Napatayo at napatakbo papunta kay Alab si Ate Flo kasunod ang mga magulang nito, na parehong naluha sa galak nang makitang buhay ang binata. Yayakapin sana nito si Alab ngunit pinigil siya ni Kokoy dahil masakit ang katawan ng binata dahil sa mga sugat na tinamo nito. Maging si Sophia na nawalan na ng pag-asa nang mga oras na iyon, ay napatakbo palabas ng bahay nang makita si Alab. Tuwang tuwa at naluluha nitong pinagmasdan ang binata mula sa terrace ng bahay. Agad na sinalubong ni Det. Robles at Pamby ang nanghihinang binata at iniupo ito sa bench sa gitna ng bakuran. Bahagyang napaubo si Alab dahil pa rin sa usok na nalanghap niya sa balon. Nawala naman ang kulay sa mukha ni Sir Bigoy na parang nakakita ng multo nang makitang buhay ang binata.
"Wag niyo s'yang pakawalan, Kapitan!" sigaw ni Kokoy. "May ebidensya kami laban sa kanya!" Pumagitna ito sa mga taong naroon at inilabas ang kanyang cellphone. Pinatahimik naman ng kapitan ang lahat upang pakinggan ang sinasabi ng binata.
"Kagabi ay kinausap ako nitong si Alab tungkol sa patibong na gusto niyang ilatag para raw hulihin ang halimaw na gumugulo sa ating barangay. Hindi niya sinabi sa akin kung ano o sino ang halimaw na tinutukoy niya, pero magtiwala lang daw ako at sundin ang kanyang sasabihin. Dapat ay tatlo kaming aakyat sa minahan kanina, pero magkunwari raw akong aatras at mababahag ang buntot sa aming misyon."
Napailing at napanganga na lang si Sir Bigoy sa sinabi ni Kokoy.
"Pagkaalis nilang dalawa, ang instruction ni Alab sa akin ay umakyat sa bundok sa ibang direksyon, pumunta sa lungga sa waterfall at iangat ang isa sa mga higaan sa loob nito. Nagulat ako nang isang tunnel ang bumukas sa ilalim nito nang angatin ko ang dalawang paa ng higaan. Ito siguro ang dahilan kung bakit matagal siyang nawala kahapon ng hapon," wika pa ni Kokoy na tiningnan ang kaibigan na habol pa rin ang hininga sa kinauupuan nito.
"Nabasa niya sa diary ng aking Lolo Ben na may iba pang lagusan mula sa waterfall papunta sa minahan at ito siguro ang tinuklas ni Alab kahapon. Ginapang ko ang makipot na tunnel hanggang makarating ako sa dulo nito na isang sliding panel sa isang madilim na bahagi pala ng bunker. Narinig ko silang nag-uusap kaya nagtago ako sa dilim at inilabas ang aking cellphone, ayon na rin sa instruction ni Alab. Kahit ako ay nagulat sa rebelasyon ni Alab na si Sir Bigoy pala ay anak ni Iking Maravilla at gusto nitong bawiin ang kanilang kayamanan at ipaghiganti ang kanilang mga magulang." Lumakas ang bulung-bulungan sa paligid ng bahay. "Umalma si Sir Bigoy kaya naglaban sila hanggang magapos niya si Alab. Gusto ko sanang tumulong, pero ayon sa mahigpit niyang instruction, wag akong gagawa ng anuman, hangga't hindi nakukuha ang confession ng suspek."
"Di nagkamali si Alab, dahil nag confess si Sir Bigoy at narecord ko ito ng buo sa aking cellphone," wika ni Kokoy na itinaas ang kanyang telepono. "Pinili ni Sir Bigoy na sunugin na lang ang kweba dahil hindi niya natagpuan ang patalim na ginamit niya sa laban. Sinipa ito ni Alab papunta sa akin nung naglaban sila, kaya naitago ko ito kaagad," dagdag ng binata at inilabas ang patalim galing sa kanyang likuran. Nagkaingay muli ang mga usyusero sa paligid ng bahay. "Matapos makatakas ni Sir Bigoy palabas ng balon ay agad kong kinalagan si Alab gamit ang patalim na ito at gumapang kami pareho sa tunnel, patungong waterfall, bago pa ito tuluyang lamunin ng apoy."
Humingi si Kokoy ng speaker sa kapitan na pinagbigyan naman nito at kumuha sa loob ng bahay. Tahimik na pinakinggan ng lahat ang recording ng buong pangyayari sa balon. Nagkaingay ang lahat sa kanilang narinig na confession ni Sir Bigoy at sa pambihirang kwento ng binata. Tiningnan nila ng may pagtataka at paghanga si Alab na noo'y tahimik na nakaupo lamang sa bench, habang naiiling si Sir Bigoy sa harapan nito.
"Kami rin ay nakatanggap ng instruction galing kay Alab," malakas na sabat ni Det. Robles matapos ang recording. "Kaninang umaga bago kami umalis, palihim niya kaming kinausap sa pantalan. Pag-alis ng aming bangka ay bumaba raw kami sa susunod na barangay, sa Boor, at palakad na bumalik dito. Pagkatapos ay umakyat daw kami sa minahan at maghintay sa bukana ng balon dahil lalabas ang suspek dala ang kayamanan, kaya dapat naming arestuhin kahit sino pa ito. Laking pagtataka namin nang ganun nga ang mangyari kanina, pero hindi namin inasahan ang sunog na akala namin ay tumapos sa buhay ni Det. Sangalang. Ngayon ay narito siya para isalaysay ang mga pangyayari at idiin ang taong ito!" dagdag pa ng detective na parang nabunutan ng tinik.
BINABASA MO ANG
Sa Kuko ng Karimlan
Mystery / Thriller"Three mysterious deaths, five clues to a buried treasure, a monster lurking in the shadows. The adventure of a lifetime." A young, but disillusioned former detective must protect his adoptive family, while trying to decode the mystery involving a...