KABABALIK lang muli ni Dylan sa kanilang mansyon lulan ang isang itim na sasakyan. Walang sabi-sabi ay dumiretso siya sa loob—hindi maipinta ang kapaitan ng mukha—at tumungo sa silid ng nag-iisang anak.
Ngunit wala ito. Lumabas ang pangil ni Dylan sa inis at sinipa pa-bukas ang pinto sa banyo sa silid. Naroon si Jonathan kasama ang isang babaeng bampira na walang mga saplot sa sarili habang naliligo sa dugo sa banyera.
"Hello, Father," nanunuyang bati nito. Lumapit si Dylan at sa isang iglap, binali ang ulo ng babae, dahilan para lumubog ito nang tuluyan sa kailaliman ng lawa ng dugo. Ngumiwi ang anak niya. "Demonyo ka pa rin pala."
"Did you assume it would be funny to give a fine portion of our land in the south to those mongrels? If then, how foolish of you!"
"Ahh. 'Yon pala. Huwag kang mag-alala. Hindi pa iyon ang huli," tugon niya habang tumatayo saka tumungo sa ilalim ng dutsa.
"Jonathan!" Sadyang hindi niya pinansin ang ama na tila umuusok na ang ilong. Pagkatapos mag-anlaw ay binalot niya ang sarili ng bata de banyo.
"Ano ba ang gusto mong marinig mula sa 'kin?"
"Huwag mo nang ituloy ang kasal. Kahit kanino, h'wag lang ang babaeng 'yon. Kung gusto mo, gawin mo siyang isa sa mga babae mo! Pinag-aaral mo siya kaya hindi siya makatatanggi."
"Si Chloe pa rin pala ang isyu mo? Hindi siya gano'ng klase ng babae," kunot noo niyang pagtatanggol. "Matutuloy ang kasal, may permiso mo o wala." Nilagpasan niya ang ama pabalik sa silid ngunit mahigpit siya nitong hinagilap sa braso.
"Pinagbantaan niya ang mga elders! Hindi kayo makakakuha ng basbas. Walang bisa ang magiging kasal n'yo! At alam mo, Jonathan, kung ano ang kaya nilang gawin hindi lang sa kaniya kung 'di pati sa 'yo na rin!"
"Basbas lang ba? Nariyan si Reina. Hindi man ako sigurado, pero mukhang makatwirang bampira rin si Christopher. At kung wala na talaga, nand'yan pa rin ang aking kaibigang si Henry."
Umalingawngaw ang malakas na sampal ni Dylan kay Jonathan sa buong mansyon. Masama ang tingin nila sa isa't isa—naghahamunan. Wala sa isa sa kanila ang may balak umatras. Bibigyan pa niya ng isa pa ang anak nang masalo nito ang pulsuhan niya.
"Nanganganib ang candidacy mo sa trono. Itatapon mo ba ang pagkakataong pamunuan ang kinamumuhian mong lahi para sa isang... isang bampira?!"
Inilapit ni Jonathan ang mukha sa ama—malalim ang hinga nito sa halu-halong emosyon, ang mga mata'y nagyeyelo sa intensidad—saka bumulong, "Gano'n na nga."
KATATAPOS lang uminom ng dugo ni Chloe mula sa nahuling usa sa ilalim ng Lochan Academy nang mapagtanto niyang marami pa siyang libreng oras. Naisipan niyang tumungo sa silid aklatan kasama ang dwendeng kaibigan nang mapadaan sa recreational area ng kampus.
May kani-kaniyang mga grupo ang estudyante. Ngunit siya, maging si Tristan na madalas nagbabasa lang sa kung saan, ay hindi nakikihalubilo masyado sa kahit sino rito.
"Chloe Ashbourne!" tawag ng pamilyar na boses. Naroroon si Joshua, kapareha ni Tristan. Dahil sa ginawa nito ay pinagtinginan siya at ang kaniyang kaibigang dwende ng ibang mga bampira.
"Uhh... awkward?" bulong ni Millie sa kaniya. Pinilit ni Chloe ang ngiti habang papalapit sa tumawag na bampira. May bilog ang mga itong nabuo at nagulat na lang siya nang makitang naroon si Tristan, na nakikipag-punong braso sa isa pang bampira.
"Sinong pusta mo?" ani Joshua. Lumingon sa kaniya ang tao at kumindat, dahilan para may kung anong mga paru-paro ang maglikot sa kaniyang tiyan.
"Syempre si Tristan! Tinatanong pa ba 'yan?" sabi ni Millie.
BINABASA MO ANG
Bad Blood
VampireEver imagined a world run by vampires? Stop imagining. Dahil sa mundong ginagalawan ni Chloe, wala nang taong nabubuhay. At bilang nag-iisang miyembro ng angkang Ashbourne, ang nag-iisang pamilyang dumepensa sa mga tao, kailangan niyang magtago mu...