Epilogo

2.3K 91 14
                                    

NASA mansyon ng mga Vector si Jonathan at nakikipaglaban ng larong bilyar sa elder na si Henry. Dumating si Margeau kasama ang isang katulong na may dalang tatlong baso ng dugo at hinalikan sa pisngi ang dalawang lalaki.

"Go, Babe," mahalay na bulong nito sa nobyo. Tinitigan siya ng kuya niya nang masama at natawa ito. "Go, Kuya! Biro lang 'yon syempre."

"Narinig mo na ba ang balita?" panimula ni Henry pagkatapos tumira.

"Ano iyon?"

"Nag-aaklas daw ang mga taga-Timog. Mamaya ay magkakaroon kami ng usapin sa magiging kilos."

"Iba ka na, Pare. Ang mature mo na a," tukso nito sa kaibigan.

Ngumisi si Henry. "Eh ikaw lang naman itong hindi nagbabago, Jon."

Napasimangot si Jonathan at tumigil sa pagpuntirya ng bola. Ganoon din si Margeau dahil alam niyang hindi maganda ang nasabi ng kapatid.

"Kuya"

"Sandali, Margeau. Anong ibig mong sabihin do'n, Henry?"

"May usap-usapan sa aming mga elders. Hindi ka na raw makontrol ni Dylan. Iminungkahi ko na hindi na muna ituloy ang pagkokorona sa 'yo o kaya magkaroon ng ibang kandidato."

"Ano?!" "Kuya!"

"Lalayo ka na rin sa kan'ya, Margeau. Kaibigan kita at hindi magbabago 'yon pero una palagi sa akin ang responsibilidad ko."

"Ano ba ang resonsibilidad mo? Ang maglingkod sa ating lahi, o sa mga kapwa mo elders?!"

"Walang kasalanan si Jon. Alam mo na matindi ang galit niya kay Dylan," depensa ni Margeau. "Wala ring kinalaman ang relasyon namin dito."

"Kay Dylan ka lang ba talaga galit, Jon? O sa sarili mo rin? Sa lahi mo rin!"

"Manahimik ka!" Pilit pinigil at pinapakalma ni Margeau ang nobyo na walang naging epekto.

"Bakit hindi mo sabihin sa kan'ya, Margeau, ang tungkol kay Ryan?" walang emosyon nitong saad.

"Ano?!"

"Jon sandali, mag" Huli na ang lahat nang pagdabugan sila ni Jonathan ng patpat na hawak at umalis.

Ibinaba ni Chloe ang tungkos ng puting rosas sa gitna ng puntod nina Louis at Lorna. Hinawakan ni Zachary ang balikat niya para gumaan ang loob at humarap siya rito para yakapin.

"Nami-miss ko sila."

"Kung na saan man sila, sigurado akong masaya silang ligtas ka."

"Sana tama ka." Lumingon siyang muli sa puntod. "Papa, Mama, si Zachary po pala."

Sa pagpapakilala rito ay naalala niya ang nangyari nang gabing makatagpo si Dean. Nagising na lamang siya na wala na itong buhay. Labis na hilakbot ang bumalot sa kaniya sa oras na iyon. Hindi niya alam ang gagawin. Hindi niya alam kung paano ito nagawa.

Ngunit dumating si Zachary. Nagkaroon sila, siya, ng gabay.

Dinala ni Tristan si Millie pabalik sa punso nito. Tumulong naman si Zachary para ikubli ang katawan ni Dean.

Kagaya ng pangako nito, lagi na itong nasa tabi ni Chloe.

"Mauuna na po ako. Kailangan ko pang makibalita kay Tristan." Humarap siya sa kasama. "Hindi ito palalampasin ng mga elders."

Hindi pa niya muling nakikita ang binata simula nang gabing iyon. Hindi lang siya, kung 'di maging si Millie ay hindi pa nagpaparamdam sa kaniya.

Akala niya ay nakawala na siya sa gapos ng gabing iyon. Ngunit sa tuwing hinahanap niya sa balikat ang dwende o ang boses ni Tristan ay naaalala niya ang kahindik-hindik niyang kasalanan.

Pagkabalik ng dalawa sa Neilson ay nagkakagulo ang mga estudyante sa labas. Isang itim na limousine ang nakaparada sa harap kung saan aligagang nag-uusap sina Delphine at Wilson bago sila mapansin.

"Chloe! Buti nakabalik ka na!" bulalas ni Delphine.

Mayroong mga nakasuot ng itim na lalaki sa pinto, tila nagbabantay.

Nang hilahin siya papaloob ni Delphine ay nagbigay daan ang mga ito. "Constables," bulong ni Zachary na sumusunod nang tahimik.

"Chloe, sa office ko. Ngayon na!" asik ng madame. "Dr. Pierce, hindi ka maaaring mangialam dito."

Hinaplos ni Chloe ang kamay niya na paraan niya ng pagsasabing kaya niya na iyon. Pumunta siya sa opisina ni Delphine kung saan naaamoy niya sa malayo si Ariel, at isa pang hindi matukoy.

Pagkapasok niya'y bumungad sa kaniya ang takot na kasama sa kuwarto na nakaupo sa harap ni Monica na walang ekspresyon sa mukha.

"Chloe Ashbourne, maupo ka." Tila pumait ang dila niya sa kaharap na elder. Hindi pa rin niya nalilimutan ang nagawa nito sa mga magulang niya.

"Anong maipaglilingkod ko sa inyo, elder Monica?" sarkastiko niyang usal. Umupo siya sa harap nito ngunit tensyonado ang bawat kalamnan niya. Nais niyang saktan ang kaharap.

"Nais kong ipaalam sa 'yo na simula ngayon, magsisimula na ang trial mo sa pagkamatay ni Dean Amorozo. Anong masasabi mo?"

"Patay na siya?"

"Don't play dumb. His body was discovered in the Lochan Lake. Sa tingin n'yo ba hindi ito matutuklasan ng namamahala sa school?"

Huminga siya nang malalim. Handa na siya rito. Alam niyang mahuhuli siya ano man ang gawin nila. "Wala akong kasalanan."

"May mga ebidensya kami na nagsasabing may alitan kayong dalawa." Naging mainit ang pagpapalitan nilang dalawa na walang magawa si Ariel kung hindi manahimik at maupo. "Nagkataon ding may mga nakakita sa nangyari kay Dean bago ito mabawian ng buhay."

"Gano'n ba? Kung gano'n, bakit hindi n'yo pa ipadakip ang may sala? Ako, sa hinala n'yo." Doon kayo magaling, hindi ba? Sa paggamit ng dahas...

"Sabihin na lang nating... binibigyan ka namin ng pagkakataon para maisalba ang iyong sarili." Nadapo kay Ariel ang tingin ni Monica, senyales niya para umalis. Kumaripas siya palayo.

Hinintay ni Chloe ang pagbagsak ng pinto bago sumagot. "Hindi ako papayag sa kahit anong kondisyong ibibigay n'yo sa 'kin. Kinuwento na sa 'kin ni Dr. Pierce ang tungkol kay Marissa!"

"Marissa?"

Nagkiskisan ang mga ipin niya sa galit sa ipinapakita ni Monica na walang kamalayan sa nangyari kay Zachary. Gusto niya itong sakalin ngunit ayaw nang dagdagan pa ang kasalanan.

"Sana, Chloe, naiintindihan mo nang maigi ang sitwasyon mo. Kung normal na bampira ka lang... matagal ka nang patay. Ngunit dahil sa huklubang si Reina at Jonathan Monroe, nakakapaglakad ka pa rin sa kung saan-saan. Ngayon kung may mangyaring masama sa 'yo, sabihin na nating, bisitahin ka ni Mr. Amorozo, wala na kaming magagawa dahil hindi pa tapos ang trial sa 'yo. Pero kung pakikinggan mo 'ko—"

"Ano ang kailangan mo, Monica?" nanggagalaiti niyang pagputol dito. Isinandal muli ni Monica ang likod sa sopa.

"Siguraduhin mong mawawala si Henry Vector. Patayin mo siya at ako mismo ang lilinis sa pangalan mo. Hindi lang ang kasalanan mo kay Dean Amorozo ang mawawala, kapag nagawa mo iyon, ang apelyidong Ashbourne ay babalik sa dati nilang pwesto."

Bad BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon