Chapter 19 : Bangungot ng Kahapon

27 10 35
                                    

Itinaas ni Det. Robles ang hawak nitong artikulo upang makita ito ng lahat na naroon. Natigilan si Don Johnny habang sinusubukang basahin ang headline ng artikulo. Ganun din si Alab na hindi makapaniwala na dito niya makakatagpong muli ang huling kasong hinawakan niya bago ang malagim na aksidente ng kanyang mga magulang. Malapad ang ngiting inilibot ng detektib ang mahabang diyaryong Amerikano na may malalaking letra sa headline.

"Alam niyo ba na itong Don Johnny niyo, ang hindi raw nang aagrabyadong si Don Johnny Rojo, ay anak ng isang kriminal? Ng isang arsonist?" wika nito sa mga tao sa paligid. Natulala ang lahat sa sinabi nito, matapos ay nagbulung-bulungan. Napatingin si Don Johnny sa paligid, litong-lito sa kanyang naririnig.

"Anong pinagsasabi mo?" tanong ng matandang don kay Det. Robles.

"Itatanggi mo ba na hindi naman Rojo ang apelyido niyo dati? Di ba ikaw ang anak ni Ignacio dela Cruz? Sa America ka lumaki bago kayo umuwi dito, di ba?" nakangising tanong ng detektib.

Muling nagbulungan at nagka ingay ang mga tao sa mga sinasabi nito.

"Lahat kaya kong halungkatin. Kahit mga impormasyon na galing Interpol, maaari kong makuha," mayabang na wika ng detektib. "Impormasyong gaya nito. Ang ama ni Don Johnny ay si Ignacio dela Cruz, isang arsonist na sumunog sa bahay ng isang kapwa Pinoy sa America! Naging fugitive kaya napilitang umuwi sa kanyang lupang tinubuan para magtago sa likod ng ibang identity!"

"Si Don Ignacio?" di makaniwalang tanong ng kapitan. "Isa siyang huwarang mamamayan dito sa Lambac! Anong sinasabi mo Detective Robles?"

"Huwaran? Umalis siya dito bilang ulila, dinala ng mga Amerikano sa Estados Unidos dahil isa siya sa mga nawalan ng ama dahil sa digmaan. Namuhay at nagkapamilya sa California at tumira doon ng ilang dekada. Sa hindi pa malinaw na dahilan, ay pumatay ng mag-asawang kapwa Pilipino doon sa pamamagitan ng pagbaril at pagsunog sa bahay ng mga ito. Kung hindi pa nakatakas ang dalawang batang anak ng mag-asawa, isang buong pamilya sana ang magkakasamang namatay sa sunog na iyon!" Lumakas pa lalo ang alingasngas ng mga tao sa paligid sa impormasyong narinig nila. "Si Ignacio dela Cruz ay pinaghanap ng batas ng Amerika at tumalilis pabalik dito sa lugar ng kanyang mga magulang, kasama ang kanyang pamilya. Itatanggi mo ba ito Don Johnny?" sarkastikong usisa nito sa matanda.

"Wala akong alam sa mga pinagsasasabi mo, katorse o kinse anyos pa lang ako noon!" pagalit na sagot ni Don Johnny.

"So kinukumpirma mo nga na sa Amerika ka lumaki bago nagpasyang bumalik dito ang mga magulang mo noong 1970's?" tanong muli ng detektib.

"Mabuting tao ang aking ama! Kung sino man yung mga tao na sinasabi niyong pinatay niya sa Amerika, baka sila ang may kasalanan sa tatay ko! Marapat lang sa kanila ang mamamatay! Wag na wag mong sirain ang alaala ng aking magulang!" nanginginig na sagot ng matanda. Lalong umingay ang mga tao sa paligid.

"Sa bibig mo na rin nanggaling na anak ka ng isang mamamatay-tao, Don Johnny!" sagot ng detektib.

"Ang kasalanan ba ng ama ay kasalanan ng anak? Anong kinalaman ng kasong iyan sa nangyayari ngayon dito sa barangay namin? Yan lang ang pruweba mo para idiin ako?" angil ng matanda sa binatang detektib.

"Ito ang patunay na ang tendency ng isang tao na pumatay at ang kanyang violent nature ay maaaring maipasa niya sa kanyang mga anak sa pamamagitan ng impluwensya," sagot ng imbestigador.

Natawa ang matanda. "Napakalabnaw ng kaso mo laban sa akin, Detective! Halatang halata na baguhan ka pa lang! Huwad ka! Magharap tayo sa korte, demonyo ka!" wika ng matanda na napahalakhak.

Halatang nainsulto ang batang imbestigador at sumagot ng pasigaw sa matanda. "Ipaliwanag mo nga sa akin kung bakit sa lahat ng mga involved sa pagmimina, ikaw lang ang walang natanggap na babala?"

"Ako lang ba? Ako lang? Bakit hindi mo tanungin si Adonis kung may natanggap na siyang mga balahibo?" sagot nito sabay turo sa kapitan. Muling umingay ang mga tao sa paligid.

"Bakit ako, Don Johnny? Wala akong kinalaman dito. Kasalanan ko ba na wala pa akong natatanggap na babala?" namumula sa galit na sagot ng kapitan. Napalapit si Sophia sa ama upang pigilan at pakalmahin ito.

"Sinasabi ko lang Adonis, na hindi lang ako ang maaaring paghinalaan sa ating lahat, pero bakit ako ang pinag-iinitan ng taong ito?" sagot ni Don Johnny.

"Sinasabi mo bang may kakayahan akong pumatay ng tao?" pasigaw na sagot naman ng kapitan kay Don Johnny.

"Hindi iyon ang ibig kong sabihin, Kapitan," sagot ni Don Johnny. "Ipinapaliwanag ko lang sa magaling na imbestigador na ito kung gaano kababaw ang mga akusasyon niya sa akin!"

"Hindi mababaw ang mga akusasyon ko, Don Johnny," nakangiting wika ng detektib. "Ipagpalagay na natin na hindi mo na nga kayang bumuhat ng salapang upang pumatay ng tao. Pero maaari kang kumuha ng tao para gawin ito para sa yo, di ba?"

Nagtaka ang lahat sa sinabi nito. "Gaya halimbawa ng kinuha mong contractor na ito, si Pamby," wika ni Det. Robles na itinuro ang Indonesian. "Hindi malinaw kung paano mo siya nakilala. Hindi rin malinaw kung nasaan siya nung gabing patayin si Mang Cesar at Ka Manuel. Bata at malakas pa siya upang gawin ang anumang iutos mo... gaya halimbawa ng pagpatay," nakatawang wika nito.

Natawa lang si Pamby at napailing. Hindi makapaniwala sa sinasabi ng detektib. "Pamby, nakatanggap ka na rin ba ng balahibo?" nakakalokong tanong ni Det. Robles sa dayuhan. Hindi sumagot si Pamby dito kaya nagkibit balikat lamang si Det. Robles. "Hmmm..mukhang wala. Dahil ba sa inyo rin galing ang mga ito?" nakangiting konklusyon nito.

"Paano mo ipapaliwanag ang kumbulsyon at ang pagkawala sa katinuan ng mga biktima Detective Robles?" sabat ni Kokoy. "Paano mo ipapaliwanag na ang mga biktima ay parang hinihila ng isang di nakikitang pwersa paakyat ng bundok?"

Natigilan ang detektib at nawala ang ngiti sa mga labi nito. Lahat ay naghihintay ng kanyang sagot sa tanong ni Kokoy. "Ah..eh...malaki ang nagagawa ng takot sa isang tao. Paranoia ang tawag diyan! Dahil sa takot sa mga balahibo na natanggap nila, nawawala sila sa katinuan!" nabubulol na wika ng detektib. May mga tumawa sa mga naroon at maging si Pamby at ang Don ay nakitawa na rin sa kanila.

"Magharap na lang tayo sa korte, Detective! Tingnan natin kung tatayong matibay ang testimonyang tulad ng sa iyo sa korte!" nakatawang wika ng Don na tinutuya ang detektib.

"Ang mamamatay tao ay anak ng mamamatay tao!" sigaw ng napahiyang detektib.

Tumayo sa galit ang matandang Don at muling sinugod ang detektib. Ngunit bago niya ito mahawakan, isang sigaw ng babae mula sa loob ng bahay ang narinig ng lahat.

"NAWAWALA SI MANG JULIO! WALA SIYA SA KANYANG KWARTO!



(Please click VOTE if you enjoyed reading the chapter. Thanks! :))

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon