Chapter 12 : Palaisipan

26 10 21
                                    

"Kailangan nating bumalik sa talon at suyurin ang kweba para sa susi," wika ni Kokoy.  Saglit namang nag-isip si Alab.

"Pwede nating balikan bukas ang waterfall. Pero ang mahalaga ay ma-solve natin ang puzzle ni Lolo Ben ngayon. May susi o wala, alam kong marami tayong matutuklasan on the way kung madedecode natin ang clue ni Lolo Ben," wika ni Alab.

"So paano nga natin iso-solve ang mga letrang iyan?" tanong ni Ate Flo. Tiningnan muli nito ang nakalatag na diary at ang serye ng numero at mga letrang nakasulat dito.

"Pwedeng paki-sulat uli sa mas malaking papel?" pakiusap ni Alab kay Ate Flo. Agad namang pumasok si Ate Flo sa silid at kumuha ng mga cartolina sa kanyang kwarto. Bumalik ito dala ang mga cartolina at isinulat ang code habang ang lahat ay naghihintay sa sasabihin ni Alab.

1 NBMBNCPU OB QBSBOH VMBQ. LBTBNB LP TB QBOHBOHBSBQ. MBCJOTJZBN BU JTB OH MVNVMVIBOH QSPQFUB

Nangiti at nailing si Alab habang isinusulat ng dalaga ang mga letra sa cartolina. Napakatalino at lubhang mapaglaro talaga ni Lolo Ben, nasa isip niya. Nagtataka naman ang lahat sa ekspresyon na nakikita nila sa mukha ng binata.

"Bakit nangingiti ka 'tol?" tanong ni Kokoy.

"Wala naman.  Naisip ko lang na kahit wala na siya, tinutulungan pa rin tayo ni Tatay Cesar," makahulugang sagot ni Alab. Lalong naguluhan ang mga naroon sa sinabi ni Alab. "Ate Flo, paki-sulat din ang English alphabet," pakiusap ni Alab matapos isulat ng dalaga ang clue.

Sinunod naman ito ni Ate Flo. Matapos maisulat ay inilatag nila ang cartolina sa mesa.

"Ang tawag sa code na ito ay shift cipher," paliwanag ni Alab. "Ang numero sa unahan ang magsasabi kung ilang pwesto pakaliwa ang gagawin nating shift. Number 1 ang unang digit ng code, kaya Ate Flo, magsulat ka ng isa pang set ng alphabet sa ilalim ng alphabet na isinulat mo, pero sa halip na 'A' ang simula, magsisimula tayo sa 'B' dahil nag shift tayo ng ISANG letter," paliwanag ng binata. Agad namang isinulat ni Ate Flo ang second set ng alphabet sa ilalim ng regular alphabet.  Ngunit sa halip na magsimula sa 'A' ay nagsimula ito sa 'B' ayon sa instruksyon ni Alab.  Ito ang kinalabasan ng shift:

Normal Alphabet :    ABCDEFGHIJKLMNOPQRSTUVWXYZ

Cipher (Shift 1)    :      BCDEFGHIJKLMNOPQRSTUVWXYZA

"Ngayon, gamit ang shift cipher, pwede na nating i-decode ang clue ni Lolo Ben," nakangiting wika ni Alab. Napahanga ang lahat sa galing na ipinamalas ng binata. Lahat ay masayang nakisali sa pagdedecode ng clue:

NBMBNCPU – MALAMBOT

Unang salita pa lamang ang kanilang naisasalin ay sobrang tuwa na ang naramdaman ng grupo. Isa-isa nilang isinalang sa cipher ang iba pang mga letra. Nang ang buong mensahe ay kanilang maisulat, ito ang kinalabasan:

"MALAMBOT NA PARANG ULAP. KASAMA KO SA PANGANGARAP.

LABINSIYAM AT ISA NG LUMULUHANG PROPETA"

"Bugtong yan!" sabay na wika ng magkapatid na Ate Flo at Kokoy.

"Tama si Lolo Ben, ang mga bugtong nga ang kayamanan ng ating lahi," nangingiting wika ni Alab na nagpangiti rin sa pamilya ni Mang Julio.

"Unan ang sagot sa unang line," sabat naman ni Sophia na sobrang naging interesado sa code breaking na ginagawa nila.

"Tama! Tama si Sophia," sagot ni Kokoy na may matamis na ngiti para sa dalaga. "Pero ano yung second line?" tanong nito. "Lumuluhang propeta?" Ano yun?"

Nangiti lang si Alab sa tanong ni Kokoy habang lahat ay masusing nag-iisip.  Waring alam niya ang sagot ngunit naghihintay lang na ang grupo mismo ang makatuklas nito.

"Ah alam ko na!" sigaw ni Ate Flo. "Si prophet Jeremiah ang ibig niyang sabihin! Si Jeremiah ay tinatawag na 'The Weeping Prophet' dahil lagi siyang umiiyak! Labinsiyam at isa, meaning Jeremiah 19:1! Boom!" excited na wika nito sabay batok sa kapatid. "Di ka kasi nakikinig sa Sunday School."

"Tama si Ate Flo, sa kanya din ascribed ang Book of Lamentations," wika ni Alab.

"Kung buhay lang ang Lolo Ben niyo, magiging proud yun sa inyo," naluluhang wika ni Mang Julio sa kanyang mga anak at kay Alab.

"Eto pa, alam niyo ba kung sino ang unang gumamit ng code na yan?" tanong ni Alab sa grupo.

"Sino tol?" tanong ni Kokoy.

"Si Julius Caesar! Actually, ang tawag diyan ay Caesar cipher. Kaya nga magpasalamat tayo kay Tatay Cesar," natatawang wika ni Alab. Nagtawanan ang lahat sa kanilang nalaman at lalong lumaki ang paghanga ng mga ito sa binata. "Ngayon, kelangan nating malaman kung anong unan ang tinutukoy niya at sa anong bible?" dagdag nito.

"Eh ano pa nga ba, kundi yung mga libro ni Tatay na ginawang unan!" sagot ni Aling Susana. "May bible dun eh."

Agad na tumayo ang excited na si Kokoy at kinuha sa kwarto ni Lolo Ben ang mga nakabigkis na libro nito na ginagawa nitong unan nung nabubuhay pa ito. Maalikabok na ang mga ito kaya ipinagpag muna ito ng binata. Mayroon itong ilang mga aklat ng history, science at kaputol na bible. Binuksan ito ng binata sa Jeremiah 19:1 at binasa ang sinasabi sa talata:

"Ganito ang sabi ng Panginoon, ikaw ay yumaon, at bumili ka ng isang sisidlang lupa ng magpapalyok, at magsama ka ng mga matanda sa bayan, at ng mga matanda sa mga saserdote," malakas na pagbasa ni Kokoy. "May underline ang salitang 'SISIDLANG LUPA' oh," wika nito habang itinuturo ang talata sa lahat ng naroon.

"Gumagawa si Tatay ng mga palayok na yari sa lupa," sagot ni Mang Julio. "Pero lahat ng mga palayok eh ibinaon na namin sa likod bahay nung mamatay siya. Huhukayin pa ba natin? Magdadalawang taon na silang nakabaon."

"Yun lang, baka naging lupa na rin ang mga iyon," malungkot na wika ni Kokoy. Tahimik namang nag-isip si Alab.

"Actually, hindi naman 'palayok' ang ibig sabihin ng salitang yan sa ibang version ng bible eh. Di ba Tatay, meron tayo ditong tapayan? Yung banga? Di ba iniigiban pa namin ng tubig yon ni Kokoy?" tanong ni Alab. "Si Lolo Ben din ang gumawa noon, di ba po?"

"Oo, nasa likod bahay yun, sa dirty kitchen!" sagot ni Mang Julio. Tuwang tuwa ang dalawang binata sa sagot ni Mang Julio kaya tumakbo ang mga ito pababa sa dirty kitchen. Maya-maya pa ay magkatuwang na nilang dala ang tapayan. Malaki ito, mabigat at tinutubuan na ng konting lumot sa paligid. Masusing sinuri ng grupo ang paligid ng katawan ng banga. Nalungkot ang lahat ng wala silang makitang letra o mensaheng nakaukit sa katawan nito. Natahimik ang lahat, kahit si Alab na noo'y malalim ang iniisip. Ngunit bago pa muling may makapagsalita sa kanila ay isang sigaw mula sa ibaba ng bahay ang kanilang narinig.

"NAKITA NA RAW SI KA MANUEL! NAKITA NA ANG KANYANG BANGKAY!" 



(Please click VOTE if you enjoyed reading the chapter. Thanks! :))

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon