Dahil nahirapan sa bagong bugtong ni Lolo Ben, nagpasya ang grupo na umuwi muna at mag-agahan upang makapag-isip sila ng maayos. Ibinalik ni Kokoy ang hagdan sa loob ng barangay hall at matamlay na lumapit sa grupo.
"Uuwi muna kami Pamby, mukhang mahihirapan kami sa isang ito," paalam ni Kokoy sa Indonesian. "Salamat sa tulong mo."
"Well, ganyan talaga sa treasure hunting, di maiiwasan ang mga dead end," nakangiting wika nito. Pumihit naman ito sa direksyon ni Alab. "Ngunit isang karangalan ang makita kung paano umaksyon ang isang Alab Sangalang," wika ni Pamby sabay abot ng kabilang kamay kay Alab. Inabot naman ito ng binata, kinamayan at tumango dito. Matapos ayusin at likumin ang kanyang mga gamit ay tumakbo na pauwi ang dayuhan.
"Pwede ba akong pumunta sa inyo after breakfast? Gusto ko ring sumama habang nagbi-brainstorm kayo ng sagot sa bugtong," hiling ni Sophia sa grupo.
"Oo naman, ikaw pa! Dun ka na mag-breakfast sa amin!" mabilis na wika ni Kokoy.
"Sige, palit lang ako ng damit saglit," masayang wika ni Sophia.
"Eh malapit lang naman bahay n'yo rito eh, samahan ka na namin," alok ni Kokoy. Tuwang tuwa namang tumango ang dalaga, habang bahagyang kumunot ang noo ni Ate Flo sa kapatid.
Tumuloy ang grupo sa bahay nina Sophia na ilang metro lang ang layo sa plaza. Nakita nilang nagkakape sa terrace ang kapitan pagpasok nila sa malaking bakuran ng bahay. Tahimik ito at mukhang malalim ang iniisip. Nagulat pa ito nang pumasok ang apat sa bakuran. Agad silang pinaupo nito sa terrace at nagpahanda ng agahan sa kanilang helper.
"Hindi na po Kapitan, actually si Sophia po ang inimbitahan naming mag breakfast sa bahay," tanggi ni Kokoy dito. "Sinamahan lang po namin siya para magpalit ng damit."
"Ah ganun ba? Magkape na lang kayo habang hinihintay niyo siya," wika nito.
Umupo ang grupo sa terrace habang patakbong pumasok si Sophia sa bahay.
"Nakakaawa ang pamilya ni Ka Manuel, ang dami niyang naulila," wika ng kapitan ng makaupo ang tatlo. "Hindi ko alam kung bakit sa barangay pa natin nangyari ito. Kung alam ko lang na manganganib ang buhay namin sa pagmimina, hindi na sana ako nag-invest. Pakiramdam ko, ako na ang susunod," malungkot na wika nito.
"Ganyan din po ang sentimyento ni Tatay, Kapitan. Parang kami pa ang nagdala rito ng sumpa," nahihiyang wika ni Kokoy.
"Walang dapat sisihin kundi ang mga sarili rin namin, Kokoy. Lahat kami ay nag-asam ng malaking kayamanan. Naging ganid kami sa ginto. Ito ang napala namin," wika nito na napabuntong hininga.
"Saan po nakatira si Pamby?" biglang tanong ni Alab na ikinagulat ng lahat.
"Sa katabing bahay din ni Don Johnny. Dun siya pansamantalang pinatira ng Don," sagot ng kapitan.
"Nasaan po siya nung hapong mawala si Ka Manuel?"
"Wala siya sa bahay nung pumunta kami kina Don Johnny. Mahilig kasi sa nature iyang si Pamby. Laging nagha-hunting sa gubat. Pero nakasalubong namin siya sa bundok nung hapon, kasama ng iba pang mga taga-nayon na naghahanap sa matanda," sagot nito.
Makahulugang tinapunan ng tingin ng magkapatid si Alab. Si Alab naman ay mataimtim na nag-iisip. "Isa ba siyang suspek, Detective?" tanong ng kapitan.
"Halimaw pa rin po ang suspek, Kapitan. Lumalabas ang halimaw basta malaking kayamanan ang nakataya," matalinhagang wika ni Alab.
Napatango ang kapitan sa sinabi ni Alab. "Tama ka Detective, alam kong kahit ako ay pwede ring paghinalaan pagkat kasama ako sa inner circle at may makakaparte ako sa kayamanan kung sakali. Lahat kami ay pwedeng maging suspek," malungkot na wika nito.
BINABASA MO ANG
Sa Kuko ng Karimlan
Mystery / Thriller"Three mysterious deaths, five clues to a buried treasure, a monster lurking in the shadows. The adventure of a lifetime." A young, but disillusioned former detective must protect his adoptive family, while trying to decode the mystery involving a...