"ELENA!" nananabik na tawag ni Holly. Pagkababa ni Tristan dito sa tubig ay agad nagyakapan ang tatlong mga lamang-dagat. Pagkabitiw nila sa isa't isa ay humarap si Attila sa mga bampira nang nakakunot ang noo.
"Mukhang... nagkamali ako sa inyo. Humihingi ako ng tawad. At tinatanaw ko itong isang malaking utang na loob, reyna ng mga bampira, Chloe." Tumango lamang si Chloe, nag-iinit ang dibdib sa titulo.
"Teka, Elena. Siya ba iyong kinuk'wento mong gwapong taga-lupa?" malakas na bulong ni Holly na tinutukoy si Tristan.
"Hahaha oo. Nahuli niya akong pinapanood siyang naliligo, dito rin mismo!"
"Buti nga at napagtanto ko kaagad na isang maamong sirena lang pala iyon," naaaliw na kuwento ni Tristan habang inaalala ang pagkakakilala nila.
"Eh wala ka naman palang pinagkaiba kay Jon, Tristan!" pahapyaw ni Millie.
"Anong ibig mong sabihin?" nalilito nitong inkwira.
"H'wag mo siyang pansinin," depensa naman ni Chloe.
"Ano nga bang kailangan ninyo at ninais n'yo kong kausapin?" mabait na tanong ni Elena.
Umalis sila sa lawa nang may dalang kaliskis ng buntot ng sirena at boses nito na naka-preserba sa isang kabibi. Tig-isa para sa bawat magkapareha.
"Yo. Itutuloy na ba natin ang vodka mga kaibigan?" pahagip ni Joshua na sinang-ayunan ng lahat habang nasa likod ng trak.
"Ang swerte ng Margeau na 'yan! Wala namang naitulong!" daing ni Millie na nasa tabi lang ng bote.
"Sana nga ikaw na lang ang partner ni Chloe," dagdag pa ni Tristan.
"Hayaan n'yo na. Kung hindi naman siya pikunin, baka hindi ko nakuha ang atensyon nila, 'di ba?" Bahagya siyang tumawa.
"Kung ako rin naman ang nakatanggap ng solid hit sa mukha, hindi lang ako mapipikon!" bulalas ni Joshua na may kasama pang aksyon. "Pero, guys, ingat na tayo. She's Margeau Vector," sabi nito na may diin sa apelyidong binanggit. "They're one of the most powerful clans around."
Hindi umimik si Chloe. Naalala niya ang gabing iyon kung kailan nasaktan si Tristan dahil sa kaniya.
"Hindi n'yo ba alam ang kwento ng angkan nila?" Nang walang sumagot ay nagpatuloy siya.
"Dati pa man, kinatatakutan na talaga sila dahil sa kakaiba nilang kapangyarihan. Pero hindi lang ordinaryong mga bampira ang takot sa kanila; maging mga elders. Sabi ni Papa, hinintay lang daw ng mga 'to na gumawa ng mali ang mga ninuno nina Margeau. Alam kong kaya nilang magpa-massacre ng isang buong pamilya pero I didn't think they could be that cruel." Kunwari'y hindi tinamaan si Chloe kahit pa nais niya sanang barahin ito. "They had the members of the Vector family wear shock collars. Kapag gumamit sila ng kapangyarihan, it goes off. Kahit may royal blood din sila, their status was as low as turned vampires. They are slaves to the elders. Their very own killing machines."
Kinilabutan siya. Hindi lang siya—maging ang mga kasama. Nagpalitan ito ng mga tingin. Walang nagsalita. Animo'y nagkukuwento ang kaibigan ng nakatatakot na istorya.
"Until Ainsley Vector, elder Henry and Margeau's old man, planned a coup d'état. At least, 'yon ang sinabi ni Henry nang dinala niya ang ulo ng nasa dalawampung kamag-anak nila ni Margeau sa bahay ni elder Bruce."
Naging tahimik ang buong byahe. May ideya sila sa kakayanan ng magkapatid. Alam nilang sa panahong nakilala nila si Margeau ay puros kasamaan ang pinakita nito sa kanila. Ngunit hindi nila akalaing may klase ng nilalang na kagaya ni Henry. Isang halimaw.
Ibinaba nila si Joshua at hinatid na rin ni Tristan ang dalawa sa Neilson Manor.
Nauna nang umakyat si Millie dahil sa pagkahapo ng katawan. Napatakbo si Tristan sa halamanan para sumuka. Halata sa kaniya ang paghihirap, bakas sa mukha ang sakit na pinagdadaanan at pilit itinatago.
"Ayos ka lang?" Lumapit si Chloe sa kaniya at hinadhad ang kaniyang likod sa pag-aalala ngunit nabigla ito sa amoy na nalanghap niya—amoy ng sariwang dugo ng tao. Bumitiw ito at napaatras. Napansin naman ito ng lalaki.
"Eh ikaw, ayos lang?" Mahina ang tawa ni Chloe dahil na rin sa hindi niya gusto ang nararamdamang pagkauhaw para sa dugo ng matalik na kaibigan. Bakas pa ang mga peklat nito na buhat ng pang-aabuso nina Dean.
Inabot siya ni Tristan ngunit lumayo ang babaeng bampira. "Gusto mo bang uminom? Napansin ko na parang may iniinda ka sa bandang baga mo."
"Ayos na ako, Tristan. Salamat," naiinis niyang sagot. Hindi niya mawari kung bakit iisipin ni Tristan na tatanggapin niya kailan man ang dugo nito at nasaktan dito. "Good night. Mabuti pa't umuwi ka na. Baka naghihintay si Sabrina."
"Siguro nga. Sige. Paalam." Nakaramdam naman ng kirot sa puso si Chloe sa narinig at kumpirmasyon na may malalim na relasyon nga ang dalawa at nakatira pa sa iisang tahanan.
Binati niya si Wilson paakyat ng kuwarto. Pagkasilip niya ay tulog na si Millie habang si Ariel naman ay hindi maistorbo sa kung ano mang ginagawa sa netbook niya. Lumabas muna siya para magpahangin saka napansin na bukas pa ang opisina ni Delphine.
Lumabas mula rito ang Madame at ang bampirang doktor.
"Uh..." Para siyang kriminal na nahuli sa akto kahit hindi naman niya alam kung bakit.
"Hello, Chloe," bati ni Delphine.
"Hi."
"Sige, Delphine. Mauuna na rin ako," paalam ni Zachary nang hindi napipilas ang titig sa pure-blood.
"Mag-ingat ka sa daan," kinikilig pang sagot ni Delphine kung saan gustong umasim ng mukha ni Chloe.
"Maaari mo ba 'kong ihatid palabas, Chloe?" Nagulat ang dalawang babae at nawala ang galak sa mas matanda.
"Walang problema sa 'kin."
Tahimik ang paglalakad ng dalawa pababa ng gusali.
"Ayos ka lang ba?" biglang usisa ng doktor.
"B-bakit?" Dahan-dahan siyang iginilid nito at hinawakan ang tagiliran. "Anong ginagawa mo?"
Bumuntong hininga ang doktor at sa pag-aalala nito ay hindi mawari ni Chloe ang konsensyang bumalot sa kaniya. "Kailangan kitang maayos. Anong nangyari rito?" Diniinan niya ang pagkakahawak kaya napakislot si Chloe. "Patawad."
"Ayos lang."
"Hindi mo dapat inaabuso ang katawan mo."
"Ano ka ba? Nakalimutan mo na bang bampira tayo?" biro nito.
"At nakalimutan mo na bang isa akong bampirang doktor?" Nagkangitian silang dalawa na isang manerismong hindi na yata maiaalis sa pares. "Simula nang mawala ang mga tao, naging mahina na rin tayo. Minsan akala natin hindi na natin kailangan ang mga bagay-bagay, hanggang sa unti-unti na itong nawawala sa 'tin." Pagkalabas nila ay humarap ang dalawa sa isa't isa. Hinawi ni Zachary ang buhok ni Chloe sa likod ng kaniyang tainga.
"Wala kang amoy ngayon a." Natawa ang doktor. Yumuko ito nang dahan-dahan para halikan si Chloe sa labi.
Nagulat siya sa sarili na hindi niya ito tinanggihan. Halos daplis lamang ito hindi kagaya ng nauna pero may kakaibang ginhawa itong dulot sa kanilang dalawa—kuryente na nagpakiliti sa mga puso nila.
"Mahal kita, Chloe. Kung ayos lang sana, nais kong higit pang maiparamdam sa 'yo ito. At mas makasama ka palagi."
"Inaaya mo ba 'ko maging girlfriend?" tukso niya.
Sa totoo lang ay pagod na siyang magalit pa. Hindi si Zachary ang kalaban. Hindi sa galit niya sa doktor dapat ituon ang enerhiya kung hindi sa pagpapalakas para matalo ang tunay niyang mga kaaway.
"Girlfriend?" inulit niya. "No. You deserve better than that. Gusto kitang ligawan."
"Kahit pa may asawa na 'ko? At ito pa ay ang magiging hari ng mga bampira. Hindi ka ba natatakot?"
"Isa lang ang kinakatakot ko at iyon ay ang mawala ka."
Napangiti si Chloe sa deklarasyon nito. "Gawin mo ang gusto mo. Alam ko namang hindi kita mapipigilan."
Saksi ang buwan sa pagtatapatan. Pumalibot ang mga braso ni Zachary sa kaniyang baywang. Nagtama ang kanilang mga noo sa lapit ng mukha nila sa isa't isa.
"Ngayon tara na sa aking laboratoryo nang matingnan 'yan."

BINABASA MO ANG
Bad Blood
VampireEver imagined a world run by vampires? Stop imagining. Dahil sa mundong ginagalawan ni Chloe, wala nang taong nabubuhay. At bilang nag-iisang miyembro ng angkang Ashbourne, ang nag-iisang pamilyang dumepensa sa mga tao, kailangan niyang magtago mu...