Halos gumapang papasok sa loob ng bahay si Sir Bigoy sa takot habang itinuturo ang matataas na punongkahoy sa gubat. Agad namang tinakbo ni Alab ang punong itinuturo ng guro. Isa itong malaking puno ng narra na malalaki ang ugat at may labinlimang talampakan ang layo sa bahay. Kasunod naman niyang tumakbo si Kokoy na naudlot ang pagtawag ng kalikasan. May nakita silang ilang balahibo ng mga ibon na nakakalat sa lupa sa paligid ng mga ugat nito. Isa-isang pinulot ni Alab ang mga ito at sinuri. Mukhang iba-ibang klase ng ibon ang pinagmulan ng mga ito at hindi galing sa iisang klaseng ibon lamang. May mahahaba ngunit may maliliit ding klase ng balahibo. Ano ang ibig sabihin nito? Inikot ni Alab ang kabilugan ng katawan ng puno at tumingin din sa itaas sa mga sanga nito. Matapos nito ay sinuri niya ang lupa sa paligid ng puno.
Matagal na naka-squat ang binata at tila malalim ang iniisip habang pinipino ng kanyang kamay ang ilang pitak ng lupa. Si Kokoy naman ay nakatayo sa tabi ni Alab, kinakabahan sa takot sa ting-guwa. Takot itong gumawa ng anumang ingay dahil baka bigla siyang dagitin ng halimaw.
Biglang tumayo si Alab at iniikot ang paningin sa likod bahay, pagkatapos ay ibinalik muli ang atensyon sa gubat. Matapos makapag-sip ay tiim-bagang na lumapit si Alab sa bahay ni Sir Bigoy. "Sir Bigoy, OK lamang ba kayo?" tanong nito sa guro.
Nasa pintuan ang guro, putlang putla at nanginginig sa takot. "Nakita niyo ang mga balahibo? Nakita niyo?" nangangatal na wika nito.
Itinaas ni Alab ang mga balahibong hawak niya at ipinakita sa guro. Napaatras sa takot ang guro at napaiyak. "Ako na ang susunod? Bakit ako? Bakit ako?" tanong nito, bakas ang hilakbot sa buo nitong pagkatao.
Agad nitong isinarado ang pinto ng kanyang bahay at kinausap ang dalawa mula sa likod nito. "Pasensya na kayo, Kokoy, Alab! Ayokong madamay dito! Sa iba na kayo humingi ng tulong! Mahal ko ang buhay ko!" umiiyak na wika ng matandang guro.
"Sir Bigoy..." pakiusap ni Kokoy dito.
"Hindi ako kasangkot dito, tumutulong lang ako! Pakiusap, lumayo muna kayo sa akin, ayokong madamay!" sigaw nito sa likod ng pinto. Pinigil ni Alab ang kaibigan na noo'y balak pang makiusap sa guro at hinila na ito paalis doon. Tahimik pa rin si Alab at malalim ang iniisip.
"Hayaan na muna natin siya," wika ni Alab. Mula sa likod ay dumaan sila sa tagiliran ng bahay upang makalabas ng gate sa harapan. Dinig nila ang pag-iyak ng matanda sa loob. "Sinabi ko na sa 'yo na nakakaparalyze ang takot di ba?" dagdag pa nito sa kaibigan. "Lalo na kung ang dapat katakutan ay malapit lang sa atin," matalinhagang wika pa nito.
Napakunot ang noo ni Kokoy sa sinabi ni Alab paglabas nila sa gate ng bahay. Tahimik silang naglalakad sa daan at pinoproseso sa kanilang isip ang mga nangyari, nang tumunog ang cellphone ni Kokoy. Si Sophia, tumatawag.
"Kuya Kokoy nasaan na kayo? Kanina ko pa kayo tinatawagan pero ang hirap makakonek dito sa atin."
"Papunta na kami sa health center. Alam na namin kung nasaan ang susunod na clue," masayang wika ni Kokoy nang marinig ang boses ng dalaga.
"Dalawa lang kayo?" tanong ng dalaga.
"Oo, kami lang. May nangyari kasi..."
"Sige pupunta ako..." biglang naputol ang linya ni Sophia.
"Si Sophia. Mukhang tapos na siya sa ginagawa niya, gusto uling sumama sa atin," wika ni Kokoy sa kaibigan habang itinatago sa bulsa ang phone.
"Masigasig siya, at willing matuto huh?" sagot ni Alab.
"Kaya nga eh, maganda pa," nakangiting wika ni Kokoy.
Ilang minuto pa'y narating na nila ang health center kung saan naroon ang bantayog ng Inang Bayan na nakatayo sa kanyang pedestal sa gitna ng bakuran ng center.
BINABASA MO ANG
Sa Kuko ng Karimlan
Gizem / Gerilim"Three mysterious deaths, five clues to a buried treasure, a monster lurking in the shadows. The adventure of a lifetime." A young, but disillusioned former detective must protect his adoptive family, while trying to decode the mystery involving a...