Chapter 14 : Mga Bugtong

29 10 34
                                    

"Kokoy, tawagin mo si Doktora, bilis!" utos ni Aling Susana sa anak. Mabilis na tumakbo ang binata palabas ng bahay. Agad namang inalalayan ni Alab at ni Ate Flo si Mang Julio pahiga sa kama. Marami rin sa mga nakikipaglamay ang tumulong sa kanila para pigilan ang matanda at pakalmahin ito. Nagbubula ang bibig, tirik ang mata at nagkukumbulsyon ang buong katawan nito.

Siya namang dating ng doktora at ng kapitan na noon pala'y papunta na rin sa lamay ni Mang Cesar nang makasalubong ni Kokoy sa daan. Kasama rin nila si Sophia na nakahawak sa kamay ng ama.

Agad na kinuha ng doktora ang mga gamit niya sa bag at tinurukan ng pampakalma ang matanda. Hiniling din niya na lumabas ang ibang naroon upang makapasok ang hangin sa kwarto. Pinalabas ni Kokoy at ng kapitan ang lahat ng tao sa silid at hinayaang mag-isa ang doktora kasama ang pasyente. Lumapit si Sophia kay Aling Susana at niyakap ang umiiyak na matanda.

"Wag po kayong mag-alala, Ninang, gagaling ang Ninong," sabi nito habang yakap si Aling Susana at hinaplos ang likod at buhok nito.

"Una si Cesar, si Ka Manuel, ngayon si Julio," hagulgol na iyak ni Aling Susana kay Sophia.

Tahimik naman ang lahat ng naroon sa sala, kasama sina Alab at Kokoy. Puno ng pag-aalala si Ate Flo na dinadamayan ng dalawa niyang kaibigan. Ang kapitan nama'y paroo't parito sa sala at kinakausap ang ilang taong naroon na nakikipaglamay. Makaraan ang kalahating oras, lumabas ang doktora mula sa kwarto.

"Kalmado na siya. Hayaan na lang natin siyang makatulog," payo nito sabay hawak sa palad ni Aling Susana. "Painumin niyo lang siya ng mga gamot na binigay ko."  Tumango si Aling Susana at nagpasalamat sa doktora.

"Kapitan, may lead na po ba kayo sa kaso ni Ka Manuel?" tanong ni Kokoy nang bahagyang kumalma ang paligid ng sala.

"Wala pang ibinabahagi sa akin si Det. Robles.  Baka raw maunsyami ang kaniyang ginagawang imbestigasyon kaya ayaw niyang sabihin ang susunod niyang hakbang," wika ng kapitan. "Pero hindi pa rin naaalis ang paniniwala ko na hindi tao ang gumagawa nito," malungkot nitong wika. "Sandali lang din kami dito Kokoy, Kumareng Susana. Dadalaw din kami sa kabilang burol, kina Ka Manuel," anito sa mag-ina.

Matapos ng mahabang pag-iisip at pananahimik ay pinakiusapan ni Alab ang kanyang Nanay Susana na magtalaga ng mga magbabantay kay Mang Julio. Hindi dapat ito mawala sa kanilang paningin, sabi pa ng binata. Lahat ng senyales ay nakita na nila; ang mga balahibo, ang kumbulsyon at ang maaaring kasunod na nito ay ang wala sa huwisyong paglalakad nito patungo sa gubat tungo sa tiyak na kamatayan. May ilang bagay na masalimuot pa rin kay Alab at mga tanong na kailangan pa ng mga kasagutan.

Ilang tagubilin pa ay nagpaalam na ang mag-asawa ng kapitan sa pamilya nina Kokoy. Nagpaiwan naman si Sophia sa kanila matapos mangako ni Kokoy sa kapitan na ihahatid na lang ang dalaga bago maghatinggabi. Lubhang natuwa si Sophia sa ginagawa nilang code breaking kaya gusto niyang sumama hanggang sa malutas ito. Niyaya ni Kokoy si Sophia, ang kanyang Ate Flo, ang dalawa nitong kaibigan at si Alab sa ikalawang palapag ng bahay.

"Kailangan na nating magdesisyon sa banga na ito," matapang na wika ni Kokoy sa mga naroon habang hawak ang tapayan. "Oras ang kalaban natin at kailangan nating ibigay sa ting-guwa ang kanyang hinahanap." Natuon ang paningin ni Kokoy kay Alab na parang humihingi ng pagsang-ayon dito. "Tol, sinabi mo na kailangan nating basagin ang banga di ba? Ako na ang magdedesisyon dahil ako ang lalake sa tahanang ito," tiim bagang na wika ni Kokoy.

Tumango lang si Alab sa kaibigan. Kinuha nito ang banga kay Kokoy habang umalis si Kokoy upang kumuha ng martilyo at maso. Pagkatapos nito'y maingat nilang binasag ang bawat bahagi ng tapayan habang inaayos ng mga babae ang mga piraso ng mga ito. Bawat piraso ay masusi nilang sinusuri para sa mga nakaukit na letra. Ilang sandali pa ang lumipas nang excited na mapasigaw si Mitch.

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon