Epilogue : Ang Pagbabalik

49 11 9
                                    

Tahimik na nakaupo si Alab sa bangka habang nasa gitna ito ng lawa paluwas na sa kabayanan. Payapa ang tubig at walang kaalon-alon ng umagang iyon. Malaya niyang napagmasdan ang magandang tanawin ng mga ibong lumilipad at sumusunod sa kanilang sasakyan, mga fishpen na maayos na nakahanay sa lawa, at ang luntiang kabundukan ng islang pinanggalingan nila. 

Bumalik sa kanyang isipan ang mga nangyari nung nakaraang araw nang dalhin ni Det. Robles at Pamby sa munisipyo si Sir Bigoy at Doc Vivian para sa imbestigasyon ng kaso. Nalaman nila na ang tunay na pangalan ni Sir Bigoy ay Samuel Maravilla at wanted ito ng US Marine dahil sa pag-AWOL nito. Kasama nilang lumuwas ang kapitan at si Sophia na first time niyang nakitang yumakap sa ina. Ayon kay Det. Robles, nang halughugin ang clinic at kwarto ng doktora ay may nakita silang maliit na tape recorder na naglalaman ng recording ng boses ni Sir Bigoy na paulit-ulit sinasabi ang mga katagang "Magnanakaw! Ibigay mo ang sa akin ang mapa!, etc," at iba pang incriminating evidence.

Bago umalis ay kinausap naman siya ni Pamby tungkol sa kayamanan.  Sinabi nitong dalawang bara na lang ang ibabalik niya sa Indonesia at ang isang bara ay kanyang iiwan para sa orihinal na layunin ng Tres Guerillas. Ito'y ang hatiin ang kayamanan sa lahat ng taga-Lambac na lubhang naperwisyo noong panahon ng Hapon. Nagpasalamat si Alab sa gesture na ito ni Pamby at ipinaubaya sa mga kagawad ang ginto. May ibinigay naman sa kanya si Pamby na isang kwintas na tigre na natagpuan daw niya sa waterfall nung sinusundan niya sina Alab. Kapareho ito ng kwintas ni Sir Bigoy.

Sa kabila ng kanyang involvement sa pagresolba ng kaso, tumangging sumama si Alab kina Det. Robles sa bayan nung hapong iyon. Sinabihan niya ang detective na huwag na siyang banggitin sa report sapagkat hindi niya kaso ito. Kaso ito ni Det. Robles. Tumulong lang siya sa pagsolve ng krimen bilang isang sibilyan. Sa kabila ng pagpupumilit ni Det. Robles, hindi niya napapayag ang binata na i-credit dito ang paglutas ng kaso.

Dahil sa kakaibang nature ng krimen, mabilis namang kumalat ang balita sa media at sumikat ang pangalan ni Det. Robles na nakatakdang ma-promote ng ranggo at makatanggap ng mga award. Nagpaiwan naman si Alab sa isla ng isang araw pa, para maayos na makapagpaalam sa kanyang kaibigang si Kokoy at sa pamilya nito. Pinilit tawagan ni Kokoy si Sophia para magkausap ang dalawa, pero tumanggi si Alab dahil sariwa pa ang sugat na idinulot ng mga pangyayari.

"Lagi mong tandaan, na may pamilya ka rito 'tol," paalala ni Kokoy sa kanya bago siya yakapin nito ng mahigpit kaninang umaga sa pantalan. Mahigpit din siyang niyakap ni Ate Flo at mabilis na hinalikan ang binata sa pisngi. Niyakap din niya ang kanyang Tatay Julio at Nanay Susana na malaki ang pasasalamat sa lahat na kanyang ginawa para sa kanilang pamilya at para sa nayon ng Lambac.

Bumalik rin sa alaala ni Alab ang huling sinabi ni Sir Bigoy bago ito arestuhin. "Sana alam niyo ang hirap at sakit sa kalooban na makitang patayin sa harap niyo ang inyong mga magulang," wika nito.

Panahon na ba para pag-ukulan niya naman ng atensyon ang kaso ng pagkamatay ng kanyang mga magulang? Tahimik na nagtatalo ang isip ng binata nang isang malambing na tinig ang bumasag sa kanyang konsentrasyon.

"Pogi, sino ang iniisip mo? Si Florence o si Sophia?" pabirong tanong ni Mitch sa kanya. Katabi niya sa upuan ng bangka ang dalawang bisita ni Ate Flo na lumuwas na rin kasabay niya.

"Baka gusto mong idagdag si Carla sa mga options?" natatawang sabat ni Carla.

Nangiti lang si Alab at napailing. "Alam niyo, hindi ko pa kayo napapasalamatan sa clue na ibinigay niyo sa akin," wika nito sa dalawa.

Nagtaka ang dalawa sa sinabi ng binata. "Ha? Ano na naman ang pinagsasabi mo Ali?" tanong ni Mitch dito.

"Nung araw na buksan natin ang diary, ano ang sinabi mo sa akin? Tanda mo pa ang joke mo?" tanong ni Alab sa dalaga.

"Na malalaman na natin ang sikreto nina Mara at Clara? Yun ba?" sagot nito.

"Oo," nakangiting wika ni Alab. "Ang inakala natin na Villa-CLARA, eh MARA-villa pala ang tunay na apelyido.  Gets mo?"

Lumiwanag ang mukha ni Mitch at malapad na napangiti. Proud na proud ito sa sarili at sa maliit niyang kontribusyon sa pagkalutas ng kaso.

Ilang minuto pa ay narating na nila ang Cardona fishport na siyang hangganan ng kanilang paglalakbay. Nagpaalam siya kay Mitch at Carla na nagpumilit kunin ang kanyang phone number.  'For future references' daw ayon sa mga ito bago sila maghiwalay.

Nakita naman niyang nakatayo sa pantalan ang kanyang ninong na colonel katabi ng sasakyan nito upang sunduin siya. Malapad ang ngiti nitong lumapit sa binata at niyakap si Alab.

"Welcome back, Detective Alab Sangalang!" pabirong salubong ng matanda sa kanya.

Isang makahulugang ngiti naman ang isinukli ni Alab dito.

THE END



(Please click VOTE if you enjoyed reading the chapter.  Thanks! :))

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon