Parehong bumagsak sa lupa si Mang Julio at ang di-kilalang taong sumugod sa kanya. Nagpambuno ang dalawa sa lupa habang nagpupumilit kumawala ang matanda sa mahigpit na pagkayapos ng estranghero. Nakayakap ito sa likod niya habang nakapulupot ang bisig nito sa kanyang leeg at katawan. Samantalang ang magkabilang binti nito ay nakaikot sa mga binti ni Mang Julio upang hindi ito makatayo.
"Bitiwan mo ako! Pakawalan mo ako!" nagmamakaawang sigaw ng matanda na bumasag sa katahimikan ng gubat. "Tulungan niyo ako!"
Narinig ng lahat ang palahaw na sigaw ng matanda at sinundan nila ang mga hiyaw nito sa gubat. Mabilis na tumakbo si Kokoy sa direksyon na pinanggalingan ng sigaw ng ama at nagulat nang makita si Alab na nauna na sa kanya sa lugar na iyon. Nakatayo si Alab at minamasdan ang dalawang katawang nagpapambuno sa lupa. Noo'y lumabas din ang kapitan mula sa kakahuyan kasunod si Det. Robles. Nagdatingan din ang iba pang tanod at lalakeng kasama sa paghahanap. Dumating din sa lugar ang pawis na pawis at habol ang hiningang si Sir Bigoy. Lahat ay napalibot sa eksenang kanilang naabutan.
Naglabas ng baril si Det. Robles at tinutukan ang taong nakayakap sa matanda. "Bitiwan mo siya o papasabugin ko ang bungo mo!" banta nito. Pinilit itinayo ng misteryosong tao si Mang Julio habang yakap yakap pa rin ito mula sa likuran.
"Pamby?" nagtatakang wika ni Kokoy nang makilala kung sino ang taong dumaluhong sa kanyang ama.
"Teka, wag kayong magpapaputok, magpapaliwanag ako!" sigaw nito na iwinawagayway ang kamay habang yakap pa rin ng kabilang bisig ang katawan ni Mang Julio.
"Sinasabi ko na nga ba! Ikaw ang kasabwat ni Don Johnny! Ikaw ang inuutusan niyang pumatay di ba?" wika ni Det. Robles na mas lalong pinagbuti ang pag-asinta ng baril kay Pamby na ginagawang pananggalang ang katawan ni Mang Julio.
"Paano mo nagawa ito Pamby?" sigaw ni Kokoy na punong puno ng galit sa dayuhan.
"Pinagkatiwalaan ka namin, tinanggap sa aming barangay, tapos ganito ang isusukli mo sa amin?" galit na sigaw ng kapitan na sinenyasan ang kanyang mga tanod na palibutan si Pamby at si Mang Julio.
"Nagkakamali kayo, hayaan niyo akong magpaliwanag," sagot na sigaw ni Pamby. "Ibaba mo ang baril mo!"
"Kay Satanas ka na magpaliwanag, pagkatapos kong pasabugin ang ulo mo," nakatawang banta ni Det. Robles na akmang papaputukin ang hawak na armas.
Ngunit bago nito makalabit ang gatilyo ng baril, isang hampas ng walking cane ang pinakawalan ni Alab sa kamay ng detektib na nagpatalsik ng baril mula sa pagkakahawak nito. Laking gulat ng mga naroon sa ginawa ni Alab, lalo na ni Det. Robles na napako sa kanyang posisyon. Pinulot ni Alab ang baril at humarap sa mga tao sa paligid.
"Tol? Anong ginagawa mo?" tanong ni Kokoy na naguguluhan sa nangyayari. Hawak naman ni Det. Robles ang kamay nito na nasaktan sa hampas ng yantok galing kay Alab.
"Hindi siya kaaway. Kakampi siya," kalmadong sagot ni Alab sa mga ito na ikinagulat ng lahat ng naroon.
Pagkarinig nito'y agad namang inalis ni Pamby ang mga bisig na nakapulupot kay Mang Julio habang hawak pa rin ang kuwelyo nito upang hindi ito makatakbo. Wala pa rin ito sa katinuan kaya ayaw niya itong pakawalan.
"Miyembro siya ng Orba ng Indonesia. Isang sangay ng gobyerno nila na may goal na ibalik ang mga ninakaw na yaman sa isla ng Java. Utos sa kanilang hanapin ang mga kayamanang nawala sa kanilang bansa," paliwanag ni Alab. "Ninakaw ng mga Hapon ang karamihan ng ginto sa Java, Indonesia at ibinaon sa iba't ibang lugar dito sa Pilipinas. Narito siya upang tumupad ng kanyang tungkulin," dagdag pa ni Alab.
Gulong gulo pa rin ang lahat sa impormasyong isiniwalat ni Alab. Hangang hanga naman si Pamby sa binata sa pagkatuklas nito sa kanyang tunay na identity. "Paano mo ako nakilala, Det. Sangalang?" tanong nito kay Alab.
BINABASA MO ANG
Sa Kuko ng Karimlan
Mystery / Thriller"Three mysterious deaths, five clues to a buried treasure, a monster lurking in the shadows. The adventure of a lifetime." A young, but disillusioned former detective must protect his adoptive family, while trying to decode the mystery involving a...