Ikalawang kabanata : Nayon ng mga simula

315 60 5
                                    

Nagmamadaling tumakbo palapit sa pamayanan si Peter. Nais n'yang habulin ang batang lalaki para makapagdahilan s'ya rito upang hindi na lumaki pa ang problema.

Hinabol n'ya ito nang hinabol. Pero laking gulat n'ya ay hindi n'ya ito maabutan. Hindi naman sa pagmamayabang ni Peter, ngunit kumpyansa s'ya sa abilidad sa pagtakbo. Ikaw man ang lumaki sa pamilya ng mga magsasaka tulad ni Peter, paniguradong mababatak ang iyong pangangatawan.

Nagsimula ng mangamba si Peter nang patuloy ito sa pagtakbo at pagsigaw ng, "Mag-ingat kayo mga kanayon! May dumating na taong may alagang lobo rito! Itago n'yo ang mga alaga n'yong baka!" Halos mapatid ang litid ng batang humahangos kasisigaw.

Pakiramdam ni Peter sa bawat hakbang ay sobrang lawak na ang kanyang natatakbong distansya sa damuhan.

Nais n'ya sanang kamanghaang ang napansing malawak at malinis na madamong pamayanan. Subalit hindi 'yon magawa ni Peter dahil sa batang hinahabol n'ya.

Narimarim si Peter nang s'ya ay bigla na lang matalisod. Sa desperasyon, inunat ni Peter sa likuran ng batang sumisigaw ang kamay habang s'ya ay pabagsak na sa damuhan. Sa kasamaang-palad hindi n'ya naabot ang damit nito na balak n'ya sanang kapitan. Tuluyan ngang lumagapak si Peter sa madamong lupain. Lumapat s'yang una ang mukha. Di gaya ng kanyang inaasahan hindi s'ya nasaktan.

Nagkaroon s'ya ng isang reyalisasyon. Malambot ang lupa.

Napabuga ng hangin si Peter nang maalalang nakapulas ang batang nakakita sa alaga n'yang si Ichiro. Dagli-dagling bumangon si Peter. Hindi pa rin ito sumusuko sa paghabol sa bata. Hangga't hindi ito nakapagsusumbong ay may pag-asa pa s'ya.

Pagkabangon ni Peter ay napangiwi ito nang mapagtantong may kalayuan na ang bata. Siguro ay nasa sampung metrong layo na ang bata. Estimate ni Peter.

Sisibad pa lang sana noon si Peter pero naestatwa s'ya sa kinatatayuan. Nangyari na ang ikinatatakot n'ya. May isang matanda na ang natawag-pansin ng pagsigaw-sigaw ng bata.

Humahangos na dumeretso ang bata sa matandang sumalubong sa kanya.

"Nalintikan na." Sumingasing si Peter.

Kasabay noon ay ang matulin n'yang paglapit sa dalawang lalaki. Wala s'yang balak mapaalis sa unang settlement na natagpuan. Walang kasiguruhan kung may malapit pa bang pamayanan bukod dito.

Papalapit na noon si Peter nang magulantang s'ya sa sigaw ng mama.

"Anong kalokohan na naman ang pinagsasasabi mo, Peter?"

Napaatras naman ang ating bidang si Peter sa nakasisindak na paghiyaw na yaon ng lalaki sa pangalan n'ya.

"Pero nagsasabi talaga ako ng totoo, ama. Meron talaga s'yang alagang lobo. Kumbinsihin mong itago ng mga kanayon ang kanilang mga baka."

Halos pagsusumamo nang pangungumbinsi ng sabi ng batang lalaki sa nakatatanda na kanya palang ama.

"Kung talagang may alaga s'yang lobo, nasaan 'yon kung ganun?" Tanong ng ama ng batang lalaki.

Wala sa malay na nagpigil nang hininga ang ating bidang si Peter.

"Meron po s'yang kapangyarihan ama. Meron s'yang kapangyarihan na may kinalaman sa lagusan. Doon n'ya itinago ang lobo." Masigasig na pangungumbinsi ng batang lalaki sa ama.

Napalunok si Peter. Ayon sa diyosa, ang mundong ito ay sagana sa salamangka. Malaki ang posibilidad na makumbinsi ang ama sa dahilan na binigay ng kanyang anak.

Pasimpleng inatras ni Peter ang kanang paa. Malaki ang posibilidad na makumbinsi ito. Sa oras na mangyari yun ay maaaring malagay sa panganib ang kanyang buhay. Napamaang na lang si Peter nang singhalan ng ama ang kanyang anak.

Livelihood Dungeon! (Tagalog-English)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon