PATULOY sa pagtakbo si Chloe. Hindi na niya alam kung saan siya dadalhin ng mga binti. Ngunit hindi opsyon ang magpahuli.
Tiyak niyang wala na siyang kawala sa kamatayan kapag nahanap siya ni Margeau.
"S-saan na ba tayo? Bakit ba kasi ang laki ng school na 'to?" daing ni Millie.
Palubog na ang araw. Halos wala nang nagkaklase. Magandang bagay ito para hindi makita. Mahirap naman dahil walang liligtas sa kaniya.
Huminto si Chloe sa pagtakbo. Nakatutok sa kaniya ang isang pahalang na pana.
At sa dulo nito ay si Zachary ang may hawak.
"D-doctor Pierce."
Kinalabit ni Zachary ang gatilyo at lumampas ang bala nito kay Chloe. Tinamaan nito ang bampirang nasa likod niya na akma siyang huhulihin. "Tranquilizer," paliwanag niya nang bumagsak ang bampira sa lapag. "Narinig ko ang nangyayari. Ayos ka lang?"
"Buhay pa naman. Hindi ba't staff ka rito? Wala ba kayong gagawin sa nangyayari?" sumbat niya.
Ibinaba ni Zachary ang armas sa gilid niya at lumapit.
"Itatakas kita."
"Chloe Ashbourne!" Umalingawngaw ang boses ni Stella sa marmol na pasilyo. "Survival of the fittest, right? Come out and fight me!"
"Seriously?" pagmumuni ni Chloe sa sarili.
"I think more than anything, psych eval ang kailangan ng school na 'to," komento ni Millie.
Sa pangunguna ng doktor, tumakbo sila palayo roon.
Hindi matapos-tapos ang looban ng gusali. Kung kailan kailangan niyang makaalis ay saka pa naguluhan si Chloe sa mga daanan.
"Mag-ingat ka sa mga kinakalaban mo, Chloe," banta ni Zachary sa kanilang paglalandas.
"Actually," kaagad niyang tugon habang tumatakbo. "Wala akong kinakalaban. Trip lang talaga nila ako."
"Na saan na ba si Tristan?" sabad naman ni Millie.
Sa yabag sa kanilang harapan ay kaagad silang napahinto—nakatutok sa paparating na likuan, handa sa kung sino man ang dadating.
Na walang iba kung hindi si Lorraine na tabingi pa rin ang ilong mula sa huli nilang engkwentro.
Inagaw ni Chloe ang pana at siya mismo ang nagtutok dito. Nagtaas ng dalawang kamay ang naaalarmang babae.
"H-hindi ako nandito para kalabanin ka."
"Talaga? Pagkatapos mong pagtangkaang patayin ang kaibigan ko?" pagtataray ng dwende.
"Tatakutin ka lang namin. Hindi ka naman namin pwedeng patayin dahil literal na partner ka ni Margeau."
"Sa tingin mo sa sinabi mo mare-resolba ang lahat?" tugon ni Chloe.
Bago pa man humantong sa bagay na hindi nila mababalikan ang lahat, pumagitna si Zachary sa dalawang babae. "Pakinggan natin siya. Nandito naman ako kaya kung may gagawin siyang masama, ako ang makakaharap niya."
"Ayos," asik ni Millie. "Hindi pa pala sapat ang isang hindi mapagkakatiwalaan sa Oplan Pagtakas-Sa-Lochan."
Umiiling, nagpatuloy sa paglalakad si Chloe. Nag-aatubiling sumunod ang dalawa. "Anong kailangan mo, Lorraine?" muli niyang pagbubukas ng usapin.
"Noong... noong ginantihan ako ni Tristan sa ginawa ko sa 'yo... natauhan ako. Hindi ka lang basta-bastang bampira na gustong i-bully ni Margeau. Ikaw si Chloe Ashbourne. Parte ka ng isa sa mga makapangyarihang royal family sa kasaysayan ng mga bampira. At 'yong nasa panig mo si Tristan, na hindi ko man kilala gaano ay nakikitaan ko ng matinding lakas; tapos kinakalaban mo si Dean, si Margeau, it's proof that you are no ordinary vampire."

BINABASA MO ANG
Bad Blood
VampirosEver imagined a world run by vampires? Stop imagining. Dahil sa mundong ginagalawan ni Chloe, wala nang taong nabubuhay. At bilang nag-iisang miyembro ng angkang Ashbourne, ang nag-iisang pamilyang dumepensa sa mga tao, kailangan niyang magtago mu...