Kabanata II

4.4K 246 104
                                    

MAGBUBUKANG liwayway nang nagkalkal ng mga mahahalagang pagmamay-ari si Chloe at itinapon ito sa dalawang malalaking maletang nakabalandra sa kaniyang kama.

Pagkatapos ng tagpo sa serbeserya ay nagmamadali siyang umuwi sa puntong nakalimutan na ang bitbit na motorsiklo na balak niya pa sanang ipaayos.

Ano mang segundo ay inaasahan niya ang pagparada ng sasakyan ng mga Monroe sa tapat ng kanilang munting bahay.

Nasa ikalawang palapag, natutulog nang mahimbing ang kaniyang mga magulang ngunit wala silang alam sa maaaring—hindi—ang mangyayari dahil sa panglalaban niya sa palalong royal na tiyak ay nais gumanti sa kaniya sa pagsuntok niya sa sikmura nito bago tumakas pauwi.

Ngunit kahit mabilisan siyang nag-iimpake ay wala pa siyang nabubuong plano sa kaniyang isip. Oo, magpapaka-layo na siya upang hindi madamay ang mga nagpalaki sa kaniya. Kinonsidera niyang tumungo sa Hawaii, kung saan ay tiyak na walang makakakilala sa kaniya.

Batid niyang mangungulila siya sa gagawing paglisan; sa bahay, sa kuwartong ito, na hindi man niya tulugan madalas dahil isa siyang bampira ay tumayong kastilyo niya sa loob ng dalawampu't isang taon, at higit sa lahat, sina Louis at Lorna.

Bumaba siya na bitbit ang mga gamit at dumiretso sa kusina. Kailangan niyang magbaon ng maraming dugo upang hindi pahinto-hinto sa daan. Malapit nang gumising ang araw. Tamang-tama ito para wala siya masyadong mga bampirang makasalamuha.

Napabalikwas siya nang makarinig ng ingay, dumadagundong ang patay niyang puso. Sinundan niya ang pinanggagalingan nito sa loob ng kusina na parang iyak na matining ngunit mahina.

Patuloy siyang naglakad palapit sa pridyeder. Marahan niya itong binuksan at nagulat sa maliit na nilalang na narito.

Maging ang nilalang na wala pang isang talampakan ay nabigla sa kaniyang presensya. May anyong tao ito, malaki ang mga mata na may impresyon ng kuryosidad, at may kulay abelyanang kutis na tila pinaliguan ng pampakinang. Mahaba ang tungki ng kaniyang tainga, maigsi ang kulay rosas nitong buhok at ang kasuotan ay kulay berde.

"S-sino ka?" Wala siyang sagot na natanggap. Hindi alam ni Chloe kung paano sisimulan ang ingkisisyon. "Anata wa nihongo o hanasemasu ka?" Wala siyang sagot na natanggap. "Greek? Spanish? English... maybe?"

Nagbago ang timpla ng mukha ng maliit na babae at naglabas ng supot mula sa bag na nasa likod niya. Ipinasok niya ang kamay rito at may inilabas na makintab na pulbo. Nang hipan niya ito papunta sa dalaga ay parang dumami ito, saka naglipana sa direksyon niya.

Nahirapang huminga at nagsunud-sunod ang ubo ni Chloe. Tumalon ang nilalang sa likuran ng bampira, tapos sa counter, hanggang sa makalapag sa sahig. "T-teka!" hirap na pagtawag ng dalaga sa gitna ng paghagilap sa sarili. Mabilis man at mahirap hanapin ay sinubukang habulin ni Chloe ang maliit na babae.

Ngunit natalisod siya sa alpombra sa sahig at natumba. "Gah!" Umikot siya sa kaniyang likod upang kaagad na tumayo. Pumatong naman sa dibdib niya ang maliit na nilalang, may hawak na hiringgilya. Bakas ang paghihirap niyang kargahin ito.

Hindi alam ng dalaga kung anong likido ang nasa loob nito ngunit ayaw niyang pumusta sa kapalaran. "Anong kailangan mo?"

"May hinuling usa ang lalaking nakatira rito sa kagubatan kung saan kami nakatira. Nasaan na iyon?" pa-sigaw na tanong nito.

"Usa? Ewan. Malamang naibenta na ni Papa 'yon." Itinutok niya ang hiringgilya kay Chloe na nag-tiim bagang, kinokonsidera na huliin na lamang ang bubwit na kung tutuusin ay sisiw lang sa kaniya. Nangibabaw ang kaniyang pagkausyoso.

"Saan ibinenta?!" asik niya, nanginginig ang boses.

Nanlambot ang ekspresyon ng bampira. "Sa palengke. Bakit ba?"

"Ako lang ang magtatanong sa 'ting dalawa!" Sa katigasan ng ulo ng nasa harap niya ay napabuntong hininga siya.

"Malamang kinatay na ang usang iyon para makuha ang dugo. Kung sasabihin mo sa 'kin kung anong kailangan mo, baka matulungan pa kita."

"K-kinatay?!" Tila naubos ang duga sa mukha niya. "Hindi p'wede! Si Algo! Nasa loob no'n!"

"Algo? Kaibigan mo?"

"Oo... Aksidente siyang nasubo ni Yshna habang nakikipaglaro siya rito. T-tapos— d-dumating ang lalaking 'yon—" nangingiyak na panguwento nito habang unti-unting ibinababa ang hiringgilya. Natuliro ang dalaga, hindi alam ang gagawin.

"Uhh..."

Humagulgol siya nang malakas. Namangha si Chloe kung paanong ang maliit na katawan nito ay nakakaya iyon. "Tahan na, dwende. Ako nga pala si Chloe. Kung gusto mo, p'wede kitang isama sa pinagdalan do'n sa... do'n kay Yshna..."

Sa alok niya ay tumigil ang dwende sa pag-iyak at tinitigan siya nang malalim. Lumipad ang atensyon nito mula sa tingin ng bampira sa kaniyang kwintas at nanlaki pa lalo ang namumugtong mga mata.

"Ang simbolong 'yan! Isang crescent moon?"

"Sobrang nakagugulat ba sa mga bampira ang maging mahilig sa buwan?" taas kilay niyang komento.

"Ang simbolong 'yan ay tanda ng angkan ng Ashbourne. Pero ang alam ko ay ubos na sila."

Sa pangangalay ay kinuha niya ang dwende para makaupo nang maayos. Ito naman ay pumwesto sa kaniyang palad.

"Oo na. Isa akong Ashbourne ngunit lihim lamang ito. Bawal mong ipagsabi kahit pa sa mga kapwa mo dwende." Bumakas ang isang malapad na ngiti sa mga labi ng maliit na babae na tila nakatunghay ng mirakulo.

"Kaya pala magaan ang loob ko sa 'yo." Rumolyo ang mata ng dalaga. "Ako nga pala si Millie!" Mabilis siyang tumayo, nagtanggal ng sumbrero at inilapat ito sa kaniyang dibdib. "Ngayon lang ako nakakita ng pure-blood. Kaya pala tila may kakaiba sa 'yo!" sabik nitong paliwanag.

"Hmm..." Luminga sa orasan si Chloe. Mag-a-alas sais. Ibinaba niya si Millie at tumayo para ipagpatuloy ang balak kaninang magbaon ng dugo.

"Teka! Akala ko ba dadalhin mo 'ko kay Algo?!" hiyaw nito habang sinusundan ang malalaking yapak ng bampira.

"Dadalhin kita. Marunong akong tumupad sa usapan."

Ngumiti muli ito nang nakalabas ang ngipin pero bigla ring napatili sa pagbitbit ng dalaga sa kaniya para ilagay sa balikat. Kinuha rin nito ang kaniyang mga maleta sa salas at dumiretso sa pintuan.

Hindi na siya sumilip sa mga magulang sa takot na magbago ang kaniyang isip. Paalam, aniya sa isipan.

"Handa ka na?" turan niya kay Millie ngunit batid na para sa sarili niya talaga iyon.

"Go!" sagot nito nang nakataas pa ang kanang braso sa ere.

Pagkabukas niya ng pinto ay tumigil ang mundo niya.

Naunahan na siya ni Jonathan na may mala-demonyong ngiti sa labi.

"Chloe Ashbourne, we need to talk."

Bad BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon