Chel’s pov
“Baby ko” ngiti ko sabay halik ke Jovs. “Kala ko di ka na naman uuwi. Magagalit na talaga ako sayo nyan.” Dagdag ko.
Ilang araw pa kasi ang lumipas bago nagpakita si Jovs. Ni hindi nga ako binisita pag kagaling ko ng Singapore. Busy siguro sa trabaho kasi pati sa Exhibition tour namin sa Cavite ay hindi nakapunta.
“Sorry Chel….eh…medyo busy lang at kelangan namin magpunta ng baguio” sagot nito.
“O sige na. You’re forgiven. Pero kakain ka ha kasi nagluto ako.” Sabi ko at inakay sya patungong kusina.
“Talaga? Nagluto ka?..Baka sunog naman yan” agad na sabi nito. Nakatayo sya sa likod ko habang hinahalo ko ang niluto kong sinigang. Maya maya pa ay bigla nalang nya akong niyakap ng mahigpit. Hmmmnn. Nagbabadya ata tong mokang na to at gusto agad makascore.
“Ano ba?...Umupo ka nga muna dun at maghahain ako.” Sabi ko at pilit ko siyang tinutulak palayo.
Di naman ito umimik at agad na sumunod. Tila me kakaiba ke Jovs ngayon. Pinipilit nyang ngumiti pero bakas parin ang lungkot sa mga mata nya. O baka naman me hangover pa to dahil nakipag inuman kagabi.
Nakapaghain na ako at umupo sa tabi nya. Pero malayo pa rin ang tingin ni Jovs. Ni hindi man lang pinuri ang inihain kong pagkain.
“Baby ko…me problema ba?”tanong ko at hinawakan ang kamay nya. “Nakakainis ka..parang ayaw mo namang kumain ng niluto ko” sabi ko sabay irap.
“Eh..hindi…Ah syempre gusto kong kumain. Luto mo to eh.” ngiti nito at nagmadaling sumandok ng kanin at ulam. Tahimik lang itong kumain.
“Eto pa oh.” Sabi ko at nilagyan ko pa ng ulam ang plato nya. Di ko maiwasang mag alala kung ano man ang nararamdaman nya. “Jovs…baby….pwede mo namang sabihin ang problema mo sa kin. Para ka namang engot oh..Ano pa ba ang silbi ko dito kung di ka magsasabi.” Dugtong ko.
“Adik ka ba?..Wala akong problema…Pagod lang ako.” Agad na sagot nito.
“E para ka kasing zombie dyan at di ka man lang nagkwekwento. Para ngang hindi ka natutuwa na makita ako. Ikaw ha…Pag nalaman ko lang na me pinopormahan kang iba, lagot ka sa kin.” Sabi ko.
“Sana nga…sana nga ganon nalang.” Mahinang sagot nito.
“Anong sinabi mo? Aba..gusto mo na kong palitan?” sabi ko na biglang tumaas ang boses ko. “Hindi pa nga tayo nagtatagal ng isang buwan, me iba ka na agad.” dugtong ko. Bigla naman bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa naguguluhan ako sa mga binitawan ni Jovs.
Di ito umimik at di na rin kumain pa. Tahimik lang itong nakaupo at napakaseryoso ng tingin.
“Magsalita ka nga…Me problema ba tayo Jovs?....Me nagawa ba akong di mo gusto?” tanong ko na pilit kong pinipigilan ang galit ko.
Sumandal ito sa upuan at huminga ng malalim.’Mag break na tayo, Chel” seryosong sabi nito.
Napatayo ako sa narinig ko. “Ano? Seryoso ka ba ha?...Ano bang nagawa ko?” sigaw ko at nagsimula ng namumuo luha ko. Hindi ko maintindihan ang nangyayari ngayon. Bakit bigla nalang nagbago ang pagtingin nya? Nung kausap ko naman sya sa phone nung nasa Singapore ako, halos gusto nyang sumunod dahil miss na miss na daw nya ako. Pero bakit ngayon ni hindi man lang siya makatingin ng diretso. “Hindi mo na ba ako mahal?” dagdag ko.
Nakayuko lang ito at biglang tumayo at naglakad palayo sa lamesa. “Alis na muna ako.”
“Ano ka ba, Jovs?” sabi ko sabay tapon ng baso. Nabasag ito malapit sa kanya. Nagulat sya sa ginawa ko at napaharap sa akin.
“Ayaw ko na, okey?... Itigil…itigil na natin to… chel.” Nauutal na sabi nito.
“Jovs naman….sa hirap ng pinagdaanan natin, susuko ka nalang ba?” iyak ko at lumapit na ako sa kanya. Bigla ko syang niyakap ng mahigpit. “hindi ko gustong mawalay sayo Jovs….Nagseselos ka ba?... Oo nagpunta ako ke Chris nung isang araw pero walang ibig sabihin yon.” Pag amin ko sa kanya. Tinawagan lang naman kasi ako ng Mommy nya at naisugod na naman ito sa hospital.
Tahimik lang ito at di na rin napigilang umiyak.
“Concern lang naman ako ke Chris dahil….dahil…me sakit sya Jovs….Yun lang yun…Kung nagseselos ka…Promise hinding hindi na ako pupunta. Wag mo lang akong iwan.” Pagmamakaawa ko at lalo ko pang hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya.
Hinawakan nya ang braso ko at pinigilan ako sa pagkakayakap sa kanya. “Me sakit rin ako!...Magkakasakit ako sa puso pag di pa natin tinigil ito ngayon.” Sabi nya.
“Jovs..mahal kita..Hindi na ko pupunta ke Chris” napaluhod ako na nagmamakaawa sa kanya.
Napaluhod na rin ito at niyakap ako. “Ano ka ba? Wag ka ngang ganyan” sabi nito. Bigla nya akong hinalikan at tumugon naman ako sa halik nya. Alam kong mahal pa rin ako ni Jovs dahil nararamdaman ko pa rin ang init sa mga halik nya. Pero ano na naman ba ang pumipigil sa kanya.
Hangang sa maghiwalay na ang mga labi namin pero patuloy pa rin nya akong hinahalikan sa mukha. Sabik na sabik syang hagkan ako. Dahan dahan naman nyang pinahiran ang mga luha ko na patuloy lang sa pagpatak.
“Mahal mo pa rin ako di ba?” bulong ko habang nakapulupot ang braso ko sa leeg nya.
Ngumiti lang ito at madiin akong hinalikan. “Chel….ka…kapatid ko si Chris” pag amin nito.
