Ichiro's backstory : To Eternal Forest!

175 34 4
                                    

"Ako ang lobong kinupkop ni Peter. Ichiro, 'yan ang pangalang ginawad sa'kin ni bossing."

Nakangiting nananalamin ang isang lobo sa batis na nasa pagitan ng Gorge of the Beginning.

"Ilang araw na rin ang lumilipas mula sa aming unang pagtatagpo."

"Nung una ko s'yang makita ang unang pumasok sa aking utak ay swerte ang araw na yun. Malaking karne ang bumagsak sa'king mga palad."

"Wala, e. Kumakalam ang sikmura ko sa panahong yun. Habang naiisip ko ang kapangahasan kong 'yon kay bossing, malakas ang pagnanasa kong parusahan ang sarili. Gusto ko sanang biyakin ang aking dibdib, dukutin ang puso at ialay kay bossing, ngunit paniguradong pagagalitan lang ako nun. Masyadong mabait. Nakakainis man ang kabaitan n'ya wala akong magagawa. Ang kabaitan n'yang yun ang dahilan kung bakit humihinga pa ako.

Kaya makaraan n'yang ayain akong maging tauhan n'ya'y malugod ko yung tinanggap. Anong karapatan kong tumanggi? Isa lang akong pangahas na nagtangka sa kanyang buhay pero sinuklian n'ya ng kabutihan ang kasamaan ko. Niligtas n'ya ang buhay ko sa tiyak na kamatayan. Sa panahong yun ay natanong ko sa sarili ko kung isa ba s'yang anghel o diyos.

Di naman nagtagal ay natanto kong 'di s'ya anuman sa dalawa. Isa lang s'yang normal na tao pero 'di naging rason yun upang magrebelde ako. Ang katotohanan nga n'yan ay mas lalo akong humanga sa kanya.

Mahina s'ya pero niligtas pa rin n'ya ako. Di n'ya inalintana kung uulitin ko ba ang kapangahasang pagtatangkang pagkain ko sa kanya.

Sa kanya ang katapatan ko. Palagi ko s'yang proprotektahan. Magbago man s'ya at maging malupit sa'kin o patalunin ako sa bangin ay patuloy ko s'yang pagsisilbihan at susundin.

Mas malabo nga lang mangyari yun kesa sa muling pagkabuhay ng dati kong mga kasama." Bahagyang lumungkot ang mga mata ni Ichiro.

Saglit lang nanatili ang kalungkutang 'yon sa lobo. Bigla na lang itong naging alerto. Tipid na gumalaw ang isang paa ni Ichiro sa harapan. Wala pang isang segundo'y sinundan 'yon nang pasakmal na aksyon sa kanyang tapat. Parang salamangkang sumalubong ang isang isda mula sa batis tungo sa kanyang bibig na puno ng nagtatalimang pangil. Gumagalaw-galaw pa ang nakaipit na isda sa pagitan ng kanyang bunganga. Tila milagrong buhay pa rin ang isda kahit kagat-kagat na ito ng isang predator.

Lumakad palayo ang lobo sa batis.

Habang naglalakad patungo sa may damuha'y walang-awa n'yang diniin ang mga panga sa isda. Nalasahan ni Ichiro ang nakakalangong lansa ng dugo pagkabaong-pagkabaon ng matatalim n'yang pangil. Sobrang lakas ng pagkabog ng kanyang dibdib kasabay nang pagnguya sa kanyang tanghaliang isda. Ang bilugan n'yang mga mata'y nag-morph sa matatalim na hugis diyamante.

Sa damuha'y patuloy ang kanyang paglantak.

Pinaikot ng lobo ang mahabang dila sa mabalahibo nitong nguso para himuran. Nakailang paikot pa s'ya ng dila upang masigurong wala nang nakakaligtaang dugo o himulmol ng laman ng kanyang pinananghalian.

"Dapat bang bumalik akong muli sa Eternal Forest?" Seryosong paglilimi ni Ichiro sa plano.

May bahid ng takot s'yang nadama sa sariling naturan.

Nagdadalawang-isip ang lobo.

Bilang pet ni Peter, nabuo ang koneksyon sa kanilang dalawa sa oras na mitual nilang ginamit ang crest of friendship. Kahit 'di sabihin sa kanya ng kanyang master o bossing, ramdam na ramdam n'ya ang matinding pagnanais nitong magkaroon ng sapat na lakas upang magkaroon na sila nang kakayahang makaalis at makapaglakbay sa mundo ng Skylark.

Bilang pagpapakita ng loyalty, nais magpalakas ni Ichiro para magkaroon ng sapat kumpiyansa ang amo upang umpisahan na ang paglalakbay.

Meron kung anong bumubulong at nag-uudyo sa kanyang pumasok sa Eternal Forest dahil nandoon ang tamang kasagutan.

Livelihood Dungeon! (Tagalog-English)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon