TOPIC: MURDER CASES OR CRIME

52 2 0
                                    

"NGITI NG NAKARAAN"

"AAAAAAHHHHHHHH!" malakas ang naging pagsigaw ko.

Iminulat ko ang aking mga mata pero wala akong maaninag na kahit anong liwanag. Kung bakit nakatayo ako sa madilim na pasilyong ito ay hindi ko mawari. Hindi ko alam kung saang lugar ako naroon. Sa aking mga alaala ay nasa loob ako ng aking kwarto ng nagdaang gabi. Nakaramdam ako ng kaba at pagkabalisa.

"Nasaan ako?" malakas ang naging pagtatanong ko ngunit tanging ang alingawngaw ng sarili kong tinig ang aking narinig. Doon ay tuluyan na akong nakaramdam ng matinding takot. Halos hindi ko maigalaw ang aking buong katawan sa sobrang panginginig.

"Ma! Pa! Alex! Nasaan kayo?" pinilit ko muling sumigaw ngunit muling naulit ang pangyayari, tanging ang sarili kong tinig ang aking narinig. Pinilit kong tahakin ang kadiliman, nagbabakasakaling makakita ako ng silaw ng liwanag at matagpuan ang aking pamilya.

Sampung hakbang mula sa aking kinatatayuan ng makita ko ang isang malaking puting tabing. Tumigil ako at pinakatitigan ko ang bagay na iyon. Walang kurap na pinanood ko ang isang babaeng may maamong mukha habang nakangiti at tila nakatitig sa akin. Biglang nawala ang takot na aking nararamdaman. Parang nagkaroon ng puwang ang ngiti sa aking mga labi. Ilang sandali pa'y muling nawala ang puting tabing kaya't muli akong naglakad. Naghagilap. Sumigaw. 

Hanggang sa tuluyan akong nakaramdam ng pagod pero patuloy pa rin akong naglakad sa tila walang katapusang kadiliman.

Muli akong napatigil sa aking paglalakad ng makita kong muli ang puting tabing sa kung saang bahagi ng kadiliman ako naroon. Isang babae't isang lalaki naman ang aking natanaw doon. Ang malamyos na ngiting nakita ko sa unang babae ay muli kong nasilayan. Muli'y tila gumaan ang aking pakiramdam. Muli akong nagkaroon ng lakas. Nang muling mawala sa paningin ko ang puting tabing, nagpatuloy pa rin ako sa aking paglalakbay.

"Hanggang saan nga ba ako maglalakbay?" tanong ko sa aking sarili.

Sa muling pagtahak ko sa dilim, ang puting tabing ay muling humarang sa aking dinaraanan. Isang batang lalaki ang nakita kong naglalaro at ng lumingon siya sa akin, isang ngiti muli ang aking nasilayan. At doo'y tuluyang nakikita ko ang isang eksenang puno ng pagmamahalan.  Ang bawat ngiti nila. Ngiting nakakadala sa aking mga labi. Hindi ko sila kilala kaya't nakakapagtaka. Hanggang sa tuluyang muling naglaho ito sa aking paningin. Muli'y dilim ang aking nasilayan. Muli akong nagpatuloy sa walang katapusang paglalakbay. Hanggang sa tuluyan ko nang marating ang dulo ng pasilyo, ngunit wala pa ring pagbabago. Tanging ako lamang ang naroon. Nakaramdam akong muli ng takot. Matinding takot, sa hindi ko maipaliwanag na dahilan.

"Tama na. Tama na. Pakiusap,"

Agad akong napalingon sa kung saan pumailanlang ang tinig na iyon. At muli kong natagpuan sa kung saan ang puting tabing na tila mahiwaga sa aking paningin.

Habang pinaiikot na ang roleta, naririnig ko ang matinding iyakan ng lahat. Iyakan ng hindi ko alam kung sino. Hindi ko matiyak. Pero pakiramdam ko'y unti-unti akong nanghihina sa 'di ko malamang dahilan. Kumikirot ang aking puso. Nawawalan ng pagkakataong makahinga. 

"Si-si-sino ka?"  puno ng panghihinang tanong ko sa babaeng nakatalikod sa'kin.

"Ikaw ay Ako, Ako ay Ikaw," sagot niya sa akin ng hindi lumilingon.

Hanggang sa tuluyan kong nakita ang aking sarili hawak ang isang patalim. Nakatusok ito sa aking dibdib.

At nang tuluyan akong bumagsak sa sahig, nakita ko doon ang aking pamilya habang umaagos ang sarili nilang dugo.

PINATAY KO ANG SARILI KONG PAMILYA.

KINITIL KO ANG SARILI KONG BUHAY.

"Si-sino ba a-ako?" muling tanong ko.

"Ikaw ay Ako, Ako ay Ikaw," nakangising sagot sa akin ng aking repleksyon.

Hanggang sa tuluyang lumabas ang aking mga luha.

"Patawad."

Iyon ang huling salitang narinig ko sa aking tinig.



MGA MAIKLING KWENTOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon