LULAN ni Adolfo ay pabalik sina Chloe, Joshua at Millie sa mansyon ng mga Monroe. Walang nag-iimikan hatid ng bigat na dala nilang pangako kina Holly at Attila.
Hindi na nila kasama si Tristan dahil kinakailangan nitong tumungo kay Zachary para sa dugo lalo na't kasama pa nila si Joshua. Mahirap nang mabuko pa siya.
"Salamat, Adolfo. Maaari bang hintayin mo na lang kami rito?" pakiusap ni Chloe pagkababa ng karwahe.
"May magagawa pa ba ako?" masungit na bitiw nito.
Namamanghangang pumasok si Joshua kasama ang dalawang babae. Bagama't isa siyang tanyag din na pure-blood ay hindi pa rin ito maikukumpara sa kapangyarihan ng mga Monroe at yaman nito.
"Wow, Chloe. Paalala mo sa 'kin lagi na iba pala ang level mo," biro nito habang ang mata niya'y gumagala sa bagong kapaligiran.
"Oo, kaya kapag papasok siya dapat may red carpet ka na laging nakahanda."
"Loko talaga kayo."
"Welcome, Joshua Connor, to our humble abode!" anunsyo ni Jonathan habang bumaba ng enggrandeng hagdan na siyang nagpatulala kay Joshua. Nakasuot siya ng puting damit na may mahabang manggas at bukas ang unang tatlong butones, saka itim na pantalon. "At hello sa 'yo, maganda kong asawa."
"Jon, kailangan namin ang tulong mo," walang kung anong pahayag ni Chloe na nagpasimangot sa royal.
"Minsan ka na nga lang umuwi ay sa gan'yang kadahilanan pa. Nakakapangtampo ka na, Honey." Rumolyo ang mata ni Chloe na sanay na sa ugali ng lalaki. "Joke. Sumunod kayo sa 'kin sa office ko." Humagikhik nang mahina si Millie sa lakas ng kaibigan sa kinatatakutang si Jonathan at hindi pa rin makapaniwala si Joshua kaya tahimik lang silang sumunod.
Ipinaliwanag nila ang mga pangyayari kay Jonathan na taimtim na nakinig. Tutulong din naman ito ngunit binantaan sila na marami talagang pure-bloods ang mapaglaro sa ibang mga nilalang gaya ng mga sirena. May black market nga para rito na piniling hindi pakialaman ng mga elders.
"Magtatanung-tanong ako. Ngunit Chloe, pagkatapos nito, hindi ka na dapat sumali pa sa mga bagay na hindi ka naman kaugnay. Ang black market ay nariyan na nang mahabang panahon. Kahit pa may mailigtas tayong isang sirena, wala pa ring magbabago. Magpapatuloy lang ang talamak na pandudukot at pagbebenta ng kalayaang hindi naman sa kanila."
"Hindi pa rin natin ito dapat ipagsawalang bahala." Napataas ang isang kilay ni Jonathan. "Siguro sinadya ng pagkakataon na mapunta ako sa Academy, na ibigay sa amin ang proyektong ito. Hindi ko alam kung ano ang maaari kong gawin, pero hindi ako papayag sa ganitong sistema!"
"Ah Chloe, Mr. Monroe, lalabas muna ako para magpahangin!" paalam ni Joshua na nararamdaman ang nalalapit na iringan.
"Sasama na rin ako. Hihi!" dagdag pa ni Millie bago sumunod kay Joshua.
"Bago kita makilala, isa ka lang bampira na walang tanging hangad kung 'di manatiling isang anino. Ngayon, pagkatapos ng isang engkwentro dahil sa proyektong makahanap ng rare object ay handa kang itaya ang buhay mo para mangialam sa sistemang nariyan na bago ka pa isilang?"
"Malaki na ang nagbago, Jon. At oo. Kibit balikat kong itataya ang buhay ko para lang matulungan ang mga walang laban dahil... gano'n din ako. Wala naman talaga akong laban kung wala kayo sa tabi ko."
Napangisi ang kaniyang asawa.
"Mabuti. Pareha tayo ng hangarin. Hindi ako nagkamali sa pagpili."
"You sound more like my father than my husband, Mr. Monroe," panunudyo ni Chloe. Ngunit ikinagulat niya ang sunod nitong ginawa.
Mula sa siko ay hinila siya nito papalapit. Ang sunod niyang alam ay yakap na siya ni Jonathan. Hindi na siya nakapagsalita. Hindi nakagalaw.
BINABASA MO ANG
Bad Blood
Про вампировEver imagined a world run by vampires? Stop imagining. Dahil sa mundong ginagalawan ni Chloe, wala nang taong nabubuhay. At bilang nag-iisang miyembro ng angkang Ashbourne, ang nag-iisang pamilyang dumepensa sa mga tao, kailangan niyang magtago mu...