Agad na kumilos at nagbihis ang dalawang binata upang puntahan ang lugar kung saan nakita umano ang bangkay ni Ka Manuel. Mag-aalas tres na ng hapon at bahagyang malamlam na ang sikat ng araw. Nagpasya silang ipagpaliban muna ang pagsusuri sa tapayan at sa clue ni Lolo Ben.
"Mag-iingat kayo mga anak," ang paalala ni Mang Julio kay Alab at Kokoy habang papaalis ang mga ito.
"Kailangan nating magdala ng mga panyo at mga flashlight," paalaala ni Alab sa kaibigan.
Ayon sa impormasyong nakarating sa kanila, nakita raw ang katawan ng matanda malapit sa lugar kung saan nakita rin ang katawan ni Mang Cesar. Ngunit nasa gitna ito ng mga puno sa gilid ng malawak na damuhan at hindi sa mismong gitna ng parang kung saan nakita ang unang bangkay. May hinala na kaagad si Alab kung saang lugar nakita ang bangkay, ngunit gusto niyang makita mismo ito para mapatunayan ang kanyang deduction.
Marami silang nakasabay na mga usyuserong taga-nayon sa pag-akyat sa gubat pagkat nakarating na sa lahat ang balita. Nakisabay sila sa agos ng mga ito upang makibalita na rin sa mga usapan. May ilang nagsasabi na nakita nila ang matandang paakyat sa bundok ngunit hindi raw ito namamansin at parang kinakausap ang sarili. Nabanggit din ng mga ito ang tungkol sa komprontasyon ni Ka Manuel at ni Don Johnny, bago ito umakyat sa bundok.
Pagkalipas ng kalahating oras ay narating na ng grupo ang malawak na damuhan. May ilang mga tao ang nakatambay sa lugar at nag-uusapan. Ngunit ang karamihan ng mga usyusero ay nasa kalipunan ng mga puno sa gilid ng parang. Tama ang kutob ni Alab. Naroon ang bangkay sa lugar na inaasahan niya. Nagulat din si Kokoy pagkat yun din ang lugar kung saan nila nakita si Alab na sinusuri ang lupa nung nakaraang araw. Napatingin ito sa kaibigan na puno ng pagtataka at pagtatanong.
Mabilis na naglakad si Alab patungo sa pinangyarihan ng krimen. May mga barangay tanod na nakapaligid at pumipigil sa mga tao na lumapit sa bangkay. Makikita si Det. Robles at ang kapitan sa gitna nila, nakatakip ang kanilang mga ilong at bibig habang sinusuri ang patay na katawan. Agad na napansin ng detektib ang papalapit na si Alab kaya sinenyasan niya ang mga tanod na hayaan itong makalapit sa kanila.
Halos bumaliktad ang sikmura ni Kokoy nang makita ang bangkay ng matanda. Puno ng dugo ang likod at pinaghalong puti at violet na ang kulay nito na nakadapa sa buhangin sa paligid ng mga bato. Agad nagtakip ng ilong at bibig ang dalawang magkaibigan habang si Kokoy ay tumalikod sa bangkay.
"Mag 18-20 hours na siyang patay base sa stage of decomposition," sabi ni Detective Robles kay Alab habang itinuturo ang bangkay. Ipinakita rin nito sa binata ang mga butas sa likod ng bangkay gamit ang isang mahabang patpat. "Malalim ang mga tama sa likod, isa, dalawa, tatlo at apat," wika nito habang isa-isang binulatlat ang sugat sa likod ng matanda sa gitna ng mga lumilipad na langaw. Masusi namang sinuri ni Alab ang mga sugat sa likod ng matanda na consistent sa bilang ng kuko ng isang agila, ngunit di hamak na mas malalaki ito. Puno rin ng pasa ang harapan ng bangkay na consistent sa isang taong nahulog mula sa isang mataas na lugar.
Muling naglakad lakad si Alab habang tinitingala ang mga puno. "May nakita ba kayong mga bakas sa mga puno?" tanong nito sa detektib.
"Wala, wala pa rin. Naikot ko na ang lahat ng puno sa paligid," sagot ni Det. Robles. "Pero hindi na mahalaga iyon. Mahuhulog pa rin sa bitag ko ang suspek," bulong nito kay Alab.
"Detective Sangalang, ano ang masasabi mo rito?" malungkot na tanong ng Kapitan kay Alab. "Isa-isa na kaming nauubos."
"May natanggap na ba kayong babala Kapitan?" tanong ni Alab.
"Mga balahibo? Wala, wala pa naman...." natitigilang wika nito.
"Isang halimaw ang gumagawa nito, kailangan lamang natin ng mas malaking net para mahuli ito," wika ng binata.
Lalong natakot ang kapitan sa sinabi ni Alab.
Natatawang sumabat si Det. Robles sa usapan ng dalawa. "Naniniwala ka na rin sa kathang isip Wonder Boy? Akala ko pa naman logical kang mag-isip? Nadi-disappoint na ako sa yo..." wika nito na umiiling. "Teka nga pala, andito ka sa lugar na ito nung nakaraang araw at sinusuri mo ang lupa dito. Paano mo na-predict ang lugar na ito?" pahabol na tanong ng detektib.
"Dahil naniniwala ako sa kathang isip, Detective," makahulugang wika ni Alab sabay tapik sa balikat ni Kokoy na noo'y halos maduduwal na. Inaya nito ang kaibigan at naglakad na palayo sa crime scene ang dalawa.
"Teka saan kayo pupunta?" tanong ng kapitan. "Yun na yun? Tapos ka nang mag-imbestiga?"
"May iche-check lang po kami Kapitan," seryosong sagot ni Alab.
Nang makalayo na sa lugar ay tinanong ni Alab ang kaibigan kung kaya pa nitong sadyain ang kweba sa waterfall. Natigilan sandali si Kokoy pero pumayag din ito basta bilisan lang daw ang kanilang pagkilos. Walang inaksayang panahon ang dalawa sa pag-akyat sa bundok. Sa loob ng kalahating oras ng pag-akyat ay narating nila ang sangandaan at ang minahan. Makikitang palinga-linga si Alab sa itaas ng mga puno at sa kanilang likuran. Sampung minuto pa ay naakyat nila ang mataas na kinalalagyan ng waterfall. Matapos iikot ang paningin sa paligid ay hinawi nila ang mga gumagapang na halaman at mga baging na tumatakip sa lagusan at magkasunod na gumapang papasok dito. Pagdating sa silid ay muli nilang pinasadahan ang buong paligid ng kweba sa pamamagitan ng kanilang mga flashlight.
Wala. Wala silang nakitang anumang uri ng susi sa loob nito.
Dismayadong lumabas ng lagusan ang dalawa. Mag aalas-singko y medya na kaya kailangan nilang magmadali sa pagbaba ng bundok upang hindi sila abutin ng takip silim.
"Mukhang wala naman talagang laman yung diary, tol," malungkot na wika ni Kokoy nang pababa na sila sa bundok. Latag na ang dilim sa paligid.
"O baka naunahan na tayo," bulong ni Alab.
Napansin nila na wala na ang mga tao na nag-usyoso sa pinangyarihan ng krimen nang mapadaan sila doon. Tanda na nailibis na nila ang bangkay sa nayon upang ayusin o ihanda sa burol. Isang bangkay na naman ang nadagdag na paglalamayan ng barangay!
Mag-aalas-siete na ng gabi nang makabalik sila sa bahay nina Kokoy. Agad silang sinalubong ni Ate Flo at ni Aling Susana dahil ginabi sila ng pag-uwi. Naroon din si Mang Julio na nakaupo sa hapag-kainan kasama nila.
"Ano ba kayo? Alam niyo nang mapanganib, nagpagabi pa kayo ng uwi?" alalang wika ni Ate Flo.
Malungkot na umupo sa hapag kainan si Kokoy. "Bigo kami. Wala kaming nakitang susi sa lugar," dismayadong wika nito.
"Wala din kaming nakitang mensahe sa banga kanina. Apat na kaming tumingin kasama si Sophia, wala din kaming nakita," ani Ate Flo.
"Kailangan nating basagin ang banga," wika ni Alab. "Kung babasahin niyo ang kwento, pinabili ng Diyos si Jeremiah ng banga at pinabasag niya ito sa harap ng maraming tao. Maaaring nasa loob ang susunod na clue," desididong wika ni Alab. Napatingin si Kokoy sa mga magulang na parang nanghihingi ng permisong gawin ang iminumungkahi ni Alab.
"Magpaalam muna kayo sa Tatay niyo," sabi ni Aling Susana sabay tingin sa asawa.
Ngunit bago pa makapagsalita si Kokoy ay umunat si Mang Julio sa upuan, nagbula ang bibig at nanginginig na bumagsak sa sahig.
(Please click VOTE if you enjoyed reading the chapter. Thanks! :))
BINABASA MO ANG
Sa Kuko ng Karimlan
Misterio / Suspenso"Three mysterious deaths, five clues to a buried treasure, a monster lurking in the shadows. The adventure of a lifetime." A young, but disillusioned former detective must protect his adoptive family, while trying to decode the mystery involving a...