Chapter 3: Isla ng Hiwaga

112 19 124
                                    

 "Sigurado bang kaya mo nang lumakad na mag-isa, Ali?"

Hindi sumagot ang binata na noo'y nakatingin lamang sa labas ng bintana ng sasakyan. Halatang may malalim na iniisip si Alab kaya hindi naintindihan ang tanong ng unipormadong lalaki na nagmamaneho sa kanyang tabi. Nangiti lang ang lalake dahil alam nito ang pinagdaraanan ng binata.

"Sorry Ninong. Ano po ulit yung tanong n'yo?" sa wakas ay sagot nito pagkatapos ng mahabang sandali. Nilingon niya ang lalaking nasa tabi niya.

"Tinanong ko lang anak kung kaya mo nang lumakad ng mag-isa. Walang mga sasakyan sa pupuntahan mo, baka mahirapan kang maglakad-lakad dun," tanong nito na may himig pag-aalala.

"Hindi po Ninong. Kaya ko na pong maglakad nang mag-isa, kahit paakyat pa sa bundok," sagot ng binata, pilit ang ngiti nito sabay tingin sa walking cane na hawak niya.

Ang ninong ni Alab ay isa ring police colonel na si Senior Superintendent Joaquin de Leon ng Manila PNP. Siya ang dating partner at bestfriend ng kanyang ama nung nagsisimula pa lang ito sa pagka-pulis. Siya rin ang tumatayong guardian ni Alab ngayong wala na ang kanyang kumpare. Nakatanggap siya kagabi ng tawag sa binata na nakikiusap na ihatid sya sa Cardona Fish Port dahil uuwi raw ito ng isla. Agad naman niyang sinundo ang binata kaninang umaga sa mansion nito sa Antipolo dahil hindi pa nga ito pwedeng mag long drive. Ayaw na rin kasi ni Alab na istorbohin ang kanyang abuelo at ang mga tao sa bahay sa kanyang personal na lakad. Tinext na lang niya ang kanyang lolo pag-alis niya ng mansion upang hindi ito mag-alala.

"Alam mo anak, nami-miss ka na raw ng Rizal PD. Kelangan nila ang talento mo dun," medyo alangan na wika ng matanda kay Alab. Kinakalkula niya kung ano ang magiging reaksyon nito dahil sariwa pa ang trauma ng mga nangyari sa binata.

Asiwang gumalaw sa upuan si Alab. "Magagaling ang kapulisan natin sa Rizal, Ninong.  Hindi nila kailangan ang mga taong may lamat na, tulad ko," malungkot na sagot nito. "Saka nalimutan ko na rin lahat ng napag-aralan ko sa academy, mahaba ang tatlong taon."

Napabuntong hininga ang colonel. "Naiintindihan kita Ali. Pero lagi mong tatandaan, may lugar ka sa force. Welcome kang bumalik any time," anito sabay patong ng kamay sa balikat ng binata. "Sige, magpahinga ka muna, malayo pa ang pupuntahan mo."

"Salamat Ninong," anito sabay sandal sa upuan ng sasakyan at pumikit, pilit binalikan ang mga pangyayari sa kanilang pag-uusap ni Kokoy nang nakaraang gabi.

-----+-----

"Ting-guwa? Seryoso ka?" tanong nya kagabi kay Kokoy sa sobrang pagkabigla.

"Saka ko na ipapaliwanag 'tol. Brownout dito dahil bumagyo. Malolobat na ko. OK lang kung hindi ka makakapunta, I understand," malungkot na wika nito. Dama ni Alab ang pighati sa tinig ng kaibigan sa kabila ng malabo at static na linya. "Pero mas mapapanatag ang loob ko kung pupunta ka..." biglang naputol ang tawag.

Sobrang ikinabigla ni Alab ang balita. Ang kanyang Tatay Cesar, pinatay ng ting-guwa?!?

"Punta ako dyan bukas 'tol," text nya dito. Walang sumagot sa text. Sinubukan niyang tawagan ang numero pero 'cannot be reached' na ito.

Matagal siyang hindi nakagalaw sa kanyang pagkakaupo sa kama. 

Ting-guwa? 

Sa pagkakatanda niya ay isa itong uri ng aswang na may pakpak ayon sa mga kathang isip na kwento ni Lolo Ben. Yun lang ang alam niya rito. Sinubukan niyang i-search sa internet ang ting-guwa ngunit wala siyang makitang article o impormasyon man lamang tungkol sa nilalang na ito. Mukhang ang ting-guwa ay unique lamang sa mythology ng Lambac.

Bumalik ang isip niya sa kanyang Tatay Cesar. Wala na ang kanyang Tatay Cesar. Nagdalamhati ang binata ngunit walang luhang lumabas sa kanyang mga mata. Nasaid na siguro sa sunod-sunod na dagok na dumating sa kanyang buhay.

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon