Chapter 27 : Balon ng Mga Luha

22 8 5
                                    

"Kapitan, hawak na namin ang suspek, pababa na kami ngayon sa nayon," wika ni Det. Robles sa cellphone. Nakinig ito ng sagot galing sa kabilang linya bago muling nagsalita. "Pasensya na kayo, hindi namin kayo inalerto. Mabilis ang mga pangyayari. Huli na rin kaming nasabihan tungkol sa kanyang plano," dagdag pa nito na napabuntong hininga. "Sa kasamaang palad, hindi na namin siya nailigtas. Pwede bang magpadala kayo ng mga tanod dito sa minahan upang ma-recover ang bangkay pagtigil ng apoy?"

Ilang sandali pang nag-usap ang detektib at ang kapitan sa linya bago muling minasdan ni Det. Robles ang makapal na usok na nanggagaling sa bunganga ng balon. Matapos ibangon ang nakagapos na si Sir Bigoy ay malungkot ding napatingin sa hukay si Pamby. Nangiti naman ang nakaposas na si Sir Bigoy habang pinagmamasdan ang malungkot na mukha ng dalawang alagad ng batas.

"Ano ang kaso ko Detective?" tanong nito kay Det. Robles, puno pa rin ng alikabok ang katawan at mukha nito matapos padapain ni Pamby sa lupa.

"Magtatanong ka pa? Malinaw na homicide ito, sa pagpatay kay Alab Sangalang!" pagalit na wika ng detektib kay Sir Bigoy.

"Yan ka na naman sa mga akusasyon mo Det. Robles! Nagbibintang ka na naman ng walang basehan!" wika nito sabay tawa ng malakas.

Isang suntok sa mukha ang natanggap nito mula sa detektib na inawat naman ni Pamby. "Awat na detektib, may punto siya. Kailangan nating patunayan na sinadya niyang patayin sa sunog si Alab."

Isang nakakalokong ngiti ang iginanti ng guro matapos nitong dumura ng dugo dahil sa suntok na natanggap mula kay Det. Robles. "Wala kayong ebidensya!" wika nito.

"Sa barangay ka na magpaliwanag! Tara na Pamby, inihanda na raw ni Kapitan ang barangay para sa imbestigasyon. Magpapadala rin daw siya ng mga tao para sa recovery efforts," wika ng detektib. Buong paghangang pinulot ni Pamby ang kumikinang na ginto na nasa loob ng damit na ginawang bigkis ng guro.  Maging si Det. Robles ay napanganga sa mga ito. Matapos itabi ang mga ginto ay hinawakan nila sa magkabilang tabi si Sir Bigoy at hinila ito pababa sa bundok.

Hindi naman makapaniwala ang Kapitan sa impormasyon na kanyang natanggap mula kay Det. Robles, na akala niya ay nakaalis na sa unang byahe ng bangka ng umagang iyon. Lalong hindi siya makapaniwala na isang tulad ni Sir Bigoy ang suspek sa lahat ng mga karumaldumal na pagpatay sa kanilang nayon. Hindi makabasag-pinggan ang personalidad nito at iginagalang pa sa buong barangay. Ngunit ang ikinabigla niya sa lahat ay balitang pagkakulong at pagkamatay daw sa sunog ni Alab sa loob ng minahan.

Agad niyang binalitaan ang kanyang mag-ina tungkol sa mga nangyari. Parehong napaiyak ang mag-ina, lalo na si Sophia na hinimatay sa balitang narinig. Nag-utos ang kapitan sa ilang mga tanod na puntahan ang minahan para sa possible recovery ng bangkay. Tinawagan niya rin ang lahat ng kagawad para magtipon sa barangay hall para sa imbestigasyon. Inabisuhan din niya ang pamilya ni Mang Julio na nagkagulo pagkarinig sa impormasyon galing sa kapitan. Hindi mapigil ang pag-iyak ni Ate Flo at ni Aling Susana sa mapait na balitang natanggap nila. Nagkumahog ang mga itong makarating sa barangay hall upang kumpirmahin ang mga pangyayari, kasama ang dalawang bisita ni Ate Flo. Maging ang nanghihina pang si Mang Julio ay nagpumilit na sumama sa kanila. Kahit ang mga kapamilya ni Don Johnny ay nabigla sa balitang nakarating sa kanila tungkol kay Sir Bigoy, kaya agad ding nagpuntahan sa barangay hall ang mga ito.

Punong puno ang loob at labas ng bulwagan ng barangay ng makarating sa nayon sina Det. Robles at Pamby taglay ang naka-posas na si Sir Bigoy. Hubad pa rin ito, marungis at duguan ang bibig. Agad na pinalibutan ng mga tanod ang tatlo dahil sa mga taong gustong makalapit dito. Nagtataka sila sa malaking pangangatawan ng guro na malayong malayo sa pagkakilala nila sa pagkatao nito. Dahil sa di magkamayaw na dami ng tao, minarapat nila na sa malaking bakuran na lang sa bahay ng kapitan dalhin ang suspek at doon gawin ang paunang imbestigasyon.

Bagamat malapit nang magtanghaling tapat, maginhawa ang buong bakuran dahil sa lilim ng mga punongkahoy na nakatanim sa paligid nito. Pinalibutan ng mga tanod ang bakuran ng bahay para limitahan ang mga taong papasok. Nakuntento na lamang ang mga usyusero sa pagsilip sa ibabaw ng konkretong bakod ng bahay. Napalabas ang kapitan at ang doktora sa terrace nang ipasok ni Det. Robles at Pamby ang nakaposas na si Sir Bigoy. Nanlalambot at umiiyak namang dumungaw sa bintana si Sophia nang marinig ang ingay sa bakuran.

Iniupo ng detektib ang guro sa isang bench na nasa gitna ng malawak na bakuran habang inilapag naman ni Pamby ang mga ginto sa lupa. Nagkaingay ang mga tao sa paligid ng bakuran nang masilip ang mga kumikinang na bara ng kayamanan. Dumating din ang mga pamilya nina Mang Julio at Ka Manuel na hinayaan namang makapasok ng kapitan. Pumasok din ang mga anak ni Don Johnny na napatakbo at napayakap kay Sir Bigoy na nakaposas pa rin ang mga kamay sa likod.

"Anong ginawa niyo sa kanya Kapitan? Anong kasalanan niya?" umiiyak na tanong ng anak na babae ni Don Johnny. Tumingin naman ang kapitan kay Det. Robles para sa kasagutan.

"Inaaresto namin siya sa pagpatay at pagsunog kay Det. Sangalang at sa tangkang pagpuslit ng mga gintong iyan," wika ng detektib. "Siya rin ang posibleng pumatay kay Mang Cesar, Ka Manuel at maging sa inyong amang si Don Johnny," dagdag pa nito.

Nagkaingay ang mga tao sa paligid nang marinig ang pahayag ni Det. Robles. Napaiyak naman ang mag-ina ni Aling Susana at ang mga kaanak ni Ka Manuel. Napaatras din ang mga anak ni Don Johnny at nagpalipat-lipat ng tingin kay Sir Bigoy at sa detektib; di makapaniwala sa kanilang narinig.

"Wag kayong maniwala!" nagmamakaawang wika ng guro. "Isa na namang akusasyon ito na walang basehan galing sa kanya!" sigaw nito.

"Wag mo nang itanggi Mr. Villaclara! Ikaw ang huling kasama ni Alab na nagpunta sa minahan. Nakita naming nasunog ang minahan pero ikaw na lang ang nakalabas ng buhay dala ang mga gintong ito," pagalit na sigaw ng detektib.

"Wala kang ebidensya para patunayan ang sinasabi mo! Kasama ka ba namin sa loob ng minahan?" wika ng guro.

"Bakit ikaw lamang ang nakaligtas at bakit masusunog ang loob ng balon?" sagot ng detektib.

"Nang makuha namin ang mga ginto, aksidente niyang natabig ang gaserang naroon kaya agad na sumiklab ang apoy at kumalat sa mga kagamitang kahoy. Tinangka ko siyang iligtas pero pinauna n'ya ako at pinadala sa akin ang kayamanan," paliwanag ni Sir Bigoy. Muling nagkaingay ang lahat ng mga nakikinig sa paligid ng bakuran.

Natigilan si Det. Robles at napatingin sa kasamahang si Pamby. Nanghihingi ito ng tulong kung paano kokontrahin ang sinabi ng guro.

"Oo nga Detective, may sapat na ebidensya ba tayo para pagbintangan si Mr. Villaclara?" sagot ng kapitan. "Wala sa personalidad niya ang gumawa ng ganyang mga bagay. Paano kung aksidente nga ang ikinamatay ni Det. Sangalang?" Malakas na napahagulgol si Ate Flo at maging si Sophia na nakikinig sa loob ng bahay.

"Salamat Kapitan," naluluhang sagot ni Sir Bigoy na biglang umubo at dumura ng dugo. Agad na tumakbo si Doc Vivian sa tabi nito at binigyan ito ng tubig na maiinom.

"Kailangan natin siyang gamutin," wika ng doktora sa asawa, pagkatapos ay patakbong pumasok sa loob ng bahay para kumuha ng gamot.

"Kung wala tayong ebidensya ay kailangan natin siyang pakawalan, Det. Robles. Nakakahiya kay Mr. Villaclara," wika ng kapitan.

"Hihingi ako ng danyos sa ginawa nilang ito sa akin," galit na wika ng guro.

Bumuntong-hininga si Det. Robles, samantalang hindi rin nakaimik si Pamby. Kinuha ng Indonesian sa kanyang bulsa ang susi para kalagan ang posas ng guro, nang isang ingay mula sa labas ng bakuran ang nagpatigil sa kanyang pagkilos. Napatingin ang lahat sa gate ng bahay. Nagulat sila nang pumasok ang mga tanod na inutusan ng kapitan para i-recover ang bangkay.

Kasunod nila si Kokoy....akay ang sugatang si Alab!



(Please click VOTE if you enjoyed reading the chapter. Thanks! :))

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon