Sabi nila tuwing nagsusulat daw kaming mga manunulat, gumagawa kami ng panibagong sansinukob
Isang bagong mundong mga karakter lang namin ang nabubuhay
Tapos kami raw 'yung Diyos kasi kami 'yung kumokontrol ng tadhana nila
Kami rin 'yung nagdedesisyon kung araw o gabi na ba mamaya
Pati 'yung mga pinakamaliit na detalye e kami ang gumagawa
Nag-iimbento ng isang karakter na may halo-halong ugali na ginawang iisang personalidad
Bawat tusok sa puso nila ay kami rin ang tumatangka
Pero bawat saya at ngiti, kami pa rin ang may pakana.
Gusto kong sumulat ng panibagong libro dahil doon
'Yung tipong lahat ng gusto kong mangyari e naroroon
Para kahit 'yung sarili kong karakter na inilagay ko sa ibang mundo
E nararanasan 'yung gusto kong maramdaman sa sariling mundo natin ngayon.
Ang sansinukob na iyon ay magiging kakaiba
Pupunuin ko ng mga bagay na hilig ko
Tulad ng pag-ibig, ng saya, ng pagkakaibigan at iba pa
'Yung lungkot at mga luha ay mananatili sa baba
Hindi ko na kailangang umiyak pa.
Kaya kung susulat man ako ng panibagong libro
Magiging tungkol iyon sa iyo
Isang bersyon ng ating pag-iibigan
Kung saan hindi mo na kailangang umalis kailan man.
'Yung tipong makukuha mo pa rin 'yung orihinal na pangarap mo
Pati na rin siguro ako kasi nandito naman talaga 'yung akin
Kumpara sa sansinukob na nasaan tayo
Ibang tadhana ang ilalaan ko para sa'yo.
Puwede rin naman kitang ilagay sa mundo kung saan hindi mo ako makikilala
Hindi mo ako mamahalin at hindi mo ako susuyuin kapag tinotopak
Hindi mo malalaman 'yung amoy kong kumakalat ngayon sa kwarto mo
O kaya iibahin ko 'yung nararamdaman mo
Aalisin ko 'yung nararamdaman mo para sa'kin
Nang sa gayon e hindi ka mahihirapang ipaintindi
Na kailangan mo 'tong gawin
Na hindi ko makukuha 'yung gusto ko lagi
Na hindi ka puwedeng manatili.
Kaya sa halip na gumawa ng bagong libro
Ginawa ko na lang ang tulang ito
Para hindi ko na kailangang gumawa ng bagong sansinukob
Kung saan tayo ang mga tauhang tadhana'y magbubunggo
Siguro kailangan ko na lang masanay sa sitwasyon na ito
Kailangan kong tanggapin at damdamin bago dumating ito
Sa ating sansinukob ay pipiliin kong maging masaya
Bawat sandali ay lubos na pahahalagahan
At sa pag-alis mo'y gugunitain ang bawat alaalang pinagsamahan.
Kung saan mo maabot ang pangarap mo
Doon ako sasandal
Kahit na may hanging umiihip
Para pwersahin ang mga daliri kong magsulat
Dahil kapag gumawa ako ng bagong sansinukob
Baka hindi na kita pakawalan
At sa halip na tumigil ako sa pagluha
Lalo lang akong umiyak.
Dahil ang pangarap mo'y wala sa akin
Kundi sa iba
Hindi ka mananatili
Hindi aayon sa aking mga hangad
Buong respeto ko nang tinatanggap
Na hindi ka mananatili
Pero hindi ko maipapangakong ito ang huling manuskritong
Tungkol sa'yo at sa iyong pag-alis.
YOU ARE READING
Sun and Moon
No FicciónJust like the sun; she's glowing and shining. A bright red color that symbolizes passion and fierceness. Until she meets someone just like the moon; peaceful and subtle. He's understated and he's there. She's there.