ni Kokoy. "Doon tayo mamaya sa taas, maraming bisitang pumapasok dito sa baba eh."

Pagkatapos mananghalian ay inaya nila ang buong grupo sa mini-sala sa second floor ng bahay. Pinaupo nila sa sofa ang lahat para ikwento ang kanilang adventure sa gubat.

"Ate Susana, may bisita po kayo, anak ni Kapitan!" sigaw ng isang helper mula sa baba ng bahay. Dumungaw sa malaking bintana ang lahat at naroon nga ang magandang si Sophia, nakapayong sa init ng araw, may dalang nakatiklop na t-shirt, ilang gamot at blood pressure monitor.

"Ang inaanak natin Julio, sandali lang, bababa ako," sabi ni Aling Susana at mabilis na bumaba sa hagdan.

"Himala talaga," sabi ni Ate Flo. "Hindi naman lumalabas ng bahay yang si Sophia pag andito sa Lambac, bakit ngayon...?"

"Eh baka gustong makita si Kokoy, aaayiie...." tukso ni Carla kay Kokoy. Namula, pero napangiti ang binata sa panunukso ni Carla.

"Palagay ko, hindi si Kokoy," umiiling na sabi ni Mitch. "Koy, ano ang mararamdaman mo kung hindi ka crush ng crush mo?" sabay tawa ng malakas.

Napasimangot si Kokoy kay Mitch, ganun din si Ate Flo. "Eh sino?" tanong ni Ate Flo.

Napatingin ang lahat sa direksyon ni Alab na noo'y hindi nakikinig sa usapan nila. Abala itong nagbabasa ng ilang mga entry sa diary. Lalong napasimangot si Ate Flo nang makuha ang ibig sabihin ng kaibigan.

"Spoiled brat ang tingin ko diyan kay Sophia eh," malakas na nawika nito kaya napatingin ang lahat sa kanya, pati si Alab. "Alam niyo bang hangga ngayon eh di pa sila okay ni Kapitana?"

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon