Chapter 4 : Isang Pagtatagpo

80 17 112
                                    


Ilang mga lalake ang mabilis nagtakbuhan sa loob ng bangka upang tulungan ilabas ang matanda na noo'y tirik ang mga mata at nanginginig ang buong katawan. Binuhat nila ang manipis na katawan ni Ka Manuel palabas ng bangka habang ang iba'y pumuwesto sa gilid ng pantalan upang abutin ito. Isa si Kokoy sa mga lalakeng umabot sa katawan nito sa pantalan at bumuhat sa nagpupumiglas na matanda.

"Kapitana, ididiretso na po namin s'ya sa center?" tanong ng isang lalake kay Doc Vivian na noo'y sinusuri ang mga mata ng matanda.

"Teka, wala roon ang mga gamit ko, saka sa taas ng nayon pa 'yon!" aligagang sabi ng doktora na ang tinutukoy ay ang barangay health center na siya rin ang nagpapatakbo.

"Dun sa bahay namin muna s'ya dalhin para mas malapit!" mabilis na utos ni Kapitan Adonis sa mga taong bumubuhat sa matanda. Tanghaling tapat na at sobrang init na rin ng sikat ng araw.

Mabilis na kumilos bilang isang grupo ang mga tagabuhat at tumungo sa bahay ng Kapitan. Nakasunod naman si Alab sa grupo, bitbit ang kanyang backpack at tungkod sa paglakad kasunod ng kapitan at ng asawa nito. Marami ring mga taga-nayon ang sumusunod sa grupo upang maki-usyoso.

Ang bahay ng kapitan ay isang malaking bahay na bato na malapit sa lawa. Matatanaw kaagad mula sa lawa ang bahay dahil malaki at mataas ito. Ito'y kulay puti, bungalow type at may malaking bakuran. Ilang metro lang ang layo nito sa pantalan sa bandang kaliwa kung saan isang malawak na terrace ang sasalubong sa lahat ng mga bumibisita dito.

Pagdating sa bahay ay nagpaiwan si Kokoy at si Alab sa terrace kasama ng ilang mga usyuserong taga-nayon. Pagpasok ng grupo sa sala ay nagulat ang isang dalaga na noo'y nagbabasa ng libro sa mahabang sofa.

"Anak, ihanda mo ang clinic, dali!" utos ng kapitan. Agad na tumayo ang dalaga at tumakbo sa isang mini-clinic sa bahay, binuksan ang pinto at ilaw nito upang makapasok ang grupo at mailapag ang matanda sa isang maliit na kama. Tumulong din ang dalaga sa pagsasaayos ng katawan nito sa paghiga. Agad namang inassess ng kapitana ang kalagayan ni Ka Manuel.

Ilang mga usyusero ang nagtangkang pumasok sa bahay upang makibalita. Si Alab ay nanatiling nakatayo sa terrace at sumandal ng bahagya sa railing ng terrace habang si Kokoy naman ay nasa malapit sa pinto, pilit inaaninaw ang nangyayari sa loob sa likod ng screen door ng bahay.

Maya-maya'y isang malaking lalake na nakaputing body fit t-shirt at khaking pantalon ang dumating at itinulak ang mga nakaharang na mga tao sa pinto. Naitulak din nito si Kokoy na muntik nang mapamura.

"Padaan, padaan! Pulis ako!" sigaw ng matipunong lalake na nasa mid-20's at halos kasing tangkad ni Alab. Pumasok ito sa bahay at narinig nila ang boses nitong punong-puno ng awtoridad mula sa loob.

"Magsilabas ang lahat ng walang papel dito! Hayaan natin si Doktora at ang pasyente!" dumadagundong na utos nito na parang isang drill sergeant.

Isa-isang naglabasan ang mga usyusero pati na ang mga taong bumuhat kay Ka Manuel sa takot sa binatang pulis na nagmamando sa loob ng bahay. Maya-maya'y lumabas din ang magandang dalaga, nakasimangot, bubulong-bulong at hindi maipinta ang mukha.

"Akala mo kung sino!  Napakayabang!" sabi nito sabay lagay ng mga kamay sa bewang na parang walang ibang nakikita. Matangkad at balingkinitan ang dalaga, mestisa, mahaba ang nakalugay na buhok, may braces sa ngipin at makapal na salamin sa mata. Nakasuot ito ng oversized na t-shirt at nakasuot ng pink na pajama.

"Hi Sophia!" nahihiyang bati ni Kokoy dito sabay kaway.

Napatingin ito kay Kokoy na nakakunot pa rin ang noo. Nang makilala si Kokoy ay napangiti ito. "Pasensya ka na Kuya Kokoy, may epal kasi," bawi nito sabay turo sa loob ng bahay. Ngumiti naman ng ubod ng tamis si Kokoy.

Nabaling ang tingin ni Sophia sa matangkad na binatang naka-shades na nakatayo sa likod ni Kokoy kaya bahagyang natigilan ang dalaga. Si Alab naman ay nakapako ang tingin sa pinto ng bahay at may malalim na iniisip.

"Si Ali pala, kaibigan ko, taga-Antipolo," sabi ni Kokoy nang mapansing nakatingin ang dalaga kay Alab. Siniko nito si Alab na noo'y malalim pa rin ang iniisip. Bahagyang nairita si Alab nang lumingon sa kaibigan na parang nagtatanong kung bakit siya siniko nito.

"Si Sophia, anak ni Kapitan," mahinang sabi nito kay Alab sabay turo sa dalaga.

"Nice to meet you," seryosong bati ni Alab na bahagyang yumuko sa direksyon ng dalaga.

Namula ang dalaga at inboluntaryong inayos ang buhok habang nakatitig pa rin sa binata. Biglang lumabas ang binatang pulis sa pinto at nilapitan si Sophia.

"Bakit ka lumabas Miss Sophia? Di naman kita pinapalabas," anito na parang sinusuyo ang dalaga.

"Mainit kasi sa loob," inis na sagot ni Sophia rito sabay nakaw muli ng sulyap kay Alab. "Lumabas lang ako para magpahangin. Di ba nga brownout?" sarkastikang wika nito.

"Sir, kumusta na ang lagay ni Ka Manuel?" tanong ni Kokoy sa pulis. Napatingin sa kanila ang pulis. Malapad ang mga balikat nito, muscular ang katawan at naka crew cut.

"Di ba ikaw yung pamangkin ng pinaslang na matanda?" sabi nito na hindi sinagot ang tanong ni Kokoy.

"Opo, ako nga," sagot ni Kokoy.

"Wag kang mag-alala, malapit ko nang ma-solve ang kaso ng tiyuhin mo. Ipinangako ko sa headquarters na iso-solve ko ang kaso sa loob lamang ng limang araw or else magbibitiw ako sa posisyon ko," preskong pahayag nito.

Napataas ang kilay ni Kokoy at ni Sophia sa narinig na pahayag ng binata. Napatingin lang si Alab dito. Ito pala ang imbestigador na ipinadala ng Cardona police.

"Kaya mong hulihin ang ting-guwa?" tanong ng isang usyusero na nakikinig kasama nila. May ibang napatawa sa hirit nito.

Matalim na tingin ang ipinukol ng imbestigador sa lalaking nagtanong. "Hangga ngayon ba naniniwala ka pa rin sa ganyan? Minsan lumuwas ka rin sa bayan para hindi ka maging ignoranteng taga-isla."  Maraming nagalit sa ka-preskuhan ng pulis lalong-lalo na sina Kokoy at Sophia. "Halimaw o hindi halimaw, bibigyan ko ng hustisya ang pagkamatay ng tiyuhin mo," dagdag pa nito kay Kokoy. Nabaling naman ang atensyon nito kay Alab na noo'y tahimik lamang na nakikinig sa kanya.

"Teka, parang pamilyar ka sa akin?" anito na siniyasat ang mukha ni Alab. "Tama! Ikaw nga! Ikaw yung magaling na batang imbestigador na sumikat noon sa TV at Facebook! Si..si Sangalang ka di ba? Boy Wonder ng Rizal Police District?" malakas na wika nito. Lalong napagkit ang tingin sa kanya ni Sophia. "Ang tagal mong nawala ah? Akalain mo, dito lang pala tayo magtatagpo?"

Lahat ng tao sa harap ng bahay ay napatingin kay Alab at napatango. Naasiwa ang binata sa atensyon na idinulot nito kaya iniyuko na lang niya ang kanyang ulo.

"Bakit ka nasadya rito sir? Tutulong ka ba sa imbestigasyon? Tutulong ka sa paghuli ng aswang?" natatawang wika ng binatang pulis. Lahat ay napatingin kay Alab, naghihintay ng sagot nito. Tahimik lang itong nakayuko at nakatingin sa kanyang mga paa.

"Ako nga pala si Detective Vince Robles. Malapit nang maging Boy Wonder ng Cardona Police," biro nito sabay abot ng kamay sa binata. Dahil napansing hindi na komportable ang kaibigan, agad hinarang ni Kokoy ang kamay nito.

"Hindi s'ya nagpunta rito para sa ganyan sir, nakikiramay lang siya sa pamilya namin," pagtatakip ni Kokoy sa kaibigan.

"Ah ganon ba? Sayang naman," umiiling na sagot nito. "Alam niyo, hindi naman problema sa akin ang may ka-kumpitensya eh. Lalo na kung ang katunggali ko ay ang Boy Wonder. Pwede naman natin subukan kung sino ang mas mabilis makaka-solve ng kaso," puno ng kumpyansang dagdag pa nito.

"Pumunta siya rito bilang sibilyan sir, hindi bilang imbestigador," iritadong sagot muli ni Kokoy.

"IMBESTIGADOR NA NAMAN?! LUMAYAS KAYO RITO, HINDI NAMIN KAYO KAILANGAN!" sigaw ng isang malaking boses mula sa likuran nila.  



(Please click VOTE if you enjoyed reading the chapter. Thanks! :))

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon