Chapter 17 : Pamamaalam

25 10 25
                                    

Madaling araw pa lang ay abala na ang mga tao sa bahay nina Kokoy para sa araw ng libing ni Mang Cesar. May nagluluto sa likod bahay, may nag-aayos ng mga gamit sa loob ng sala at ang iba'y naghahanda na ng kanilang mga sarili.

Sandali lamang ang naging tulog ni Alab dahil sa pag-iisip sa mga nangyari at sa bugtong na iniwan ni Lolo Ben. Maaga siyang bumaba sa likod bahay at pinanood ang mga helper na nagluluto sa ilang kawa ng pansit, menudo at mga putaheng karaniwang inihahanda sa araw ng libing, ayon sa kinaugalian sa nayon.

Anong kawa ang tinutukoy ng matanda? At anong obra ni Lolo Ben ang maaari pa nilang paghanapan ng clues? May mga nabuo na siyang hypothesis pero mahalaga pa rin na matapos niya ang limang bugtong pagkat ang mga palaisipan ang susi sa lahat ng ito. Marami pang kulang na piraso ng puzzle at hindi niya alam kung saan manggagaling ang mga ito. Ito ang isipin na gumugulo sa binata habang nakaupo ito at pinagmamasdan ang mga nagluluto.

"Anong iniisip mo anak?" anang isang tinig mula sa likod niya na gumambala sa malalim na pag-iisip ng binata. Nagulat siyang makita si Mang Julio, nakatayo sa pintuan ng likod bahay at mukhang maayos ang pag-iisip sa araw na iyon.

"Kayo pala, 'Tay," wika ni Alab. Lumapit ang matanda at umupo sa tabi niya. "Kumusta na po ang pakiramdam niyo?"

"Mabuti naman ako ngayon, pero may mga araw na parang dumadaan lang ng hindi ko namamalayan. Tulad ngayon. Ngayon na pala ang araw ng libing ng kapatid ko, samantalang ang huling naaalala ko ay kumakain ako sa hapag kainan," malungkot na wika nito. "Para bang may mga araw na sobrang haba ng panaginip ko na...ahh...wala, wala akong matandaan," wika nito na nakahawak ang dalawang kamay sa ulo.

Umakbay ang binata kay Mang Julio. "Ano po ang nakikita niyo sa panaginip? Natatandaan niyo pa ba?"

"Isang tinig. Garalgal pero malinaw. 'Ibalik mo ang kinuha mo. Ibalik mo ang mapa, magnanakaw!'  Ganun ang sinasabi niya at parang nanggagaling sa lupa.  Magigising na lang ako na tila pagod na pagod at gaya nito, ilang araw o oras na pala ang lumipas ng di ko nalalaman," dagdag pa nito.

"Hindi niyo nararamdaman na tumatayo kayo o lumalakad?" tanong ni Alab.

"Sa panaginip oo, naglalakad ako. Pero parang lumulutang lang ako sa kinalalagyan ko," wika ng matanda na nakatitig sa malayo. "Magigising na lang ako at makikitang malungkot ang Nanay Susana niyo at si Florence. Hindi ko na nagagampanan ang pagka-ama ko sa bahay na ito. Buti na lang narito kayo ni Kokoy para punuan ang mga pagkukulang ko," maluha-luhang wika nito.

Lalong naawa si Alab kay Mang Julio kaya mas hinigpitan pa ang akbay dito at pinisil ang mga balikat nito. "Ipinapangako ko Tay, hindi na magtatagal ang lahat ng ito," wika nito sa matanda na tumango sa binata. Inaya niya itong tumayo at inalalayan patungo sa hapag-kainan.

Matapos ang agahan ay isa-isa nang nagbihis ang lahat upang dalhin sa church ang labi ni Mang Cesar para sa interment services. Puti ang napiling tema ng pamilya na isusuot para sa libing. Para sa kanila, ang pagpanaw ay pag-uwi sa piling ng Maykapal kaya hindi dapat ipinagluluksa.

Pagdating ng alas-diyes ay inilabas na ang kabaong ni Mang Cesar sa bahay dala ng ilang malalapit na kaanak na lalaki ng pamilya. Kasunod naman ng parada ang buong pamilya nito pati na ang mga malalapit nilang kamag-anak. Ang iba'y nagsisiiyak, ang iba'y nagpipigil ng kanilang mga luha. Si Aling Susana ay nakahilig sa balikat ng anak na si Kokoy samantalang inakbayan ni Alab ang kanyang Tatay Julio at ang ang kanyang Ate Flo na humilig rin sa dibdib ng binata. Naroon din ang mga bisita ni Ate Flo na sumusunod sa kanila, malungkot ang mga mukha at nagpipigil ding maluha.

Makulimlim ang umagang iyon, nagbabadya ng ulan, tila ba gustong makidalamhati sa pamilya ng mga naulila. Marami na rin ang mga tao sa daan. Ang iba'y sumusunod sa likod ng parada, ang iba'y lumabas lamang sa kanilang mga tahanan upang makidalamhati.

Ilang minuto pa'y narating na ng grupo ang kapilya. Marami na ring tao sa loob nito na mga nakaupo sa pews. Nakita ni Alab ang kapitan sa bandang unahan ng simbahan na napapagitnaan ng asawa nito at ni Sophia. Lahat sila ay nakabihis din ng puti.

Naroon naman sa kabilang bahagi ng kapilya si Don Johnny, katabi si Pamby at si Sir Bigoy na biglang umiwas ng tingin nang makita si Alab. Bakas pa rin ang takot sa mukha nito.  Nakita rin niya si Detective Robles, ngunit nasa bandang likuran ito at nakaupo malapit sa pintuan.

Halos isang oras ding tumagal ang seremonya kung saan nagkaroon ng maikling mensahe ang ministro tungkol sa pagbabalik loob sa Dios at paalala na walang bagay na natatago na hindi mahahayag, o lihim na hindi mabubunyag. "Lahat ng ginawa natin ay ipagsusulit natin sa Dios," wika ng tagapangaral. Isa-isa ring nagsalita ang pamilya ni Mang Julio.  May naghandog din ng mga awit at tula para sa namatay at marami pang iba.

Pagkatapos ng lahat ng ito ay dinala na ang labi ni Mang Cesar sa sementeryo ng nayon na nasa daang paakyat sa bundok. Lahat ay nag-alay ng mga bulaklak nang ipasok na sa nitso ang kabaong ni Mang Cesar. Makikita at madarama ang lungkot ng buong pamilya lalo na si Mang Julio na tahimik na lumuluha para sa kapatid.

Gaya ng kinaugalian, lahat ay inanyayahang magsalo-salo sa handang menudo at pansit sa bahay ng namatayan pagkatapos ng libing. Lahat ay tumuloy sa bahay nina Mang Julio upang doon na rin mananghalian. Nagsimula nang magpamahagi ng mga pagkain ang mga helper, ngunit dahil sa dami ng mga tao, ay kinailangan na ring tumulong nina Ate Flo, Aling Susana at maging ng kapitana. Matapos makakain o makakuha ng packed lunches, ang ibang bisita'y nagsipag-uwian na.

Tahimik naman na humiwalay sa mga tao si Alab at pumunta sa maliit na sala sa pangalawang palapag ng bahay. Hawak pa rin niya ang journal ni Lolo Ben at binabasang muli ito habang malalim na nag-iisip.

"Nariyan ka lang pala, kanina ka pa namin hinahanap," wika ni Kokoy na kasama si Sophiang umaakyat sa hagdanan.

Malungkot na ngumiti si Alab sa dalawa at ipinagpatuloy ang pagbabasa. "May idea ka na sa bugtong ni Lolo Ben?" tanong ni Sophia sa binata.

"Wala pa. Mukhang pinag-isipang mabuti ni Lolo Ben ang bugtong na ito. Hindi siya papayag na makuha natin ng ganun-ganun lang ang palaisipan. Kailangang pag-isipan nating mabuti," seryosong sagot nito sa dalaga. Nakita ng dalaga ang lungkot sa mata ni Alab, ngunit kita din niya ang passion at intensity na hinahangaan niya sa binatang detective.

"Mukhang may meeting sa baba," wika ni Kokoy sabay turo sa bintana na nakaharap sa bakuran ng bahay.  Agad na sumilip ang tatlo sa bintana upang makita ang nangyayari sa bakuran ng bahay.

Makikitang magkakaharap si Don Johnny, ang kapitan at si Pamby, habang nakaupo at nakikinig naman sa likuran nila sina Detective Robles at si Sir Bigoy. May mga lalake naman sa paligid nila na nagbabaklas at nagliligpit na ng mga toldang ginamit para sa lamay at hinahakot ang mga ito. May mga babae naman na nagwawalis ng paligid ng bahay habang namimigay pa rin ng packed lunches ang kapitana at si Aling Susana. Napansin ni Kokoy na parang hindi mapakali si Sir Bigoy sa upuan at parang gusto nang tumalilis ng takbo pauwi ng kaniyang bahay.

"Pasensya ka na Sophia, pero hindi ko maiwasang matakot para sa kanila. Parang iniisa-isa sila ng halimaw," wika ni Kokoy na tinutukoy ang grupo sa ibaba.

Bumuntong hininga si Sophia. "Natatakot din ako para sa kanila, lalong lalo na para kay Daddy at kay Ninong Julio," sabi ng dalaga.

"Teka si Tatay Julio, nasaan?" biglang tanong ni Alab na may halong pag-aalala.

"OK siya, wag kang mag-alala. Naubos nga niya ang pagkaing inabot sa kanya ni Mommy kanina. Pumasok na siya ng kwarto para magpahinga," wika ng dalaga. Nakahinga naman ng maluwag ang binata at muling napasandal sa sofa.

"Si Ka Manuel naman ang ililibing sa makalawa daw. Tsk tsk, kelan ba matatapos ang lagim na ito?" maluha luhang wika ni Kokoy habang sinasabunutan ang sarili. "Wala akong magawa para pigilan ang lahat ng nangyayari," wika nito at umupo sa sofang malapit kay Alab. Tumabi naman sa kanya si Sophia at inilagay ang kanyang mga braso sa balikat ng kinakapatid.

"May awa ang Dios, Kuya. Wag tayong mawalan ng pag-asa," wika ni Sophia. Napansin ni Alab na lumuluha rin ito.

"ANIMAL KA, BAWIIN MO ANG SINABI MO!" isang sigaw mula sa bakuran ang bumasag sa katahimikan ng tagpong iyon. Agad na napaduwang sa bintana ang tatlo. Nakita nilang hawak hawak ni Don Johnny ang kuwelyo ni Detective Robles at isang suntok ang pinakawalan ng matanda sa mukha nito na nagpabuwal sa lupa sa  binatang detective.



(Please click VOTE if you enjoyed reading the chapter. Thanks! :))

Sa Kuko ng KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon