Chapter 1 : Gabi ng Lagim

109 23 120
                                    

NOVEMBER, PRESENT DAY BC (BEFORE COVID)

"Magnanakaw! Ibalik mo sa akin ang ninakaw mo!"

Napalingon sa kanyang likuran ang matandang lalake at napatigil sa kanyang paglalakad upang tingnan ang direksyon ng pinagmulan ng tinig. Walang tao. Nagtaka siya dahil malinaw na malinaw ang boses na narinig niya.

"Magnanakaw!"

Mula sa harapan naman nagmula ang tinig kaya napalingon siyang muli sa direksyon nito.

"Ibalik mo ang ninakaw mo!" garalgal na wika ng boses.

Napatingin siya sa taas pagka't doon naman nagmula ang nakakatakot na tinig.

"Sino ka? Anong kailangan mo sa akin?" nanginginig na tanong ng matanda sa mahiwagang tinig na hindi niya nakikita. Tumahimik siya at lumingon sa bawat direksyon, naghihintay ng sagot mula sa misteryosong boses.

Walang sumagot sa kanyang tanong kaya nagpatuloy siya sa mabilis na paglakad. Malapit na ang takip-silim at wala nang katao-tao sa mga kalsada ng kanilang barangay pagka't ayon sa forecast ng PAGASA, sa loob ng isang oras at kalahati ay nakatakdang dumaan malapit sa kanilang lugar ang Bagyong Ramon. Mas malakas daw sa pangkaraniwang bagyo ito kaya inabisuhan ang lahat na maghanda at lumagi sa kanilang mga tahanan. Kung hindi rin lang tumaas ang kanyang dugo at kailangang magpatingin ng blood pressure, hinding-hindi rin naman siya lalabas sa lagay ng panahong ito, sabi nito sa sarili.

Nagsisimula nang lumakas ang hangin na makikita sa paggalaw ng mga sanga at dahon ng mga puno maging sa pagkilos ng mga poste ng kuryente at ilaw sa daan. Ilang malalaking patak na rin ng ulan ang naramdaman niyang bumagsak sa kanyang ulo at katawan kaya mas binilisan pa niya ang kanyang paglakad.

"Magnanakaw! Ibalik mo ang kinuha mo, kundi mamamatay ka!" muling babala ng tinig.

Napaluhod sa kalsada ang matanda, pakiramdam niya'y umiikot ang kanyang paningin at dumidilim ang kanyang paligid. Biglang namatay ang ilaw ng mga poste, tanda ng pagkaputol ng kuryente dahil sa malakas na hangin.

"Sino ka? Wala akong kinukuha! Magpakita ka sa akin!" ang nagsusumamong wika ng matanda.

Tumindig ang kanyang mga balahibo pagka't nagsimula siyang makaramdam ng mga maliliit na insektong gumagapang sa kanyang balat. Napatayo ito bigla at buong suklam na pinagpag ng kamay ang kanyang buong katawan.

"Magnanakaw! Ibalik mo ang kinuha mo!"

"Sino ka? Nasaan ka?" umiiyak na tanong ng matanda.

"Ibalik mo sa akin....ang mapa!" mabagal ngunit mabalasik na sagot ng misteryosong tinig.

"Hindi ko dala ang mapa! Nasaan ka?" sagot ng matanda.

"Ibalik mo!" ang pasigaw na utos ng tinig.

"Wala akong kinukuha! Nasaan ka? Mag-usap tayo, pupuntahan kita! Harapin mo ako!" hamon ng matanda.

Sa halip na sa daang pauwi sa kaniyang bahay, nag-iba ng direksyon ang lalake at binagtas ang daang patungo sa gubat paakyat ng bundok habang patuloy na ipinapagpag ng kanyang mga kamay ang mga insekto na gumagapang sa kanyang katawan. Bigla namang bumuhos ang malakas na ulan at umihip ang malakas na hangin na marahas na nagpasayaw sa malalaking puno sa gubat.

Kahit matarik at madulas ang daan, ito'y hindi alintana ng matanda kahit ilang beses siyang nadulas at nabuwal sa paglalakad. Nagpatuloy ito paakyat sa sementadong daan patungo sa gubat habang animo'y kinakausap ang kanyang sarili kahit hindi na niya makita ang kanyang daraanan dahil sa lakas ng ulan at hangin na humahampas sa kanya.

Wala na sa sapat na katinuan ang lalake nang maabot nito ang hangganan ng sementadong daan. Masukal at hindi sementadong landas na ang kasunod nito papunta sa kabilang barangay. Napatigil ang matanda na noo'y tigmak na sa tubig-ulan at pinipilit huwag mabuwal sa sobrang lakas ng hangin.

"Nasaan ka? Magpakita ka sa akin!" sigaw nito sa kawalan.

Walang anu-ano'y ilang magkakasabay na saksak ang tumagos sa kanyang likod. Bumaon ang mga ito sa kanyang laman na parang mga kuko ng isang makapangyarihang hayop. Isang makapanindig-balahibong sigaw ang pinakawalan ng lalake habang sumisirit ang dugo sa kanyang bibig at ilong. Paharap siyang bumagsak sa damuhan, namimilipit sa sakit na kanyang dinaranas. Muli niyang naramdaman ang mas malalim na pag-baon ng mga kuko sa kanyang kalamnan. Bago siya mawalan ng malay ay nakita niyang kumilos mula sa kanyang likuran ang isang mahiwagang anyo.

 Bago siya mawalan ng malay ay nakita niyang kumilos mula sa kanyang likuran ang isang mahiwagang anyo

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

-----+-----

Muling nagbalik ang kamalayan ng matanda dahil sa hangin at tubig na humahampas sa kanyang mukha. Unti-unti niyang ibinukas ang kanyang mga mata nguni't wala na siyang makita sa dilim ng kanyang paligid. Naramdaman niyang lumulutang siya sa hangin, pataas ng pataas dala ng mga kukong nakatarak pa rin sa kanyang likuran. Nag-iibayo pa ang sakit ng mga saksak sa kanyang likod dahil sa indayog ng malakas na hangin na pumupunit sa bawat hibla ng kanyang kalamnan. Patuloy pa rin ang pataas niyang paglipad.

Pataas ng pataas.

Walang ano-ano'y naramdaman niyang bumitiw ang mga kuko sa kanyang likod at hinayaan siyang mahulog. Mabilis ang kanyang pagbulusok tungo sa tiyak na kamatayan. Nguni't bago pa man lumagpak ang kanyang katawan sa lupa, pinanawan na ng ulirat ang kaawa-awang matanda.


(Please click VOTE if you enjoyed reading the chapter. Thanks! :))

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon