Chapter 23 : Mga Lihim sa Dilim

20 7 23
                                    

Nagulat ang mga babae sa mga balahibong hawak hawak ni Aling Susana. Napatingin sila kay Kokoy at Alab na wari'y nagtatanong kung ano ang ibig sabihin noon. Nilapitan naman ni Kokoy ang ina at kinuha ang mga kapote at mga balahibo rito. Sinuri niya ang dalawang kapote.

"Sigurado ako na ito yung sinuot ko...at ito ang kay Ali," anito na itinaas ang kapoteng pinanggalingan ng mga balahibo. "Tol..." nag-aalalang tawag nito sa kaibigan.

"Warning yan para sa yo, Ali!" wika ni Ate Flo na halatang nag-aalala para sa binata. Lahat ay naghihintay sa magiging reaksyon ni Alab.

Nangiti lang ang binata. "Hindi naman nakapagtataka na makatanggap ako niyan, actually, inaasahan ko nga na isa sa mga araw na ito ay dadating ang babala sa akin," anito na parang wala lang sa kanya ang mga nangyayari.

Lumapit sa kanya si Sophia at tinapik ang balikat nito. "Hindi na yan biro, Ali! I-report natin kay Daddy at sa mga tanod," nag-aalalang wika nito.

Nagkatinginan ang dalawang kaibigan ni Ate Flo. Maging si Sophia ay nabigla rin sa kanyang ikinilos. "Wag kayong mag-alala. OK lang ako. Tinatanggap ko ang hamon ng ting-guwa," nakangiting wika nito. Lahat ay nagulat sa matapang na pahayag ng binata. Napatakip pa sa kanilang bibig ang mga babae sa kanilang narinig.

"Pasensya na tol, nadamay ka pa sa problema namin dito. Kung hindi sana kita pinapunta rito sa isla, di mangyayari ito," malungkot na wika ni Kokoy.

"Ano ka ba? Kasama ito sa mga panganib na inaasahan ko. Ang mahalaga ay malutas natin ito. Mas importante ang kaligtasan ng nayon," sagot ni Alab na nakatawa.

"Natatawa ka na parang wala lang sa 'yo ito. Di mo alam na maraming nagma...nagki-care sa'yo," wika ni Ate Flo na parang maluluha. Nagkatinginang muli si Mitch at Carla.

"Ang tapang mo talaga, Alab. Totoo nga sigurong matinik kang detektib!" wika ni Carla para pagaanin ang sitwasyon.

"Oo nga, kung meron lang tayong data signal dito sa Lambac, na-search ko na yung article sa 'yo," dagdag na nakatawa ni Mitch. "Dami sigurong nagkaka-crush sa 'yo no?"

Napailing lang si Alab at hindi pinansin ang sinabi ng dalaga. Gumaan ang tensyon sa sala at napatawa rin si Kokoy. "Pero alam ko kung sino ang crush ni Ali," nakatawang wika ni Kokoy na tuminging nakakaloko sa kaibigan. Matalim naman ang iginanting tingin ni Alab dito na parang nagbabanta sa kaibigan. Lalong natuwa si Kokoy sa reaksyon ng binata.

"Sino?" halos magkakasabay na tanong ng mga babae kay Kokoy. Pansamantalang nalimutan ng lahat ang pangamba na dulot ng mga balahibo at natuon ang atensyon nila sa "mahalagang" impormasyong hawak ni Kokoy. Pinandilatan ni Alab ang kaibigan at lalong tumalim ang tingin nito kay Kokoy.

Natawa ng malakas si Kokoy sa nakikitang reaksyon ng kaibigan. "Ang matapang na si Alab Sangalang. Hindi takot sa halimaw pero takot pagdating sa usapang crush," wika ni Kokoy na napahagalpak ng tawa.

"Tumigil ka Koy, seryoso na tayo..." namumulang wika ni Alab.

Bahagyang tumigil sa pagtawa si Kokoy dahil nahalatang napipikon na ang kaibigan. "Sino nga?" ang matinding pangungulit ng mga babae, lahat ay naghihintay ng sagot sa tanong na iyon, lalo na si Sophia.

Natawang muli si Kokoy. "Sabihin ko na 'tol, at least nasabi ko bago mo harapin ang ting-guwa," tukso nito. Nailing na lang si Alab habang binibilog ang kapote sa kanyang mga kamay.

"Sino nga?" tanong ni Ate Flo sabay suntok sa balikat ng kapatid.

"Ikaw, Ate!" natatawang sagot ni Kokoy. Nagulat ang lahat sa rebelasyon ng binata. Namula si Ate Flo habang napasigaw sa galak si Mitch at Carla. Natahimik naman si Sophia sa kinuupuan nito. Binato ng kapote ni Alab si Kokoy na natatawang umilag dito.

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon