Chapter 22 : Ang Pangatlong Biktima

25 8 18
                                    

Umaga na nang makarating sa tahanan ng mga Maralit ang balita na natagpuang patay si Don Johnny sa kanyang mansion. Ayon sa mga bali-balita, dinalaw daw ito ng ting-guwa sa kanyang pagtulog; ngunit di tulad ng kina Mang Cesar at Ka Manuel, hindi raw nito kinaya ang takot kaya inatake ito sa puso. Lalong nabalot ng takot ang buong nayon sapagkat pangatlong bangkay na ito sa loob lamang ng mahigit isang linggo.

Mabilis na kumilos si Alab at si Kokoy papunta sa mansion ng mga Rojo. Ang bahay ng matanda ay isang malaking mansion sa libis ng nayon na overlooking sa lawa sa ibabang sulok ng barangay. Tatlong palapag ang mansion at napapaligiran ng mga matataas na puno.

Pagpasok ng dalawa sa bakuran ay nakita nila ang mga kumpol ng tao sa loob at labas ng mansion. Nakilala si Alab ng ilan sa mga usyuserong naroon kaya tumabi ang mga ito at pinapasok sila sa bahay. Nakita nila ang mga tanod, ilang kagawad at ang kapitan sa malaking sala ng bahay kausap si Det. Robles na parang nalugi ang mukha. Naroon din si Sir Bigoy na yakap yakap ang babaeng anak ni Don Johnny na kapatid naman ng namayapa nitong asawa. Maluha-luha rin ang guro ng makita nito ang binata.

Nang mapansin ng kapitan si Alab ay itinuro nito ang kwarto ni Don Johnny. Lumapit si Alab sa kwarto na noo'y isinara para hindi lumabas ang masangsang na amoy ng bangkay. Hindi na sumunod si Kokoy sa kaibigan dahil sa mahinang sikmura nito. Inilabas ni Alab ang kanyang panyo, itinakip sa ilong at bibig at pumasok sa loob ng kwarto ni Don Johnny. Nakahiga ito sa kama, nakasuot ng pantulog, magulo ang buhok at nakatirik ang mga mata. Parang nag kumbulsyon muna ito bago bawian ng buhay dahil sa mga bakas ng natuyong bula sa kanyang bibig. Sa tabi ng bangkay ay nakakalat ang mga balahibo ng agila.

Sinuri ni Alab ang paligid ng kwarto. Walang senyales na pinasok ng pwersahan ang silid, ngunit napansin niya na sira ang lock ng isang bintana nito.

"Ako yan," wika ng isang pamilyar na boses sa likod niya. "Pinasok ko ang kwarto kagabi para mag-imbestiga pero ito ang nakita ko," wika ni Det. Robles habang itinuturo ang direksyon ng bangkay. "Walang sign ng forcible entry."

"Na-interview niyo na ba ang lahat ng mga kasama niya sa bahay?" tanong ni Alab.

"Oo, lahat ng kasambahay, iisa ang sinasabi. Pagod na pagod daw si Don Johnny at humihingal nung umuwi kahapon. Dumiretso raw sa kwarto para magpahinga," malungkot na salaysay ng detektib.

"Walang ibang pumasok sa kwarto? Mga anak niya o apo?" tanong ni Alab.

"Wala, dahil kilala raw nila ang ugali ng matanda. Pag sinabi nitong magpapahinga siya, bawal siyang pasukin o gisingin ng sinoman. Nagagalit daw ito at nagwawala pag iniistorbo.  

Lumapit si Alab sa bangkay at sinuri ang mukha nito. Inamoy niya ang bibig at tiningnang mabuti ang mga mata ng don. Sinuri rin ng binata ang leeg at ang mga braso nito.

"Ubos na ang alas ko, Alab," wika ni Det. Robles na ikinagulat ni Alab. "Siya na ang huli kong pag-asa bilang suspek, pero ngayon, siya pa ang naging biktima. Isang malaking kahihiyan ito pag uwi ko sa bayan," malungkot na wika nito. "Pinapauwi na nila ako sa makalawa para gumawa ng report. Gusto ko lang naman talagang mahuli ang sinumang demonyong gumagawa nito at maging isang kilalang detektib...tulad mo."

Napabuntong hininga si Alab sa naramdamang habag para sa detektib. "Mag-usap tayo bago ka umalis Detective," sagot ni Alab dito. "Hindi pa tapos ang labang ito. Wag kang mawalan ng pag-asa."  Natulala naman si Det. Robles sa sinabi ng binata, pagkatapos ay marahang tumango.

Paglabas ng dalawa sa kwarto ay sinalubong sila ni Kapitan Adonis. "Kumusta Det. Sangalang? May findings na kayo?" sabik na tanong nito.

"Mayroon na po, Kapitan, pero inconclusive pa. May ilan pang detalyeng kailangan kong malinawan," sagot ni Alab na ikinagulat ng lahat. Napatango na lang ang kapitan at hindi na kinulit pa si Alab na noo'y malalim na naman ang iniisip. Pagkatapos kunin ang lahat ng ebidensiya ay pinaligpit na ni Det. Robles ang crime scene at pinaayos na ang bangkay para sa pagbuburol nito.

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon