PRIYA'S POV
Pagkagising na pagkagising ko pa lang ay nagsimula na akong maghanap ng mga bagay na makakapagpabalik sa alaala ko. Hindi ko inalintana ang ideyang wala pa akong ligo at kain.
Sa ngayon, mas importanteng makaalala na ako sa lalong madaling panahon.
Isa-isa kong binuksan lahat ng aparador dito sa loob ng aking kwarto. Saka ko lang napansin na kakaunti lang pala ang mga damit ko, bigla ko tuloy naalala ang sinabi sa akin kahapon ni Coronel. Kuripot daw ang dating Priya kaya maski bumili ng bagong damit ay ayaw na ayaw niya. Sa ilalim naman nito ay tatlong pares ng sapatos at isang pares ng tsinelas.
Naglakad ako patungo sa isa pang aparador. Pagkabukas na pagkabukas ko pa lang niyon ay napansin ko na agad ang isang two-layered stainless box na nasa gilid. Kinuha ko yun at hinipan dahil nababalutan na iyon ng maninipis na alikabok.
Siguro ay matagal na itong nakatago sa loob ng aparador. Ni hindi man lang naisipang buksan ng dating Priya.
"Lospierra's parcel." Basa ko sa nakadikit na papel sa itaas na bahagi nito.
Ano naman ang Lospierra? Anong klaseng salita iyon?
Dala ng kuryosidad, walang pagdadalawang-isip ko iyong binuksan. Tumambad sa aking harapan ang isang pirasong putol na palaso. Maingat ko iyong hinawakan at pinagmasdan. May kabigatan ito dahil nasisiguro kong kabilang ito sa pamilya ng mga metal. Matulis ang dulo niyon at nababalutan ng maitim na bagay. Alam kong hindi iyon kalawang dahil parang...
"Natuyong dugo?"
Nang makumpirmang tama ang hinala ko ay agad ko iyong nabitawan. Bumagsak ito sa sahig na gumawa ng kakaibang ingay.
Bahagyang kumunot ang noo ko at muli iyong pinulot. Tila kuminang pa iyon nang matamaan ng liwanag galing sa bukas kong bintana. Kasabay nang pagkinang niyon ay ang paglitaw ng isang pamilyar na salita.
"Arcadia."
Tititigan ko pa sana iyon nang biglang may kumatok sa pintuan. Wala na akong nagawa kundi ang ibalik iyon sa loob ng kahon at ipasok muli sa aparador.
"Sandali lang!" Malakas kong sambit atsaka patakbong binuksan ang pinto.
"Magandang umaga!" Bati sa akin ng lalaking nakasuot ng simple ngunit mamahaling itim na coat at pants.
"M-Magandang umaga rin... uhm..." Napapahiya kong kinamot ang aking batok dahil nakalimutan ko ang pangalan niya. Sinabi sa akin iyon ni Coronel kahapon pero hindi ko maalala.
Asul? Azul? Asur? Az--
"Azur." Siya na ang tumapos sa iniisip ko.
"Pasensiya ka na, tara pasok ka." Binuksan ko nang mas malawak ang pinto saka siya inayang pumasok.
Wala naman siyang pag-aalinlangang dumiretso paupo sa single sofa. Humugot muna ako ng malalim na hininga bago isara ang pinto.
"Kumain ka na ba? May dala akong pagkain." Aniya atsaka inilapag sa mesa ang dala niyang paper bag.
"S-Salamat, Azur. Hindi ka na dapat nag-abala pa." Nahihiya kong sabi nang makaupo ako sa mahabang sofa.
Mas lalo akong nagtaka nang marinig ko siyang tumawa. Hindi naman malakas, iyong tama lang para maintindihan kong natawa siya sa sinabi ko.
"Dati kapag nagdadala ako ng pagkain, tatanggapin mo agad at uubusin. Ngayon, nahihiya ka na. Medyo nakakapanibago." Paliwanag niya kaya ilang na lamang akong tumawa.
YOU ARE READING
Arcadia's Dulcet Secrecy |Completed|
RomanceA faceless king who will fight for his throne and make Arcadia a better country that he wishes for. Unexpectedly, he met a girl with unusual personality. He fell in love and at the same time, he found his weakness. In the beginning, everything went...