Kabanata 31

1.3K 54 7
                                    

Paggising ko ay sobrang sakit ng mata ko. Nakatulogan ko ang pag-iyak kagabi.

Tinawagan ko sila Sandra kagabi at pinuntahan naman nila ako kaagad. Nagtagal sila dito habang nakikinig sa mga sinabi ko, iyak lang ako nang iyak kagabi habang sinasabi sa kanila ang mga nalaman ko. Akala ko ay pupunta si Zymon pero walang Zymon na dumating. Hindi nga siya nagr-reply sa mga text ko. Hindi ko tuloy alam kung anong ginagawa niya ngayon at hindi niya din alam kung ano bang nangyayari sa akin ngayon.

Tumawag sila sa akin kanina pero saglit ko lang din silang kinausap, wala talaga akong gana ngayon. Hindi ako pumasok at in-excuse na lang ako nila Sandra sa mga professor namin. Kanina ko pa tinitingnan ang phone ko kung tumawag o nag-text ba si Zymon pero hanggang ngayon ay hindi lumalabas ang pangalan niya sa screen ng cellphone ko.

Gusto kong sabihin sa kaniya ang lahat pero hindi niya sinasagot ang mga tawag ko. Hindi ko alam kung anong nangyari sa kaniya o baka naman ay abala lang siya.

Napatingin ako sa picture frame na nakapatong sa mini table ko. Kaming tatlo iyon nila mommy. 10 years old ako doon sa picture at basi sa larawan ay masaya naman kami. Masaya sila mom at dad…sa picture nga lang. Hindi ko pa din talaga maproseso ang mga narinig ko, lahat ng mga narinig at nalaman ko kagabi. Iniisip ko pa lang ang mga iyon ay nanghihina na ako.

Hindi ko lubos na maisip na ganun pala ang sitwasiyon nila mom at dad, ang buong akala ko ay tungkol lang sa trabaho ang mga pinag-aawayan nila. Ang akala ko ay okay sila, ‘yung masayang mag-asawa na nagmamahalan pero akala ko lang pala iyon. Alam kong galit si dad sa akin pero hindi ko alam na ganun pala kalaki ang galit niya. Binalak pa nila akong ipalaglag, masakit isipin na sarili mong ama ay hindi ka gustong mabuhay. Pinagsisisihan nila na nabuhay pa ako.

Gusto kong umalis dito sa bahay na ‘to kaya lang ay naiisip ko si mommy. Baka kung mapaano siya, lalo na ngayon na wala na nga si dad. Wala na daw siyang balak na bumalik dito. Galit ako kay mommy dahil tinago niya ito sa akin pero naiintindihan ko din siya. Masakit lang sa akin na buong buhay ko ay nabuhay ako na akala ko okay kami, na akala ko hindi kami masisira. Iyon pala, simula una pa lang sira na kami.

Hindi ko alam kung anong gagawin ko, sa tuwing pipikit ako ay naalala ko ang mga sinabi ni dad kagabi. Mga masasakit na salitang binitawan niya, hinding-hindi ko iyon makakalimutan.

Ang malaman na isa lang pala akong pagkakamali, na hindi nila gusto na dumating ako sa mga buhay nila. Pinakasalan lang ni dad si mom dahil kay lolo. Pinunasan ko ang mga luhang kanina pa unaagos. Ang sakit na ng mata at sobrang bigat na ng dibdib ko.

Napatingin ako sa pinto ng kwarto ko nang makarinig ng katok. Bumukas ang pinto at bumungad sa akin si mommy. Hindi ata siya pumasok ngayon.

“Anak, kumain ka na,” nakangiting saad ni mom sa akin.

“Wala po akong gana,” sambit ko. Wala talaga akong gana ngayon, wala akong gana sa lahat.

“Kahit kaunti lang anak,” hindi ko alam kung bakit naiiyak na naman ako ngayon dahil siguro nakikita kong nagsisisi si mommy na tinago niya iyon sa akin. Hindi ko alam kung bakit tiniis ni mommy si daddy. Bakit siya nagtiis sa lalaking hindi siya kayang mahalin. Sa lalaking may ibang mahal.

“Mom, ayoko po. Gusto ko muna pong mapag-isa,” sabi ko at tumalikod sa kaniya. Narinig ko ang pagbuntonghininga ni mommy. Kumirot ang dibdib ko, iniisip na nasasaktan si mommy ngayon, katulad ko.

All for Love (Salazar Series #1) ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon