Chapter 10 : Kanlungan

28 11 26
                                    

"May talon ba na malapit sa minahan?" excited na tanong ni Alab kay Kokoy. "Dito sa bandang taas ng balon, sa kaliwa?" sabay turo sa mapa. Nag-isip sandali si Kokoy bago excited na sumagot.

"Oo, sabi ni Lolo Ben, noong panahon daw nila ay may malaking talon sa bahaging yan ng bundok. Pagka malakas daw ang ulan eh matatanaw pa sa nayon ang falls. Pero nung bombahin daw ng mga Hapon ang isla, tinamaan daw ang daluyan nito kaya parang na divert ang agos at hindi na roon dumadaan ang karamihan ng tubig. Konti na lang ang umaagos doon kaya hindi mo na siya pansin mula dito," kwento ni Kokoy.

Nagningning ang mga mata ni Alab sa nakuhang sagot sa kaibigan. "Mamaya, humanda ka tol. Aakyat uli tayo sa bundok," sabik na sabik na wika nito. Nagpalakad-lakad ito paroo't parito sa sala habang tumitingin sa orasan. Mag aalas-tres pa lang pala. Ang tagal ng umaga.

Nagising si Ate Flo sa tilaok ng mga manok mga bandang alas-sais ng umaga. Nakatulog pala siya sa malaking sofa nang di niya namamalayan. Nakahiga pa rin siya at ibinukas ang mga mata. Paglingon niya sa kaliwa ay nakita niya ang ulo ng tulog na tulog na si Alab.   Katabi niya ito pero nakahiga ito papunta sa kabilang direksyon ng sofa. Ilang sandali niya itong pinagmasdan at pagkatapos ay ngumiti. Bahagya niyang inihilig ang kanyang ulo palapit sa ulo ng binata at ipinikit ulit ang kanyang mga mata.

"Ehem," sabi ni Mitch na noon pala'y nakatayo kasama si Carla at pinapanood sila. May tangan silang kape at pandesal. Nagulat si Ate Flo at biglang napabangon, pulang pula ang mukha.

"Umaga na pala, bakit dito ako nakatulog?" pasimpleng sabi nito na iniiwasang tumingin sa dalawang kaibigan na noo'y tahimik na bumubungisngis.

"Good morning sunshine!" natatawang bati rito ni Carla. "Mukhang maganda ang tulog mo kagabi ah?" sabay tawa ng malakas. Tumayo si Ate Flo mula sa sofa at hinila ang dalawa sa hapag-kainan.

Nagising si Alab sa ingay ng magkakaibigan. Nakatulog din pala siya sa kakahintay na mag-umaga. Mabilis na bumangon ito at tinapik ang tulog ding si Kokoy sa kabilang sofa.

Matapos ng agahan ay muling naghanda ang dalawa upang umakyat ng bundok. Maganda ang sikat ng araw nang umagang iyon, pero dahil tag-ulan, madalas magkaroon ng thunderstorms sa hapon at gabi. Simpleng t-shirts, multi-pocket shorts at rubber shoes ang mga suot nila nang lumabas sa bahay. Bitbit pa rin ni Alab ang kanyang walking cane habang dala ni Kokoy ang mapa sa kanyang bulsa. Hindi pa rin daw natatagpuan si Ka Manuel, ayon sa mga taong nakakasalubong nila sa daan.

"Gusto ko munang makita ang minahan tol, bago tayo tumuloy sa talon," hiling ni Alab sa kaibigan. "Madadaanan naman natin 'yon di ba?"

"Oo tol, nasa daan lang yung minahan papunta dun. Mas mataas lang ang kinalalagyan ng waterfall."

Habang naglalakad ay may naalala si Alab sa mga nangyari nang nakaraang gabi. "Tol di ba kasama natin si Sir Bigoy? Ano nangyari sa kanya kagabi?"

"Ah si Sir? Isa siya sa mga bumuhat sa iyo papunta kina Kapitan. Pero nagpaalam kaagad kasi naiwan daw pala niya ang kanyang biyenan sa bahay na natutulog," sagot ni Kokoy.

"Si Don Johnny?" nagtatakang tanong ni Alab. Tumango naman si Kokoy.

"So kaya pala wala ang don sa mansion niya eh na kina Sir Bigoy siya kahapon ng hapon?" tanong muli ni Alab.

"Oo, ayon kay Sir Bigoy, pagkatapos daw mag walking exercise ng kanyang biyenan sa taas ng nayon eh siya namang buhos ng ulan kaya nakituloy muna ito sa kaniya. Si Don Johnny din daw ang nagsabi kay Sir Bigoy na nakita niya si Ka Manuel paakyat sa bundok."

"Anong oras daw nakauwi ng bahay si Don Johnny kagabi?" curious na tanong ni Alab.

"Yun ang di ko alam, pero tuwang-tuwa si Detective Yabang, este si Detective Robles, nung malaman na naroon pala ang Don kina Sir Bigoy the whole time," sagot ni Kokoy.

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon