Kabanata XV

4.6K 202 77
                                    

"ANAK, ilang oras ka nang nagmumukmok dyan."

Nang hindi sumagot si Chloe mula sa silid, tumalikod na lamang si Lorna at humarap sa kapwa niyang nag-aalalang asawa. Umiling si Louis sa kaniya saka sabay silang bumalik sa salas.

Tama nga ang kaniyang ina. Simula nang bumalik sa kanilang tahanan, hindi na siya lumabas sa kaniyang kwarto. Nakahiga lamang siya sa kama't nakatitig sa mga daliri ng kaniyang paa.

Kung anu-ano ang gumugulo sa kaniyang isip.

Kung hindi ba siya nagpakilala, buhay pa kaya si Lorraine?

Kung tinulungan ba niya ito, may mababago ba sa kapalaran nito?

Ngunit ano mang pag-iisip ang gawin niya, wala sa kaniya ang kasagutan.

Gaano man siya kataimtim sa oras na iyon—tila isang manyikang payak na nakahiga sa kama—salungat naman noon ang kaniyang telepono na walang humpay sa pangangatal katatawag ng dapat niyang mapapangasawa.

Nasabi na ang dapat masabi. Wala nang makapagbabago ng kaniyang isip.

"Chloe." Napabalikwas siya sa boses ng isang lalaki. Tiyak siyang hindi iyon si Louis.

Tumayo siya para buksan ito. Bumungad ang bigong mukha ni Tristan. Napa-suklay siya sa buhok ng daliri habang pabalik sa kama. Wala siyang lakas para rito.

"Hindi na 'ko babalik," pinal niyang deklara.

Nag-krus ng mga braso si Tristan saka sumandal sa pintuan. "Nandito ako para ayain ka sa isang date."

Marahas niyang nilingon ang binata. Naka-ngiti ito nang maamo, napaka-inosente na alam niyang hindi siya makatatanggi.

At hindi na nga siya nagtangka. "Five minutes."

Sa loob ng dalawang minuto ay nakapamili na siya ng susuotin at nakapag-bihis. Sa sumunod namang tatlong minuto ay ang panunukso ng mga magulang niya. Mabuti na lamang at nasa labas naghintay si Tristan.

"Papasyal lang po kami," paalam niya.

Makahulugang ngiti ang binalik ni Lorna. "Classmate ko po siya," paliwanag niya kahit walang nanghihingi.

"Isa siyang pureblood. Gumamit kayo ng proteksyon," ani Louis na may hawak na dyaryo kanina lamang.

"Papa!" Tinawanan lang siya ng dalawa.

"Mukhang mabait," komento naman ni Lorna.

Sa maikling panahon ay nakuha na ng binata ang loob ng mga ito. Hindi niya mawari ang mahikang ginagamit ni Tristan para mapaibig lahat ng makakasalamuha nito.

"Mabait nga po," segunda niya.

"At may hitsura."

Umiling na lamang siya saka nilabas ang naturang lalaki. Tumayo ito nang diretso nang makita siya, saka naglahad ng palad. "Tara?"

Inilapat niya ang sariling kamay rito. Kakaibang init ang dumaloy mula kay Tristan patungo sa kaniya. Kahit paulit-ulit na nangyayari ay hindi siya kailan man magiging handa sa dinudulot na pakiramdam sa kaniya ng binata.

Mataas ang sikat ng araw. Walang ibang bampirang matatagpuan sa kalsada. Kanila ang sandaling iyon.

Tahimik nilang nilakad ang daan patungong parke nang magka-hawak. Pilit niyang iniiwas ang tingin sa kanilang mga kamay. Pilit na ikinukubli na maaaring nahuhumaling na siya sa kaibigan.

"Mahal mo ba si Jonathan?"

Marahil kung may iniinom siya sa oras na iyon, nabilaukan na siya sa biglaang tanong ni Tristan. Sa halip, tinawanan niya ito.

Bad BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon