Nabigla si Sir Bigoy sa ginawa ni Alab. Nawala sa kanyang isip na isa sa mga kwintas na suot niya ay isa ngang tigre. Ngunit mas ikinabigla niya ang pagtawag ni Alab sa kanya sa tunay niyang apelyido.
Maravilla.
Alam na nito ang kanyang tunay na pagkatao! Wala nang dahilan para magtago pa.
Sinunggaban niya ang pulso ng kanang kamay ni Alab na nakahawak pa rin sa kanyang kwintas at pinilipit ito ng ubod ng lakas. Napadaing sa sakit si Alab na nagulat sa kakaibang lakas ng guro. Umatras naman ang binata at pinaikot ang kanyang kanang bisig upang mahawakan din ang pulso ni Sir Bigoy. Gamit naman ang kaniyang kaliwang kamay ay pinilipit niya ang siko ni Sir Bigoy pababa. Isang depensa na natutunan niya sa martial arts. Napasigaw ito sa sakit kaya isang malakas na sipa sa tagiliran ng binata ang pinakawalan ng guro na nagpaatras kay Alab dahil tinamaan nito ang tahi sa kanyang tagiliran. Napasandal si Alab sa pader hawak ang parteng napuruhan ng guro. Natatawang hinubad ni Sir Bigoy ang makapal nitong salamin at iniitsa sa sahig.
"Tama na ang pagbabalat-kayo!" wika nito. Isang sipa sa mukha ng binata ang pinakawalan nito na mabilis na nailagan ni Alab sa pamamagitan ng paghakbang sa tagiliran ng guro at pag counter ng isang malakas na siko sa dibdib nito. Nabuwal sa sahig si Sir Bigoy sa lakas ng pwersa ng kaldag ni Alab. Galit na bumangon ito at hinubad ang kanyang malaki at maluwag na polo. Nagulat ang binata sapagkat malaki at puno ng muscles ang katawan ng guro na sadya palang itinago nito sa kanyang istilo ng pananamit.
"Tama nga ang nakarating sa aking balita, isa ka ngang magaling na detective! May pagkatuso pa!" nangingiting wika nito na hawak ang tinamaang dibdib na puno pa rin ng mga kwintas. "Marunong ka rin sa martial arts ha? Tingnan natin ang tibay mo ngayon laban sa isang dating US Marine!"
Ibinaluktot ng bahagya ni Alab ang kanyang dalawang tuhod, naghihintay ng atake mula sa guro. Lumipat si Sir Bigoy sa isang karate stance at mabilis na sumipa sa sahig na nagpatalsik ng buhangin sa mukha ni Alab. Napuwing ang binata sa ginawang ito ng guro na agad siyang dinaluhong at pinabagsak sa pamamagitan ng pag tackle sa kanyang bewang pabagsak sa lupa. Napailalim si Alab sa guro na pumaibabaw sa kanya at inupuan ang kanyang tiyan. Halos panawan ng ulirat si Alab sa mabigat na pagkadagan ni Sir Bigoy sa kanyang midsection. Ilang suntok ni Sir Bigoy sa kanyang mukha ang nasalag niya sa pamamagitan ng mga bisig.
Nang mapagod ang guro sa pagsuntok ay buong pwersa hinawakan ni Alab ito sa magkabilang tagiliran at ini-angat papihit ang kanyang bewang upang mawala ito sa balanse sa ibabaw nya. Napasubasob ito kaya isang suntok sa tiyan ang ibinigay dito ni Alab na ininda ng guro at namilipit sa sakit. Hindi naman kaagad nakatayo ang binata dahil sa sakit sa kanyang midsection na tagos sa kanyang operadong likod, kaya mabilis nakabawi ng isang sipa si Sir Bigoy sa kanyang dibdib na nagpabaluktot sa binata sa sobrang sakit.
Naglabas ang guro ng patalim mula sa bulsa ng kanyang pantalon habang napulot naman ni Alab ang kanyang walking cane. Magkasabay na nakatayo ang dalawa bagamat mabagal dahil parehong may iniindang mga sakit sa katawan. Hinawakan ni Alab ang kanyang tungkod sa magkabilang dulo upang ihanda ang sarili. Pinalipat-lipat naman Sir Bigoy ang patalim sa kanyang kamay para lituhin ang binata. Sumugod si Sir Bigoy at inundayan ng saksak ang binata. Mabilis namang naka-react si Alab at nahampas ang pulso ni Sir Bigoy na nakahawak sa patalim kaya nabitiwan nito ang sandata. Isang hampas pa ang pinakawalan ni Alab sa gilid ng hita ng guro na nagpaluhod dito. Akmang dadamputin muli ni Sir Bigoy ang patalim nang sinipa ito ni Alab palayo, papunta sa madilim na bahagi ng tunnel. Hindi naman naiwasan ni Alab ang mabilis na pag swipe kick ng guro sa kanyang dalawang binti kaya bumagsak muli ang binata sa sahig, una ang lower back nito. Namilipit sa sakit ang binata sapagkat napuruhan ang maselang bahagi ng kanyang likod. Matapos ito'y niyakap siya ng guro mula sa likod at ipinulupot ang mga bisig nito sa kanyang leeg at ulo.
BINABASA MO ANG
Sa Kuko ng Karimlan
Mystery / Thriller"Three mysterious deaths, five clues to a buried treasure, a monster lurking in the shadows. The adventure of a lifetime." A young, but disillusioned former detective must protect his adoptive family, while trying to decode the mystery involving a...