KABANATA 02

16 2 0
                                    

"PRIYAAAA!!! MAY SUNOOGGGG!!!" Isang malakas na sigaw ang gumising sa natutulog kong diwa.

Napabalikwas ako ng bangon at tarantang tumayo. Pumasok ako sa banyo at walang hirap na binuhat ang isang timbang punong puno ng tubig. Bahala nang hindi makaligo mamaya, ang mahalaga ay hindi lumaki ang sunog. Wala akong matitirhan kapag nagkataon.

Nilapitan ko si Coronel at tinanong, "Nasaan? Sabi mo may sunog. Tara na!"

Naglakad na ako papuntang pintuan pero bago pa ako makalabas ay narinig ko siyang magpigil ng tawa.

"Pfft. Biro lang."

Sa isang iglap ay nabitawan ko ang timbang hawak ko at kamalas-malasang sa paa ko iyon bumagsak.

"AH!" Daing ko at muling binuhat ang timba pero tuluyan na akong nabigatan.

Gumana ang adrenaline rush ko kanina kaya nabuhat ko nang walang hirap itong timba pero ngayong nalaman kong wala pala talagang sunog ay hindi ko na muling mabuhat.

"Priya! Bakit mo naman binitiwan?!" Tarantang tanong ni Coronel at siya mismo ang nagbuhat ng timba paalis sa nabagsakan kong paa.

Naupo ako sa sahig at tinignan kung nasira ba ang kuko ko pero swerteng wala naman akong natamong sugat.

"Hindi ka kasi nag-iingat!" Sermon niya sa akin at tinulungan akong tumayo at makaupo sa marumi kong sofa.

"Dude! Kung hindi mo 'ko pinagtripan, hindi mangyayari 'to!" Inis kong sabi atsaka siya sinamaan ng tingin.

"Psh, edi sorry na." Nakanguso niyang sambit pero tinulak ko lang siya palayo sa akin.

"Kainis ka! Kapag ako hindi nakalakad, puputulin ko 'yang paa mo at ipapalit ko sa 'kin!" Asik ko sa kaniya.

"Ang brutal mo talaga! Sorry na nga, e!"

"Sorry, sorry... mawawala ba niyang sorry mo ang sakit ng paa ko?"

Hindi siya nakasagot at ngumuso na lang ulit.

"Pasalamat ka at hindi natapon lahat ng tubig kaya may pampaligo pa ako mamaya, ibalik mo 'yun sa banyo!" Utos ko at agad naman siyang sumunod.

Ilang saglit lang ay nakabalik na siya sa tabi ko.

"Ano ba kasing ginagawa mo rito? Ang aga-aga, istorbo ka ng tulog." Salubong ang kilay kong tanong habang hinihimas ang paa ko para maibsan ang sakit.

"Anong ang aga-aga? Alas-dose na ng tanghali. Pumunta ako dito para tanungin ka kung payag ka na ba sa sinabi ko kahapon." Asik niya kaya wala sa oras akong napairap kahit hindi ako nakatingin sa kaniya.

"Paano pa ako papayag gayong pinagtripan mo ako?" Pasaring kong bulong.

"Sorry na, please. Patawarin mo na ako. Gusto lang talaga kita gisingin kanina." Pagsusumamo niya at yumakap pa sa braso ko.

"Layuan mo nga ako, geez." Kunyaring nandidiri kong utos kaya nakanguso siyang lumipat sa nag-iisang maruming single sofa.

"Sorry na, Priya." Nakatungo niyang ulit.

"Ibang klase ka kasi manggising, e."

"Babawi ako! Please, hayaan mong bumawi ako." Sambit niya na parang isang magandang ideya ang kaniyang naisip.

"Hindi na, 'di naman ako galit. 'Wag mo na lang uulitin sa susunod."

Muli siyang naupo sa tabi ko at niyakap ako nang mahigpit.

Arcadia's Dulcet Secrecy |Completed|Where stories live. Discover now