Kabanata XXVII

1.2K 81 11
                                    

MAGANDA ang pagmulat ng mata ni Chloe nang hapon na iyon, at agad itong nahalata nina Millie at Ariel pero walang nagbigay komento sa isa sa kanila.

Bumaba sila para kumuha ng rasyon ng dugo para sa dalawang bampira habang gulay naman kay Millie. Pagkakain ay bumalik na si Ariel sa kanilang kuwarto gaya ng dati at naglakad-lakad naman sina Chloe gaya ng nakagawian.

"Ano bang nginingiti-ngiti mo riyan, Babae?" usisa ng dwende nang hindi na ito makatiis.

"Walaaa," pakanta niyang sagot.

"Aba, naglilihim ka na ah!" Piningot niya ang tainga ni Chloe.

"Aray naman! Mamaya na lang, 'pag ready na 'ko."

"Hala, ang harot!"

"Basta kasi!"

Sa gitna ng paglalakad nila ay may humintong itim na sasakyan na sigurado siyang nakita na niya noon. Bumaba ang bintana at natuklasan nilang si Sabrina pala ito na nakasuot ng itim din na aviator.

"Hi, Chloe. P'wede ka bang nakawin saglit?"

"Excuse me?" Pinag-krus ni Millie ang mga maliliit na braso. "Dumaan ka muna sa manager niya, Hija!"

"Behave, Mils," suway ni Chloe. "Bakit, Sabrina?"

"Malalaman mo rin." Binaba nito ang salamin sa mata at kinindatan siya. Naalala niya si Tristan sa kilos na iyon. Napaisip tuloy siya sa kalagayan ng binata.

Nilingon ni Chloe ang kaibigang nasa balikat na inilingan siya sa nabasa sa kaniyang isip. Binaba niya ito sa lupa.

"Kita na lang tayo mamaya," paalam nito habang papasakay sa tabi ng babae.

"Sige. Ingat!"

Itinaas muli ni Sabrina ang mga bintana.

Palubog na rin ang araw nang iikot siya ni Sabrina sa bayan. Napansin niyang nagsisimula nang magsibukas ang mga bintana ng mga bahay at gusali. Isa na namang araw iyon para sa mga bampira. Saglit siyang nangulila sa noo'y rutina niya bago makilala si Jonathan.

"Tahimik ka pala, ano?" panimula ni Sabrina habang ang mga mata niya'y hindi nililihis sa kalsada.

"Honestly, wala rin naman kasi akong sasabihin," diretso nito nang mapakapit siya sa dashboard dahil sa matulis na liko na ginawa ng kasama nang may papaabante sa kanilang rumaragasang sasakyan. Nag-tiim bagang siya upang pigilin ang sarili na magsalita.

"P'wede ka namang magtanong kung wala kang sasabihin." Napalanghap si Chloe pagkalingon sa kasama saka naamoy ang pamilyar na dugo ng tao. Nanlisik ang mata niya at tila may sariling isip ang mga kamay na pinipigilan niyang sunggaban si Sabrina.

Nasisira na yata niya ang hawak na dashboard.

"I-isa kang tao!"

"Tanong ba iyan?"

"Sabrina!" Hininto niya ang sasakyan at hindi namalayan ni Chloe na dinala pala siya nito sa isang serbeserya. "Nababaliw ka na ba?!" Halos magdugo ang labi niya sa pagkakakagat dito.

Walang sabi-sabi'y bumaba ang tao.

Napansin ni Chloe ang isang lalaking turned vampire na papalabas sa serbeserya at napababa rin sa namumuong pagkabahala. Mapusok at mapang-akit ang paglapit ni Sabrina rito na siguro'y naguguluhan din sa nalalanghap niyang amoy ngunit hindi kagaya ni Chloe, hindi nito nilabanan ang pagnanasa.

"Shit," bulong niya sa sarili. "Sabrina, tara na!"

Sinunggaban ng lalaking bampira ang buhok ni Sabrina upang ilapit ang mukha niya rito pero bago pa mahuli ang lahat ay nilaslas ng tao ang leeg niya gamit ang isang patalim na nakasukbi sa kaniyang kamay, saka siya itinulak sa lupa at sinaksak sa noo na dahilan ng pagkamatay nito.

Bad BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon