KASABAY ng paglubog ng haring araw ay siya namang paglabas ng mga nilalang ng gabi. Nagkukubli sa likod ng kanilang mga bintana, sumisilip mula sa kurtina, ito ang pinakaaabangan nila sa bawat araw na lumipas.
Sa ikalawang palapag ng isang munting bahay sa gitna ng karaniwang siyudad ay may naghihintay. Kagaya ng iba ay nakatakip ang mga bintana nito ng pinagtagpi-tagping mga kariton. Walang nakatatakas paloob, ni ilaw, bukod sa butas na kasing laki ng mansanas dito.
Isang asul na dagat ang nakasilip, malinaw na kristal ang mata ng isang dalagang nanonood sa mga kapwa niya na magsisimula pa lamang sa kani-kanilang mga araw.
Ang isa ay kumukuha pa lamang ng mga sinampay, may nagbubukas pa lang ng tindahan. Nabuhay ang kalsada sa ingay na buhat ng mga nilalang na ito, mga nilalang na may isang katangiang pinagkapare-pareha; lahat sila ay may mga pangil.
Nagsimulang magsuklay ang dalaga ng itim niyang buhok na abot dibdib—namumutla ang labi at pisngi.
Naputol ang kaniyang pagmumuni sa pagkatok sa pinto. "Chloe, aalis na kami," saad ng boses ng isang babae.
Hinagilap niya ang kwintas sa tabi ng kaniyang kama, may disenyong gasuklay na buwan na buo sa pinakamagandang bato; diyamante.
"Pababa na," tugon niya nang mahina. Isinuot niya ang kwintas at nanatili ito sa balingkinitan niyang pigura na kagaya ng kaniyang mukha ay tila naubusan ng kulay.
Nang kuntento na siya ay lumabas siya sa madilim at malungkot na silid, pababa sa salas kung saan nagsusuot ng kupya ang hitsurang nasa kuwarentang lalaki.
"Pa," bati niya rito. Itinaas ni Louis ang salaming humaharang sa kaniyang paningin at kumindat. Hindi maiwasang ngumiti ni Chloe. "Baka naman makumbinse mo si Mama na pasamahin na 'ko ngayon."
"Naku, Anak. Siya na ang tanungin mo." Hinilig niya ang tingin sa kusina. "Lorna, tapos na raw sa gawain itong si Chloe," pasigaw niyang pahayag. Yumakap ang dalaga sa kaniya, nakasuksok ang mukha sa leeg nito.
"Puno na ang mga bote sa ref, ha." Lumabas si Lorna na may dalang koleksyon ng susi. "Ako itong pinipilit mo pero si Papa mo ang may yakap. Nasa'n ang hustisya?" biro nito saka umalik-ik nang tumungo sa kaniyang direksyon ang anak.
"Alam mo, Anak," muli niyang salita habang hinahaplos ang malamig na pisngi nito. "Hindi ka namin maisasama sa trabaho. Iba ang mga bampira ro'n. Masyado silang matatalas at... mabagsik. Kumuha ka na lang ng pera sa lalagyanan ko at magliwaliw. Ayos ba?" nakangiti nitong usal.
Tahimik na tumango ang dalaga.
Siya si Chloe Donovan, isang bampira.
Taong 1972, lumabas sa sangkatauhan ang katotohanan sa kanilang identidad. Ang mga bampira ay may natural na karisma, magaling mangumbinse. Masasabi nga na isa iyon sa abilidad ng gaya nila. Nagawa nilang makipagkampi sa mga tao para talunin ang mga taong lobo, o mas kilala sa buong mundo bilang werewolves.
Ang mga taong lobo ay hindi lang sa mga bampira nagdadala ng peligro kung hindi pati na rin sa mga tao. May mga panahon na hindi nila kontrolado ang kanilang sarili, at may anyo sila na ubod ng lakas kumpara sa mga bampira at sa mga tao— ang paliwanag nila sa huli. Hindi naglaon, nagwagi sila sa paglupig sa mga lobo hanggang sa naubos na lang sila. Isa itong marka sa kasaysayan ng kanilang lahi.
1980, ipinanganak si Chloe at kalagitnaan ng labanan sa pagitan ng mga tao at bampira. Walang makapagsasabing tunay kung ano ang nangyari pero ayon sa karamihan ng mga bampira, ang mga tao ang nagsimula nito. Natakot sila sa katotohanang may mas malakas sa kanila, kagaya ng naging takot nila sa mga taong lobo. Kumilos. Dumating na lang sa puntong maging sila ay wala na at mga bampira na ang nagmamay-ari ng mundo. Sa panahong ito ay hindi lang sila ang naging malaya, pati na rin ang ibang nilalang na nagkukubli sa mga anino.
BINABASA MO ANG
Bad Blood
VampireEver imagined a world run by vampires? Stop imagining. Dahil sa mundong ginagalawan ni Chloe, wala nang taong nabubuhay. At bilang nag-iisang miyembro ng angkang Ashbourne, ang nag-iisang pamilyang dumepensa sa mga tao, kailangan niyang magtago mu...