Chapter 8 : Sa Kadiliman ng Gabi

35 12 25
                                    

Bagaman magaala-singko pa lang ng hapon ay madilim na ang kapaligiran dahil sa malakas na buhos ng ulan. Ayon sa mga tao sa labas, ilang lalake na raw ang sumuyod sa buong nayon ngunit bigong makita ang matanda. Ang iba raw ay umakyat na ng bundok upang doon hanapin si Ka Manuel.

Sinidlan ng takot ang mga babae sa loob ng bahay ng mga Maralit. Agad na pumasok si Aling Susana sa kwarto nila upang i-check ang natutulog na asawa. Payapa at mahimbing ito sa pagkakatulog. Walang malay sa lahat ng nangyayari sa labas. Pinaandar naman ng mga helper sa bahay ang generator upang magliwanag na ang buong bahay para sa lamay ni Mang Cesar.

"Tol, pahiram ng flashlight. Pahiram na rin ng kapote, tutulong ako sa paghahanap," sabi ni Alab habang pinupulot ang kanyang walking cane. Nagulat ang mga babae sa loob ng bahay sa hiling ng binata.

"Hindi pwedeng ikaw lang 'tol, pati ako tutulong," sabi ni Kokoy na tumakbo sa likod bahay upang kumuha ng mga gamit.

"Mag-iingat kayo Ali," sabi ni Aling Susana na nag-aalala.

"Opo Nay. Pakibantayan din po ang Tatay Julio. Wag n'yong hahayaang mawala siya sa paningin ninyo anuman ang mangyari," pakiusap ni Alab sa nanay-nanayan sabay hawak sa balikat nito.

Nag-aalala ring napatingin si Ate Flo sa binata. Tumango lang si Alab sa direksyon nito. Bumalik si Kokoy galing sa likod bahay na may dalang mga kapote, bota at flashlights.

"Saan tayo magsisimulang maghanap?" tanong ni Kokoy.

"Puntahan muna natin ang bahay ni Ka Manuel, doon tayo magtanung-tanong," sagot ni Alab.

Sa gitna ng malalakas na kidlat, kulog at ulan, lumabas ang dalawang binata dala ang kanilang mga flashlights papunta sa bahay ng mga Fabela na nasa gitnang nayon.

Malaki, ngunit simple ang bahay nina Ka Manuel sa gitna ng nayon. Maliwanag na rin ito dahil solar-powered ang bahay na ginagamit nila pag brownout. Nakita nila ang asawa ni Ka Manuel na si Ka Upeng sa gitna ng sala, umiiyak at nag-aalala habang napapalibutan ng mga kamag-anak.

"Ka Upeng, tumutulong po kami sa paghahanap sa asawa niyo," bungad ni Kokoy sa matandang babae na napaangat ang mukha at napatingin sa kanilang dalawa pagpasok nila ng bahay.

"Salamat, salamat mga anak," anito na umiiyak pa rin.

"Saan niyo po huling nakita ang asawa niyo?" tanong ni Kokoy.

"Nasa terrace lang naman yun lagi, diyan sa tumba-tumba," simula ni Ka Upeng. "Bumili lang ang anak ko ng miryenda diyan kina Juvy habang ako ay nasa likod bahay at nagdidilig ng halaman. Pagbalik niya, wala na si Manuel," humihikbing wika nito. "Umuulan na kasi kaya akala ng anak ko ay hindi lalabas ang tatay niya," sabay tingin sa anak nito na may pag-aalala.

"Pagkatapos siyang atakihin ng kumbulsyon, parang lagi na siyang tulala at nanghihina, pero maayos naman ang kanyang pag-iisip. Nakakausap naman namin siya ng matino, pero minsan ay kinakausap niya ang kanyang sarili," sabi ni Aling Edna, anak ni Ka Manuel. "Nagpaalam lang ako sa kanya na lalabas, pero pagbalik ko, wala na siya sa tumba-tumba," sabay turo sa rocking chair na yari sa rattan sa gitna ng terrace.

"Wala po bang nakakita sa kanya sa daan?" tanong ni Alab.

"Wala nung una, umuulan na kasi kaya nasa loob ng bahay ang mga tao. Kaya dito lang sa nayon namin hinanap ang Tatay. Pero may nakapagsabi na nakita raw niya ang Tatay malapit sa daan paakyat sa bundok, walang payong o proteksyon man lang at nagsasalita raw mag-isa."

Nagkatinginan ang magkaibigan.

"May nakapagsabi rin sa amin na nakita raw niya si Don Johnny na tinutulak si Ka Manuel sa dibdib sa kantong malapit din doon. Nakapayong ang Don habang basang basa raw si Tatay," dagdag pa ni Aling Edna na ikinagulat ni Kokoy.

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon