Chapter 2 : Boy Wonder

126 23 173
                                    

"Ano, anak? Na solve mo na?" nakangiting tanong ng lalake habang nagmamaneho ng kotse. Tumingin ito sa rear view mirror sa binatang nagbabasa ng ilang dokumento sa likod ng sasakyan.

"Hindi pa Chief, masyado pang maaga para mag-conclude," seryosong sagot ng binata na bahagyang nag-angat ng kanyang paningin. "I need more evidence, meron ka pa d'yan?"

"Ano ba kayong mag-ama? Bakasyon ito, hindi trabaho!" saway ng magandang babaeng nasa tabi ng driver.

"Oo nga pala honey, sorry! But I'm proud of you!" natatawa at malambing na sagot ng lalake sabay hawak sa hita ng asawa na pabirong hinampas ng babae. "Aray! Sisihin mo ang anak mo. Parang may sariling mundo o," sabay tango sa direksyon ng binata. "Anak, narinig mo ang Mama mo?" nakangising tanong nito sa binata. "Itigil mo na raw 'yan."

"Ma, sandali lang 'to. Si Chief kasi, ito lang ibinigay sa akin na file. Kung meron pa sanang ibang clues, kaya kong i-solve ito bago tayo makarating sa beach," mayabang na sagot ng binata.

"Sus, yabang nito! Manang mana ka sa ama mo!" pabirong wika ng babae sa kanyang anak na binata.

"Hindi yabang ang ipinamana ko sa anak natin oy! Kagwapuhan lang!" anang lalake na tinatawag na Chief. Napuno ng tawanan ang loob ng sasakyan na noo'y patungo sa isang private beach sa Batangas.

Muling bumalik ang atensyon ng binata sa artikulo na kanyang binabasa.

COUPLE'S MYSTERIOUS DEATH UNSOLVED : SUSPECTED ARSONIST STILL AT LARGE AFTER ALMOST 50 YEARS

Ito ang laman ng headline. Sobrang naintriga ang binata sa kaso ng mag-asawa na nasunog sa loob ng kanilang bahay. May ebidensya ng pagnanakaw ngunit walang nawalang kagamitan. Ayon sa medico-legal, parehong may tama ng baril ang mga sunog na bangkay ng mag-asawa. Nakaligtas naman sa sunog ang kanilang dalawang anak. Nanatiling unsolved ang kaso na nangyari pa nung 1970s.

Bumalik ang binata sa seryosong pagbabasa ng artikulo. Walang ano-ano'y isang gumuguhit na tunog ang kanilang narinig na bumasag sa windshield ng kanilang kotse. Napayuko ang babae at ang kanyang anak bilang awtomatikong reaksyon dito. Ngunit sa pag-angat ng paningin ng babae ay nakita niya ang kanyang asawang wala nang malay at duguan ang dibdib sa driver's seat. Gusto niyang sumigaw, ngunit luha na lang ang lumabas sa kanyang mga mata habang niyayakap ang walang malay na asawa.

Agad namang nawalan ng kontrol ang sasakyan at buong pwersang bumangga sa likuran ng isang malaking trak sa kanilang harapan. Parang latang nayupi ang unahan ng kanilang kotse. Sa lakas ng impact ay tumilapon paharap ang binata at humampas ang katawan sa likod ng upuan ng kanyang mga magulang. Bahagya pa lamang nakakabangon sa kanyang posisyon ang binata nang makita niya mula sa likuran ng kotse ang isa pang trak na mabilis na rumaragasa patungo sa kanilang direksyon.

-----+-----

Napabalikwas mula sa pagkakatulog si Alab, pawis na pawis at naghahabol ng hininga. Disoriented ito at pilit inaaninag ang kanyang kapaligiran. Nasa loob pala siya ng kanyang madilim na kwarto, sa kanyang malambot na kama! 

 Isa na namang masamang panaginip!

Sumandal siya sa headboard, hawak ang kanyang ulong sumasakit dahil sa pagkaantala ng tulog. Matagal din siyang nanatili sa ganung posisyon bago nagpasyang umupo at ibaba ang mga paa sa gilid ng higaan. Kinuha niya ang digital alarm clock sa mesitang nasa tabi ng kanyang kama at binuksan ang side lamp. Alas-9 pa lang pala ng gabi.

Hirap na tumayo ang binata at paika-ikang pumasok sa banyong nasa loob ng kanyang kwarto. Naghilamos siya ng mukha at tiningnan ang kaniyang sarili sa salamin. Mahaba ang kanyang gulu-gulong buhok na umaabot na sa kanyang balikat at mahaba na rin ang kanyang bigote at balbas na pumupuno sa kanyang mukha.

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon