Chapter 18 : Mga Akusasyon

27 9 31
                                    

Dali-daling tumakbo pababa ng bahay si Alab at si Kokoy upang tumulong sa pagpigil sa gulong nangyayari sa bakuran. Bagamat may katabaan, malakas at malaking tao pa rin si Don Johnny kaya ininda ng detektib ang suntok nito. Dumudugo ang ilong nito nang itayo ito ng kapitan at ng isa pang lalaking nakasaksi sa gulo. Napalibutan ng mga usyusero ang gulong nangyayari, na kahit ang mga nasa loob ng bahay nina Kokoy ay nagsilabas upang panoorin ang eksena.

"Ulitin mo ang sinabi mo! Walang hiya ka!" sigaw ni Don Johnny na akmang susugurin uli ang binatang detektib. Buti na lamang at naroon si Pamby at ang ibang mga tao para pigilan ito. Si Sir Bigoy naman ay takot na takot na tumabi at lumayo sa dalawa upang hindi masangkot sa gulo.

Nakangisi naman ang detektib habang pinapahid ng kanyang damit ang dugo sa kanyang ilong. "Ulitin ko? Ikaw ang halimaw Don Juan Miguel Rojo! Inaaresto kita sa pagpatay kay Mang Cesar at Ka Manuel!" pasigaw na wika nito habang dinuduro ang matandang don.

"Animal ka, halika dito papatayin kita!" saglit na nakakawala si Don Johnny sa mga pumipigil sa kanya at patakbong dinaluhong ang binata. Nahawakan muli nito ang damit ng detektib bago napigilan ulit ng mga taong naroon. Habol ang hininga ng don at hingal na hingal ito sa galit. Pumagitna na rin sina Kokoy at Alab upang tumulong sa pag-awat sa dalawa.

"Sige, gawin mo! Diyan ka naman magaling eh! Sa pagpatay!" nakangisi pa ring sagot ng detektib. Nanghahamon pa rin ang tono nito at lalo pang ginagalit ang matanda.

"Det. Robles, pakiusap, tigilan na natin ito. Hindi ito ang tamang lugar at panahon!" pakiusap ng kapitan habang namamagitan sa dalawa.

"Bobong imbestigador!" sigaw ng matanda. "Sa lahat ng tao rito, bakit ako ang pinagbibintangan mo?

"Bakit ikaw? Bakit hindi!?" sagot ng detektib. "Ikaw lang ang may motibo para gawin ang lahat ng ito!"

"Anong motibo ang pinagsasabi mong hayup ka? Pareho ko silang mga kaibigan at mga kanayon ko pa! Hindi kami mga hayop dito para magpatayan!" galit na galit na sagot ng don. Pulang pula na ito at lalong dumalas ang malalim na paghinga.

"Wag ka nang magmaang-maangan Don Johnny, bistado ka na!" sabi ni Det. Robles habang dinuduro ang matanda.

"Detective, tama na," pakiusap ng kapitan.

"Patunayan mo ang sinasabi mo, kung hindi, ikaw ang ipapakulong ko!" sigaw ni Don Johnny.

Natawa si Det. Robles sa hamon ng matanda. "Yan talaga ang balak kong gawin ngayon, Don Juan Rojo! Ang ipakita sa lahat ng narito ang mga mga ebidensiya na isa kang mamamatay-tao!"

Mabilis na tinabig ng Don si Pamby at ang mga taong pumipigil sa kanya, nalapitan ang detektib at inundayan ito ng suntok sa mukha. Mabilis namang nakailag ang binata kaya napadapa ang matanda sa pwersang ibinigay nito.

Agad na inalalayan nina Kokoy at Alab si Don Johnny na noo'y nasaktan ang kamay at tuhod sa pagkadapa. Iniupo nila ito sa isang upuan, habang lumakad lang sa harap nito ang nakangiting si Det. Robles. Bakas ang tuwa sa mukha nito sapagkat maraming tao ang nanonood habang ibinubunyag niya ang krimen ng matanda at ipinapakita ang kanyang galing sa pag-iimbestiga.

Tumakbo si Ate Flo sa tabi ng don at binigyan ito ng tubig na maiinom. Matapos uminom ng tubig ay naubo ito sandali at nanghihinang humarap muli sa detektib.

"Patunayan mo ang mga ibinibintang mo sa akin. Kung hindi, ikaw ang aalis ng isla na nakabahag ang buntot!" sigaw muli nito sa direksyon ng detektib.

"Hinahamon mo talaga ako Don Johnny? Yan ang gusto ko sa iyo, hindi ka papahuli ng buhay!" wika ng detektib. "Itinatanggi mo ba na bago maganap ang pagkamatay ni Mang Cesar ay nagkasagutan kayo nito dahil mas gusto mo ng mas malaking parte sa kayamanan?" malakas na wika nito habang isinuksok ang dalawang kamay sa loob ng kanyang bulsa.

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon