Tilaok ng manok ang gumising sa aking kinabukasan. Lumabas ako ng aking silid para hanapin sina Laila. Kagabi, pagkatapos naming kumain ng shake ni Arci ay namaalam akong magpapahinga lang ngunit hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. Marahil ay sa sobrang pagod sa trabaho. Hindi ko na rin namalayan kung anong oras umuwi ang magkapatid.
Pagkaratimg sa kusina, naabutan ko silang kumakain ng agahan. Si Lola ay nasa kabisera, sa kanan niya ay si Renz at sa kaliwa ay si Laila na katabi ang kumakain ding si Arci.
"Magandang umaga," masayang bati ko. Sabay-sabay silang lumingon sa aking gawi.
"Magandang umaga rin, Vina. Halika at mag-agahan ka na rin," yaya sa akin ni Laila. Natuwa naman ako kay Arci na nag-abala pang bumaba para ipaghila ako ng aking upuan. Kahit kailan talaga ay napakabait ng batang ito.
"Salamat bebe," sabi ko saka pinisil ang matambok n'yang pisngi. Nagsandok ako ng kanin, kumuha rin ako ng pritong itlog at tuyo. Nagtaka ako kay Renz kung bakit bigla siyang tumayo at nagtungo sa kusina. Pagbalik niya ay may bitbit na siyang isang basong gatas at inabot sa akin. "Salamat. Naku, spoiled na spoiled talaga ako sa inyo," biro ko na may halong katotohanan. Masyado kasi nila akong inaasikaso kahit ilang beses kong sabihin na kaya ko naman. Kesyo hindi naman daw para akin ang ginagawa nila kundi para sa baby ko. Still, nagpapasalamat pa rin ako.
"May gaganaping pagtitipon mamaya sa foundation na ipinatayo ni Gene kaya wala kaming luto ngayon sa karendirya. Sa pagkakatanda ko e ngayon ang opening at blessing. A-attend ka ba?" tanong sa akin ni Laila.
"Hindi siguro," sagot ko. Tanging sa plato nakapako ang aking tingin habang kumakain. Naisip ko rin kung pupunta ba ako o hindi. Gusto ko. Gusto kong makitang natutupad ang mga pangarap ni Gene. Pero natatakot ako. Paano kung wala siya d'on? Paano kung hindi pa rin siya magpakita? Paano kung hindi na siya bumalik?
"Lahat ng taga-barangay lawa ay pinadalahan ng imbitasyon. Maging ang mga guro sa unibersidad ay imbitado. Ang sabi e dadating daw mismo ang may-ari," pagpapatuloy ni Laila. Napatigil ako sa pagsubo. Biglang bumilis ang tibok ng aking puso.
"S-Sigurado ka?" Darating si Gene?
"Iyon kasi ang bali-balita. Malay mo dumating siya."
"Paano kung hindi?" tanong ko. Hindi siya nakasagot. Bigla akong nanlumo.
Nagpakawala ako nang isang malalim na buntonghininga.
Nawawalan na ako ng pag-asa. Matapos ng trahedyang nangyari sa amin, bigla na lang siyang naglahong parang bula. Buong akala ko ay patay na siya. Akala ko tulad ng anak namin ay iniwan na niya rin ako. Halos mamatay ako sa sobrang lungkot. Akala ko mag-isa na lang ako. Si Tamara naman ay naglaho rin. Hindi na siya nagpakita o nagparamdam matapos niyang barilin si Gene. Galit ako sa kanya. At the same time ay natatakot akong muli siyang magpakita at guluhin kami ng anak ko. Ayokong mawalan sa pangalawang pagkakataon. Ayokong masaktan muli.
Mabuti na lang sinabi nina Nanay at Papa na may isa pa akong anak na nasa sinapupunan ko. Nagulat ako. Hindi ko alam na kambal ang aking pinagbubuntis. Anila, may anak pa akong lumalaban at hindi ako iniwan. Kailangan ko raw tatagan ang aking loob. Ang sabi raw ng doctor, isang himalang nakaligtas ang bata. Tila pinurotektahan ng isa sa kambal ang kapatid niya. He sacrificed himself para siguro hindi ako lubos na masaktan.
Nasaktan pa rin ako dahil nawalan ako ng isang anak. Sayang at hindi ko man lang siya nakita. Hindi ko man lang siya nahawakan at nakarga. Kahit ang puntahan siya sa puntod ay natatakot akong gawin. Natatakot akong maramdaman muli ang sakit at pangungulila.
Kaya pinangako ko na lang sa aking sarili na aalagan at iingatan kong mabuti ang batang nasa tiyan ko. Hindi ko siya hahayaang mapahamak. At hindi ko hahayaang mauwi sa wala ang sakripisyo ng kuya niyang anghel. Ginawa ko siyang inspirasyon para magsimula muli. Sa kaniya ako humuhugot ng lakas sa tuwing nawawalan na ako nang pag-asang makita si Gene. Sa kaniya ko ibinabaling ang aking pangungulila. Sa ngayon, bukod sa aking pamilya, siya na lang ang meron ako.
BINABASA MO ANG
He Owned Me At Seven
Ficção Geral*COMPLETED Ang storyang ito ay patungkol sa batang lalaki na si Gene. Siya ay umibig kay Vina na mas matanda sa kaniya ng pitong taon. Sa edad na pito ay niligawan niya ang dalaga ngunit hindi nito sineryoso ang kanyang panliligaw sapagkat para dit...
