Napatingin ang lahat sa pinagmulan ng malakas na tinig. Isang mataba at matangkad na matandang lalake ang nakita nilang lumalapit sa kanila. May hawak itong tabako sa kamay at may suot na mamahaling damit at sombrero. Nasa 60's na ito at hinihingal pag naglalakad. Kasunod niya ay isang lalakeng nasa katamtaman na pangangatawan, singkit, moreno at may bigote na mukhang nasa mid-40's lang ang edad.
"Di ba sabi ko sa 'yo, na ayaw ko nang makita ang pagmumukha mo rito?" sigaw ng matanda sabay duro kay Detective Robles. "Sa halip na lumayas, nagdagdag ka pa yata ng kasama!" malakas na wika nito sabay tapon ng tingin kay Alab.
Hindi naman nasindak si Det. Robles, bagkus ay ngumiti lang ito na parang nakakaloko sa matanda. "Kalma lang kayo Don Johnny, magsasawa kayo sa akin dito," nakangising sagot nito. "Bakit gusto n'yo akong umalis? Natatakot ba kayo sa akin?"
"Ang kinatatakutan lamang namin dito ay ang Panginoong Dios, ang diablo at ang kanyang mga kampon tulad ng ting-guwa! Bakit ako matatakot sa 'yo, aber? Demonyo ka ba?" nanggagalaiting sagot ng matanda na parang aatakihin sa puso anumang oras.
"Demonyo ako sa mga demonyo at anghel sa mga anghel," kalmadong sagot ni Det. Robles. "Lalo na sa mga demonyong may itinatagong madilim na sikreto."
"Ako ba ang tinutukoy mong hayup ka..." galit na sagot ng matanda at akmang sasakalin nito ang detektib nang lumabas ng pinto ang kapitan dahil sa narinig na ingay sa terrace.
"Awat na Don Johnny! Hindi ito ang oras para mag-away away tayo!" sabay tulak ng marahan sa dibdib ng matanda.
"Pagsabihan mo Adonis ang preskong pulis na 'yan. Sino siya para pagbintangan ang mga taga-rito? Payapa at mabubuting tao kame! Di namin kayang gumawa ng ganoong krimen!" galit na galit na litanya nito habang dinuduro ang pulis. "Sinabi ko na sa inyo na ang ting-guwa lang ang maaring gumawa n'yan, wala nang iba! Kaya mo bang hulihin at igapos ang isang kampon ni Satanas?" malakas na wika nito na dinig ng lahat ng tao roon.
Sasagot pa sana ang detektib pero tiningnan na lang ito ng kapitan na parang nakikiusap na pagpasensyahan na lang nito ang matanda. Biglang lumabas si Doktora Vivian, naka-gwantes pa ito habang hinuhubad ang mask na nakasuot sa magandang mukha nito.
"Kalmado na ang Ka Manuel. Pakitawag na lang ang mga kapamilya niya para sunduin siya rito. Para na rin ma-resetahan ko ng mga gamot na iinumin n'ya," anito habang hinuhubad din ang kanyang mga gwantes. Nabasag nito ang tensyon sa terrace at agad nakiusap si Don Johnny na makita si Ka Manuel sa loob ng bahay. Pinapasok naman ito ng kapitan kasunod pa rin ang misteryosong lalakeng kasama nito.
"Uuna na po kami Kapitan, para makapagpahinga na po ang bisita ko," paalam ni Kokoy sa mag-asawa.
"Salamat Kokoy sa tulong ha?" anang Kapitan. "Dadalaw na lang kami mamayang gabi sa inyo para makipag-lamay. At sa iyo rin, kuwan, ano uli pangalan mo hijo?" baling nito kay Alab.
"Alab po," sagot niya.
"Alab Sangalang. Ang kilabot na detektib ng Rizal Police District," nakangising dugtong ni Detective Robles.
Hindi ito pinansin nina Kokoy at Alab na nagsimula nang lumakad paalis. Inihatid naman ng tingin ni Sophia ang dalawang mag-kaibigan hanggang sa makalabas ang mga ito sa gate. Pagkatapos ay inirapan nito si Detective Robles at padabog na pumasok sa bahay.
"Intense yun no?" natatawang wika ni Kokoy paglabas nila ng gate. "Naaalala mo pa si Don Johnny?"
"Oo naman, s'ya yung may-ari ng pinakamalaking fishpen dito di ba? Namamangka tayo sa malaking kubo nila sa lawa para humingi ng pang-ulam pag nag-aani sila ng bangus," tahimik na sagot ng binata habang naglalakad. Si Don Juan Miguel Rojo o 'Don Johnny' sa mga taga-Lambac, ang kinikilalang pinakamayaman sa barangay. Marami itong negosyo sa isla tulad ng fishpen, tindahan, piggery at poultry at may malalaking lupain sa paligid ng nayon. Minana raw nito ang yaman at galing ng ama sa pagnenegosyo na si Don Ignacio Rojo na pumanaw ng maaga noong 1980's. May ilang taon na ring biyudo si Don Johnny na noong kabataan ay kilala bilang kilabot ng mga babae.
BINABASA MO ANG
Sa Kuko ng Karimlan
Mystery / Thriller"Three mysterious deaths, five clues to a buried treasure, a monster lurking in the shadows. The adventure of a lifetime." A young, but disillusioned former detective must protect his adoptive family, while trying to decode the mystery involving a...