MNGS 15

1.6K 36 2
                                    

MADALING araw na marahil nang makatulog ako. Hindi pa man sumisikat ang araw nang may kumalampag sa pintuan ko dahilan upang ako ay mapabalikwas.

Mugto ang mga mata, magulo ang buhok at wala sa ayos ang suot na kupas na bestida. Libong karayom yata ang tumusok sa dibdib ko pagkakita kay Inay dahil sa awa.

"L-Lyna, kailangan ko ng tulong mo..." Hindi siya makatingin ng diretso sa akin. Niyakap niya ang sarili. Bahagyang nanginginig ang mga kamay niya.

Binigyan ko siya ng espasyo upang makapasok. Umiling siya. "Kailangan ko ring umalis. Walang kasama si Owen. Hindi niya alam ang mga nagagawa niya kapag nalalasing siya at wala ako sa tabi niya."

"O-Owen?" Sa pagkakaalam ko, France ang pangalan ng kasama niya ilang araw pa lang ang nakararaan.

"N-Nakilala ko sa isang club. Bouncer siya roon..."

Napapikit ako. Ilang ulit akong bumuntonghininga. Ibang lalaki na naman?

"Lyna please, tulungan mo kami. Nakautang kami ng malaki sa isang mayamang negosyante. Gusto kasi naming magtayo ng negosyo..." Alanganin siyang ngumiti. "Hindi ba iyon ang gusto mo? Ang mapabuti ako? Ang kumita rin ng pera maski paano? Kaya lang ay tinakbuhan kami ng mga kabarkada ni Owen. Tinangay ang pera kaya kailangan naming gumawa ng paraan. Pangako anak. Babayaran ko kaagad. Malakas mag-tip sa club. Maraming parokyano. Maraming kaibigan si Owen—"

"Maraming kaibigan?" Pinutol ko ang sinasabi niya. "Bakit hindi ka lumapit doon sa mga sinasabi ninyong kaibigan na iyan? Ano! Ako ang aako sa utang ng lalaki mo? Ako na naman? Ako na naman ang magliligtas sa 'yo? 'Tapos sa huli ako pa rin ang masama. Ako pa rin ang walang kuwentang anak. Walang kuwenta!"

Uminit ang pakiramdam ko dahil sa galit. Pinipigilan ko naman ang sarili ko. Ayokong magtalo na naman kami. Pero bakit naman ganito?

"Lyna..." Lumuhod siya sa aking harapan. Tumalikod ako pero kumapit siya sa binti ko. "T-Tulungan mo naman kami. Ayokong makulong si Owen. Mahal ko siya—"

"Mahal mo na naman?" sigaw ko. I couldn't believe what she's saying. "Lahat na lang mahal mo. Ako? Kailan mo 'ko mamahalin? Ako ang anak mo!"

"Mahal naman kita, anak. Kaya nga nandito ako. Hindi ba magdadamayan tayo. Ipinangako natin iyon kay Efren. Kaya please, Lyna."

Hinawakan ko ang kamay niyang nakakapit sa binti ko. Pilit kong tinatanggal iyon pero mahigpit ang hawak niya.

"Puwede ba, Julie? Nakakapagod ka na."

Hindi siya sumagot. Sa halip ay yumakap pa siya ng mahigpit sa dalawang binti ko. Dahilan upang matumba ako. Napaluhod din ako sa harapan niya.

"Please Lyna. Ayokong makulong si Owen. Mabuting tao siya. Anak, pangako ko sa 'yo, last na ito." Lumuluha siya habang nakangiti. She's going crazy. "Kapag nalagpasan namin ito, susundin ko na ang gusto mo. Dito na ako sa 'yo titira." Pinahid niya ang luha ko. Nakatingin lang ako sa kanya habang tahimik na rin akong umiiyak.

***

PAKIRAMDAM ko ay walang laman ang utak ko. Nakatulong naman kahit kaunti ang concealer na ipinahid ko sa ilalim ng mga mata bago ko isinuot ang salamin. Pinipilit ko ang sarili na gumalaw kahit ang totoo ay nanghihina ang buo kong katawan.

My Naive Girl Stalker (Published under IMMAC Pub)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon