"Naya! Mahulog ka riyan, ah!"
Hindi ko pinakinggan si Papa at nagpatuloy sa pag-akyat ng puno ng mangga. Ito namang si Papa, napaka-nerbiyoso, hindi naman ako mababalian ng buto dito. Mahilig akong umakyat ng puno, hindi ako takot sa matataas. May gano'n ba talaga? Takot sa matataas? Ang sabi kasi sa 'kin ni Papa, mayron lang mga takot mahulog, pero hindi naman ako mahuhulog kung kakapit ako nang mabuti.
"Hindi po, Pa!" sigaw ko mula sa baba, "Hindi rin naman ako takot," mahina kong sabi nang makarating sa tuktok. Pumitas ako ng manggang hilaw at nilagay ito sa supot na nakasabit sa braso ko. Paborito kasi namin 'tong meryenda ni Papa. Nang matapos ako ay naisip ko bigla ang isang bagay na gustong gusto kong gawin.
Ang magpalipad ng eroplano.
Pangarap kong makalipad, pangarap kong makasakay ng eroplano balang araw.
Sa ngayon, hindi ko pa kaya 'yon, kaya papel lang muna ang mapapalipad ko. Hinugot ko ang ginawa kong eroplanong papel mula sa aking bulsa at inayos ito bago ihagis sa ere. Napangiti ako nang makita itong tangayin ng hangin. Dali-dali akong bumaba ng puno para masalo ito, inalalayan ako ni Papa sa mga hakbang ko.
"Ang galing ko, Papa!" sabi ko nang masalo ko ang eroplano. Sakto ang pagkababa ko sa landing nito. Bakas sa mukha niya ang kaba dahil sa bilis kong bumaba.
"Halika na, hugasan na natin 'yan nang makakain ka na," aniya bago kunin mula sa kamay ko ang supot. Patuloy lang ako sa paglaro ng eroplano hanggang sa makapasok ng bahay.
Tinulungan ko siyang mag-hugas ng mga mangga at inabot sakanya ang iba para mabalatan na. Pinanood ko lang siyang maghiwa at maghain ng meryenda namin tapos nanood na kami ng TV. Mahilig kaming manood ni Papa ng mga palabas tungkol sa mga eroplano at iba pang makina. Engineer kasi siya.
"Pa, anong gusto mong trabaho para sa 'kin?" Dose anyos pa lang ako, masyado pa 'kong bata para maisip kung ano talagang gusto ko sa buhay. Basta ang gusto ko lang, lumipad. 'Yung kagaya ng mga ibon, paru-paro, at mga bubuyog. Mukha kasi silang masaya at malaya sa ginagawa nila.
"Hmm...piloto," aniya, "Di ba 'yon naman ang gusto mo?"
"'Yung nagpapalipad ng eroplano?" tumango naman si Papa, napa-isip ako. "May babae po bang piloto? Bakit puro lalake po nakikita ko sa TV?"
"Mayron!" sigurado niyang sabi, "Hindi lang naman panlalake ang mga trabahong 'yon. Hindi rin naman porket lalake ang kadalasan mong nakikitang gumagawa no'n ay kanila na 'yon," pagpapaliwanag niya.
"Hmm...flight stewardess po kaya?" sabi ko bago isawsaw ang mangga sa bagoong.
"Ikaw bahala, marami ka pa namang oras para mag-isip," aniya at sinuklay ang buhok ko.
Mayron ba 'kong kinakatakutan o mayron lang akong ayaw gawin? Hindi ko pa naiintindihan ang pinagkaiba nila. Paano kung gusto ko lang sumakay ng eroplano pero ayaw kong magpalipad nito? Paano kung takot pala ako?
"Basta, Papa, sasakay tayo ng Eroplano, ah! Libutin natin ang buong mundo!" proud na proud kong sabi sakanya.
BINABASA MO ANG
Ain't Cruel Enough
RomanceA young girl who dreamed of flying fell in love with the dentist's son who gave her grandfather's smile back. She taught him how to dream, he taught her how to grow. He thought that the world was enough, she thought that the world was cruel. The lov...